Kasaysayan ng pagkaalipin ng mga Itim
Mahigit isang buwan nang tuluy-tuloy ang malalaking protesta ng kilusang Black Lives Matter sa iba’t ibang bahagi ng US. Isinusulong nito hindi lamang ang mga karapatan at kagalingan ng mga Itim sa kasalukuyan kundi pati ang pagwawasto sa siglo-siglong pang-aapi at pagsasamantala sa kanila sa US.
Unang dumating sa hilagang bahagi ng kontinenteng America ang mga Itim bilang mga alipin. Bagamat dati nang ikinakalakal ang mga Itim na alipin sa kontinente noon pang ika-16 siglo, itinuturing ang Agosto 1619 bilang simula ng pang-aalipin sa kanila. Ito’y nang dumating sa Virginia ang isang barkong lulan ang mahigit 20 alipin mula sa Africa. Noo’y sakop pa ng Britain (UK) ang mga teritoryo sa US.
Nagsimulang gawing ligal ang pang-aalipin noong 1641. Ang mga alipin ay pinagtrabaho sa mga plantasyon ng tabako, palay, tubo, indigo at iba pa. Itinakda ng batas noong 1654 na habambuhay na pag-aari ng kapitalistang panginoon ang kanyang alipin at mga anak nito. Dinanas nila ang di-makataong pamumuhay at brutal na mga kaparusahan kabilang ang paglatigo, pagbitay, pagputol ng bahagi ng katawan, panggagahasa at iba pang pagmamalupit.
Noong huling bahagi ng siglo 1700, 3.2 milyong aliping Itim ang pinagtrabaho sa malalawak na plantasyon ng bulak. Pagsapit ng 1860, sa bisperas ng modernong manupaktura, dalawang-katlo ng suplay ng bulak sa buong mundo ay mula sa paggawang alipin.
Sumulong ang kilusan sa pagwawakas ng pang-aalipin sa naganap na digmaang sibil noong 1861. Upisyal na winakasan ang pang-aalipin noong Hunyo 19, 1865, pero nagpatuloy ang diskriminasyon at rasismo sa mga manggagawang Itim.
Aabutin pa ng 99 taon matapos wakasan ang pang-aalipin sa mga Itim, bago kinilala noong 1964 ang pantay na karapatan para sa lahat. Bunga ito ng malawak na kilusan noong dekada 1950 at 1960 para sa karapatang sibil, gayundin, ang pag-usbong ng mga rebolusyonaryong samahan ng mga Itim.
Subalit matapos ang mahigit kalahating siglo, hindi pa rin tuluyang nabubura ang diskriminasyon, pang-aapi at pagpapahirap sa mga Itim. Pana-panahong sumisiklab ang malalawak na protesta ng mga Itim. Ang ilang linggo nang protesta sa US sa diwang “Black Lives Matter” o “May Saysay ang Buhay ng mga Itim” ang pinakamalawak at sustenido sa nagdaang mga dekada.