Welga sa Monde Nissin, tagumpay
TAGUMPAY ANG IKALAWANG welga ng mga manggagawa ng Monde Nissin noong Agosto 27 matapos magkasundo ang Monde Nissin Labor Association-LIGA (MNLA-LIGA) at maneydsment kaugnay sa isyu ng pagtatanggal sa 176 manggagawa. Kabilang sa napagkasunduan ay pagbabayad ng maneydsment nang di bababa P100,000 na separation pay sa bawat sinisanteng kontraktwal na manggagawa.
Una nang nagwelga ang MNLA noong Agosto 6 kung saan sumang-ayon ang maneydsment na gawing regular ang mga kontraktwal. Pero sa halip na sumunod sa usapan, tuso nitong sinisante ang naturang mga manggagawa.
Ayon sa MNLA-LIGA, ang pagtanggap ng mga sinisante ng separation pay ay hindi nangangahulugan na ititigil na nila ang kanilang paglaban para sa regularisasyon.
Sa Araw ng mga Bayani noong Agosto 16, kasama ang mga manggagawa ng Monde-Nissin sa pagkilos laban sa mababang sahod, kontraktwalisasyon at pandarahas.
Dumalo rin sa protesta ang mga manggagawa mula sa NutriAsia at Peerless Products Manufacturing Corporation.