7 aktibista, inaresto sa Araw ng Karapatang-tao

,

Iligal na inaresto ng mga elemento ng Philippine National Police (PNP)-Criminal Investigation and Detection Group ang pitong aktibista noong Disyembre 10, Internasyunal na Araw ng Karapatang-tao, sa magkakahiwalay na lugar sa Metro Manila.

Hinalughog at tinamnan ng baril at pasabog ang tinutuluyang mga bahay nina Lady Ann Salem, patnugot ng Manila Today, at mga organisador ng manggagawa na sina Dennise Velasco, Rodrigo Esparago, Romina Astudillo, Mark Ryan Cruz, Joel Demate at Jaymie Gregorio, Jr.. Inaresto at sinampahan sila ng gawa-gawang kaso batay sa tinanim na mga ebidensya. Lahat ng mga search warrant ay pinirmahan ni Judge Cecilyn Burgos-Villavert ng Quezon City Regional Trial Court. Kasabwat ni PNP Chief Gen. Debold Sinas ang naturang huwes sa maraming kaso ng pag-aresto sa Negros at National Capital Region. Tinaguriang “pabrika ng mandamyento” ang kanyang upisina at pinaiimbestigahan na sa Kongreso.

Malawak ang naging pagkundena sa rehimen sa atake sa malayang pamamahayag at pag-uunyon. Ang Manila Today ay kabilang sa ni-red-tag ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict sa nagdaang pagdinig sa Senado dahil sa paglalathala nito ng mga sulating kritikal sa rehimen. Ang mga unyonista naman ay dinakip dahil sa pagiging aktibo sa paglaban sa kontraktwalisasyon sa malalaking kumpanya tulad ng PLDT, Jollibee, Regent, Super 8, Pepsi at iba pa.

Ni-red-tag na duktora sa Negros, pinaslang

Isang duktor na pinaratangang myembro ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) ang binaril ng death squad ng rehimen noong Disyembre 15 sa Guihulngan City, Negros Oriental. Napatay sa pamamaril si Dr. Mary Rose Sancelan, pinuno ng lokal na task force laban sa Covid-19 at nag-iisang duktor sa upisinang pangkalusugan ng syudad. Pinatay din ang kanyang asawa na si Edwin, na kasama niya noon pauwi sa kanilang bahay.

Bago paslangin si Sancelan, paulit-ulit siyang ni-red-tag ng Kagubak, isang antikomunistang grupong paramilitar na pinatatakbo ng pulis at militar sa Negros. Pinangalanan siya ng grupo bilang si JB Regalado, tagapagsalita ng BHB-Central Negros, noong 2018. Noong 2019, nagpahayag na ng pangamba si Sancelan para sa kanyang buhay pero pinili niyang manatili sa syudad para magsilbi sa mamamayan.

7 aktibista, inaresto sa Araw ng Karapatang-tao