Mga katipunero noon, mga Pulang mandirigma ngayon

,

Sa paggunita sa itinuturing na pagsisimula ng armadong rebolusyon ng Katipunan noong 1896, kinilala ng mga rebolusyonaryo ang pag-aalay ng sarili at sakripisyo ng mga bayani at martir ng bagong demokratikong rebolusyon ng mamamayang Pilipino noong Agosto 31. Sila ang mga makabagong Katipunero na nagpatuloy sa hindi pa natatapos na pambansa-demokratikong rebolusyon.

Mula Cordillera hanggang Mindanao, sinaluduhan ng buong rebolusyonaryong kilusan ang mga Pulang mandirigma na nag-alay ng buhay para sa mamamayan at armadong paglaban.

Kinilala ng Katipunan ng mga Samahang Manggagawa sa Cordillera sina Philbert Dalang, Antonio Licawen (Ka Hicap), Wilfredo Aluba (Ka Hoben), Maritess Payangdo (Ka Gigi)—mga manggagawa at mala-manggagawang naglingkod sa hukbong bayan—gayundin ang iba pang Pulang mandirigmang nag-alay ng buhay sa pakikibaka ng mga minorya at mamamayan.

Inihayag naman ni Ka Bayani Obrero ng National Democratic Front-Negros Island na ang dugo at sakripisyo ng mga martir ay higit na nagpapaliyab sa pakikibaka ng mga Negrosanon. Pinakahuli rito si Mitchel Fat (Ka Epi), na namatay noong Agosto 31. Nagsisilbi silang inspirasyon higit lalo sa panahon ngayon nang walang tigil na mga atake, pagpaslang at pananakot ng mga ahente ng estado kabilang na ang 89 na biktima ng ekstrahudisyal na pagpaslang sa isla.

Sa Ang Kalihukan, rebolusyonaryong pahayagang pangmasa ng North Central Mindanao, inalala ng mga rebolusyonaryong pwersa sa rehiyon ang 23 martir sa unang hati ng 2020. Kabilang dito sina Rio Amor Yuson (Ka Lima), kasapi ng Komiteng Rehiyon ng Partido, Gladys Joy Hiponia (Ka Andi), kasapi ng Rehiyunal na Istap sa Medikal at iba pang nasawi noong Mayo sa Gingoog City.

Iginawad naman ng Rehiyunal na Operasyon sa Komand ng BHB sa Southern Mindanao ang pinakamataas na rebolusyonaryong pagpupugay kay Prince Wendel Olofernes (Ka Do), Pulang kumander at rebolusyonaryong artista.

Kasabay nito, binigyan-pugay ng mamamayan si Andrea Rosal, dating bilanggong pulitikal at anak ng yumaong tagapagsalita ng Partido na si Gregorio Rosal (Ka Roger). Napatay siya sa isang labanan sa Brooke’s Point, Palawan, kasama sina Bonifacio Magramo, Noel Siasico, Rona Manalo at isa pa noong Setyembre 3.

Pinagpugayan ng rebolusyonaryong kilusan ang mga dakilang Komunista na sina Julius Giron (Ka Nars), Randall Echanis, Fidel Agcaoili at iba pa na nakatatak ang pangalan sa rebolusyonaryong kasaysayan kasama ang mga bayani ng rebolusyong Pilipino.

Mga katipunero noon, mga Pulang mandirigma ngayon