Langis at ang kasaysayan ng imperyalistang panghihimasok ng US sa Iran
Ang pagpaslang kay Iranian General Qassem Soleimani noong Enero 3 ay huli lamang sa napakahabang listahan ng mga krimen ng US sa Iran. Ito ay isang desperadong pakana ng US para pwersahin ang Islamic Republic of Iran na sumunod sa mga dikta nito nang sa gayo’y lumawig ang hegemonya at pandarambong nito sa Middle East.
Pangunahing pinaglalawayan ng US ang napakayamang rekursong langis ng Iran. Ang Iran ay may 155.6 bilyong bariles ng reserbang langis na ikaapat na pinakamalaki sa buong mundo. Tinatayang 10% ito ng kabuuang pandaigdigang reserba ng langis.
Ang mahigit isang siglo nang panghihimasok at tangkang pagparalisa ng mga imperyalista sa industriya ng langis ng Iran ang nagtutulak sa mamamayang Iranian na makibaka. Ang ekonomikong pakikibakang ito ang nagsisilbing pundasyon ng kanilang pakikibaka para sa pambansang soberanya.
Kudeta laban kay Mossadeq
Nagsimula ang interbensyong US sa Iran nang kasapakatin ito ng Britain sa paglulunsad ng Operation Ajax noong 1951 na naglayong patalsikin si Iran Prime Minister Mohammad Mossadeq sa poder. Ito ay matapos niyang itatag ang National Iranian Oil Company (NIOC) at isabansa ang industriya ng langis na mula 1901 ay monopolisado ng Anglo-Iranian Oil Company (AIOC) ng Britain. Para gipitin ang ekonomya ng bansa, sinulsulan ng Britain ang iba pang mga bansa na iboykot ang ineeksport na langis ng Iran.
Nalantad na nagdeploy ang US ng mga ahente ng Central Intelligence Agency (CIA) sa Iran mula 1951 hanggang 1953 para isagawa ang kampanyang destablilisasyon laban kay Mossadeq. Nagpanggap ang mga ahente bilang mga komunistang tagasuporta ni Mossadeq at naglunsad ng mga pang-aatake at pambobomba laban sa mga Muslim sa Iran. Nagpalaganap ang US ng anti-komunistang sentimyento at lumikha ng multo ng terorismo sa Iran. Ito ang isinangkalan ng US at ng Britain para bigyang katwiran ang kanilang interbensyon. Noong 1953, nagpakana ang mga imperyalista ng isang kudeta na humantong sa pagpapatalsik kay Mossadeq. Sinuportahan din ng papet na shah (hari) ng Iran na si Mohammad Reza Pahlevi ang kudeta para palawigin ang kanyang diktadura at makuha ang suporta ng mga imperyalista.
Alinsunod sa dikta ng mga imperyalista, niliberalisa ni Pahlavi ang industriya ng langis at itinatag niya ang Iranian Oil Participants Ltd. Pinagmay-arian ang konsorsyum na ito ng mga multinasyunal na British Petroleum na noo’y ang AIOC (40%); ng tinaguriang “Big Five” ng US na kinabibilangan ng Gulf Oil, Socal, Esso, Socony at Texaco (40%); British-Dutch Royal Dutch Shell (14%); at Compagnie française des pétroles o Total (6%). Pinahintulutan ng rehimeng Pahlavi ang dayuhang mga kumpanya na pangasiwaan ang operasyon ng kumpanya sa loob ng 25 taon.
Rebolusyong Iranian
Sa harap ng tumitinding krisis sa ekonomya at bilang paglaban sa pagpapakatuta ni Pahlavi sa mga imperyalista, inilunsad ng mga mamamayan ang Rebolusyong Iranian noong 1979. Rumurok ang mga demonstrasyon at welgang bayan sa pagpapatalsik at pagpapalayas kay Pahlavi sa bansa noong Enero 17, 1979. Matapos ang dalawang linggo, itinanghal si Ayatollah Khomeini bilang lider ng Iran. Itinatag niya, sa bisa ng isang reperendum, ang Islamic Republic of Iran noong Abril 1, 1979.
Nang mapaso ang kontrata ng Iranian Oil Participants Ltd. sa parehong taon, muling isinabansa ni Khomeini ang industriya ng langis sa Iran. Ikinagalit ng US ang hakbang na ito. Para bawiin ang kontrol nito, muling nagpakana ang US ng kudeta laban sa rebolusyonaryong gubyerno ni Khomeini. Subalit binigo ito ng mga estudyanteng Muslim na sumugod sa embahada ng US noong Nobyembre 4, 1979. Kinontrol nila ang embahada at binihag ang 52 kawani nito para itulak ang US na itigil ang panghihimasok nito.
Isinangkalan ng US ang hakbang na ito para magpatupad ng mga sangksyon laban sa Iran. Kabilang na rito ang pagbawal sa Iran na kunin o gamitin ang mga reserbang ginto nito sa mga bangko ng US, pagbabawal sa mga Amerikano na bumili o makipagnegosyo sa mga kumpanyang Iranian, at marami pang iba. Matapos ang 444 na araw, pinakawalan ng Iran ang mga bihag sa kundisyong ititigil ng US ang militar at pulitikal na panghihimasok at ekonomikong panggigipit nito sa Iran.
Digmaang Iran-Iraq
Aktibo rin ang naging papel ng US sa Digmaang Iran-Iraq na tumagal mula 1980 hanggang 1988 at nagresulta sa halos isang milyong sibilyang kaswalti sa dalawang bansa. Sa digmaang ito, sinulsulan at sinuportahan ng US si Saddam Hussein upang sakupin ang Iran. Para durugin ang Iran, nagbigay ito ng bilyun-bilyong dolyar na ayuda, suportang paniktik, mga armas at maging mga sangkap sa paggawa ng mga armas kemikal na ipinagbabawal ng batas ng digma. Aabot sa 90 na tagapayong militar ng US din ang direktang nagdirehe sa mga operasyon ng mga pwersang Iraqi.
Ikinasa rin ng US ang Operation Praying Mantis sa kasagsagan ng digmaan noong 1988 matapos na masabugan ng bomba ang isang barkong pandigma ng US sa Persian Gulf. Sa operasyong ito, sinalakay at binomba ng mga tropang US ang dalawang oil rig ng Iran sa nasabing golpo. Tinatayang nagpoprodyus ang winasak na mga pasilidad ng 150,000 bariles ng langis kada araw.
JCPOA at mga sangksyon ng US
Noong 2002, muling binuhay ng US ang mga sangksyon nito laban sa Iran. Isinangkalan ng US ang banta na lumilikha umano ng armas nukleyar ang Iran.
Napawalambisa lamang ang mga sangksyon noong 2015 nang pumirma ang Iran sa Joint Comprehensive Plan of Action (JCPOA). Ito ay isang kasunduan na pinirmahan din ng US, Russia, France, China at Germany para limitahin ang kani-kanilang mga programang nukleyar. Gayunman, noong 2018, unilateral na ibinasura ng US ang kasunduang ito.
Noong 2019, nagpatupad si US Pres. Donald Trump ng mas marami at mas mabagsik na mga sangksyon laban sa Iran. Nagbanta rin siya sa ibang mga bansa na mag-aangkat ng langis mula rito. Layunin ni Trump na tuluyan nang pabagsakin ang eksport ng langis ng Iran nang gayo’y maagaw ng US ang pamilihan nito.
Ito ang isa sa mga pangunahing dahilan kung bakit bumagsak ang produksyon ng langis sa Iran nang higit kalahati mula 4.6 milyong bariles kada araw noong Enero 2018 tungong 2.1 milyon noong Oktubre 2019.
Gayunpaman, bigo ang US na pasunurin ang ibang mga bansa sa dikta nitong huwag mag-angkat ng langis mula Iran. Ngayong buwan, naiulat na umaabot sa 577,000 bariles kada araw ang inieksport ng Iran sa China at Syria pa lamang.
Noong Hulyo 2019, sumirit ang mga presyo ng mga bilihin sa Iran nang 40.4%. Ang nasabing abereyds na tantos ng implasyon ang pinakamataas na naitala sa Iran mula pa noong Enero 1996. Ang problemang ito ay pangunahing pasan-pasan ng mayoryang mahihirap.
Samantala, tumaas din ang presyo ng langis sa pandaigdigang pamilihan noong Enero 3 matapos ang pagpaslang kay Soleimani. Ang abereyds na presyo ng langis sa pandaigdigang pamilihan ay pumalo sa $69.16 kada bariles, ang pinakamataas na naitala mula Setyembre 17.