Panggigipit sa mga lider masa, sunud-sunod

,

Inaresto ng pinagsamang pwersa ng pulis at militar si Nelsy Rodriguez, tagapangulo ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan)-Camarines Sur sa loob ng upisina ng grupo sa Bagumbayan, Naga City noong gabi ng Setyembre 6.

Nagpakilalang manggagawang pangkalusugan ng barangay ang isang babaeng ahente para makapasok sa upisina. Sinundan siya ng walong nakasibilyang pulis na naghapag ng mandamyento de aresto sa gawa-gawang kasong pagpatay. Dinala si Rodriguez sa bayan ng Labo para iharap sa korte. Pangatlo na siya sa mga lider masa ng Bicol na di makatarungang inaresto.

Sa Panay, gawa-gawang kaso rin ng kasong pagpatay at bigong pagpatay ang isinampa kay Elmer Forro, pangkalahatang kalihim ng Bayan-Panay noong Setyembre 5. Pilit na pinalalabas ng militar na may kaugnayan siya sa isang ambus ng Pulang hukbo sa mga tropa ng 301st IBde noong Abril 7 sa Lambunao, Iloilo.

Samantala, sinampahan ng Kadamay ng kasong pagnanakaw at gross misconduct noong Agosto 28 ang hepe ng PNP-Central Luzon at 11 pang pulis sa Pandi, Bulacan. Kaugnay ito ng arbitraryong pangungumpiska ng mga pulis sa dyaryong Pinoy Weekly sa upisina ng Kadamay sa Pandi noong Hulyo. Bago nito, tumungo ang mga myembro ng grupo sa Quezon City Hall para iparating ang kanilang mga hinaing sa ilalim ng lockdown.

Panggigipit sa mga lider masa, sunud-sunod