Pagpaslang ng US kay Soleimani, binatikos

,

Malawakang binatikos ng mga mamamayan sa iba’t ibang panig ng daigdig ang pagpaslang ng mga tropang US kay Iranian General Qassem Soleimani sa Baghdad, Iraq noong Enero 3 alinsunod sa mando ni Pres. Donald Trump. Tinarget ng mga misayl ang komboy ng mga sasakyang lulan si Soleimani at iba pang mga upisyal militar ng Iran at milisya ng Iraq. Agad na nasawi si Soleimani at ng siyam na iba pa.

Ayon sa International League of Peoples’ Struggle (ILPS), ang nasabing aksyong militar ay lantarang pagyurak sa pambansang soberanya ng Iraq at Iran, at paglabag sa internasyunal na batas lalupa’t walang inilabas na paunang deklarasyon ng digma ang US. Pilit na pinalabas ni Trump na pakay lamang umano niyang pigilan ang isang “napipintong teroristang atake” na pinaplano nina Soleimani. Ito ay kahit pa walang maipakitang ebidensya ang rehimeng Trump.

Para sa mga Iranian, si Soleimani ay isang bayani at hindi terorista. Isa siya sa mga pinakamahusay at pinakamagiting na estratehista ng Iran na lumaban sa mga teroristang grupo gaya ng Islamic State, Al Nusra at Al Qaeda, na ginagamit ng imperyalismong US sa mga gerang agresyon nito sa Middle East. Si Soleimani at ang kanyang mga kasamahang Iranian at Iraqi ay aktibong nakipaglaban sa Iraq at Syria mula pa nang buuin at ideploy ng US at Israel ang Islamic State bilang sandata para sakupin ang Iraq, Iran at Syria.
Isang araw matapos ang pagpaslang kina Soleimani, muling nagbanta si Trump na mayroon pa umanong 52 target na wasakin ang US sa Iran, kalakhan ay mga istrukturang kultural.
Mariing kinundena ng Human Rights Watch ang banta. Anito, dapat na bawiin ni Trump ang kanyang pahayag sapagkat labag sa batas ng digma ang sadyang pang-aatake sa mga pangkulturang imprastruktura na hindi naman ginagamit sa digmaan.

Mga protesta

Pinangunahan ng Migrante International ang isang protesta sa harap ng Department of Foreign Affairs sa Manila noong Enero 10 para ipahayag ang kanilang pangambang madamay sa kaguluhan ang 2.4 milyong migrante na kasalukuyang nagtatrabaho sa Middle East. Binatikos din nila ang plano ng rehimeng Duterte na magpadala ng dalawang batalyon. Humarap din si Sec. Teodoro Locsin Jr. sa mga raliyista, subalit imbis na tugunan ang kanilang panawagan ay nang-uyam lamang siya.

Bilang pakikiisa sa mamamayang Iranian, nagmartsa ang iba’t ibang progresibong grupo sa harap ng US Embassy noong Enero 6 upang kundenahin ang panggegera ng imperyalistang US sa mga bansa gaya ng Iran. Ayon sa Kilusang Mayo Uno, walang ibang makikinabang sa gerang ito kundi ang rehimeng Trump at mga multinasyunal na kumikita sa pagprodyus ng mga kagamitang pandigma. Nagprotesta rin noong Enero 4, ang mga kasapi ng BAYAN-USA sa protesta kontra gera sa Los Angeles, California.

Pagpaslang ng US kay Soleimani, binatikos