Editoryal

Todong labanan ang walang-habas na pasistang terorismo sa kanayunan

,

Walang-habas ang pasistang terorismo ng rehimeng US-Duterte sa kanayunan ngayong taon. Walang kapantay sa kalupitan ang mga armadong galamay ni Duterte laban sa masang magsasaka at maralita. Sa gitna ng rumaragasang pandemya at mga kalamidad, tuluy-tuloy ang saywar, paninindak at paniniktik sa mga baryo at komunidad na pinaghihinalaan nilang mayroong mga organisasyong masa at sangay ng Partido o di kaya ay sumusuporta at nagsisimpatya sa Bagong Hukbong Bayan (BHB). Ang kampanyang ito na paglupig sa masa, sa ilalim ng tinaguriang Joint Campaign Plan-Kapanatagan, ay kaakibat ng malalaki, masisinsin at tuluy-tuloy na operasyong pangkombat na nakatutok sa mga larangang gerilya ng BHB.

Dinudumog, sinasakop at pinaghahari-harian ng Retooled Community Support Program (RCSP) ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang mga baryo. Imbing pasistang layunin nito ang alisin ang anumang bahid ng impluwensya ng rebolusyonaryong kilusan. Nagtatagal ang RCSP nang 3-6 na buwan sa pinakamaiksi, o hanggang tatlong taon sa kulumpon ng mga baryo.

Pasistang pakay nito na basagin ang pagkakaisa at pagtutulungan ng masa. Iniisa-isa at dinudumog nila ang mga pinagdududahang kabilang sa mga organisasyong masa, ang mga may kamag-anak na Pulang mandirigma o kadre ng Partido, dating mandirigma o sinumang tumatangging yumuko, sumuko o magpahamak sa kanilang kababaryo.

Ginagamit ng mga pasista ang red-tagging. Iniaanunsyo ang mga pangalan sa radyo o ipinapaskil sa mga tarpolin. Ineekisan nang pula ang mga bahay ng mga pinaghihinalaan. Ipinatatawag o sinusundo sila para mag-ulat at “magpalinis ng pangalan” sa mga kampo militar, at doon “mag-surender” o magpagamit sa mga paniniktik at pagsusuplong, o lumahok sa mga proyekto na pinagkakakitaan ng militar.

Ang tumatanggi ay kara-karakang ikinukulong o kaya’y pinagbabantaang patayin. Binabalik-balikan sa bahay, na paglao’y pinaliligiran, inaakyat, o nirereyd at nirerekisa kadalasa’y sa disoras ng gabi. Ang patuloy na “nagmamatigas” ay tuluyang pinapaslang. Sunud-sunod ang mga kaso ng pagmasaker na pinalalabas sa balita na engkwentro sa BHB. Nitong 2020, hindi bababa sa 290 ang mga magsasakang pinatay ng mga pasista.

Ang masang magsasaka ay pilit pinasusunod sa mga arbitraryong patakarang ipinapataw ng mga pasista, tulad ng paglimita sa pwedeng bilhing pagkain at suplay, o kaya’y pagbabawal na magtrabaho sa kanilang bukid sa tabing ng “social distancing.” Pawang walang ligal na batayan ang mga ito, labag sa karapatan at labis na pabigat sa masa.

Ginagambala ang katahimikan ng taumbaryo. Nangunguna ang mga buhong sa mga pasabong, paglalasing, pagdodroga, pornograpiya at pagsasamantala sa mga babae. Nagpapaputok sila ng baril sa gabi upang manindak. Naghuhulog ng bomba at nanganganyon sa mga bundok na kalapit sa baryo na pumipinsala sa mga bukid at ari-arian ng masa, at naghahatid ng labis na takot, laluna sa mga bata.

Nagpapakalat ang kaaway ng kaliwa’t kanang intriga upang sirain ang pagtitiwalaan ng masa at wasakin ang kanilang mga organisasyon. Sinisiraan nila ang hukbong bayan at pinagbabantaan ang taumbaryo na sila ang babalingan ng ganti kung maglunsad ang BHB ng taktikal na opensiba sa kanilang lugar.

Malalim ang idinulot na pinsala ng maruming gera ng pasistang rehimen sa ilang larangang gerilya. Naging pasibo at nadisorganisa ang masa at hindi nakapanlaban sa harap ng paninibasib at abuso ng kaaway. Dahil ito sa ilang kahinaan ng mga komite ng Partido at yunit ng hukbo na mabilis umangkop sa estilong dumog ng kaaway at isagawa ang kinakailangang mga hakbang para panatilihin ang mahigpit nilang ugnayan at tulungan sa masa.

Gayunman, sa mas maraming larangang gerilya, magiting na nakapaninindigan at nakalalaban ang masa kasama ang kanilang hukbo. Dumanas man sila ng pinsala, patuloy silang nagbabangon at nakikibaka.

Sa mahigpit na pagtulong at gabay ng Partido at hukbo, nagagawa ng masa na panatilihin ang pagkakaisa at sama-samang kumilos at lumaban nang gitgitan. Kung kasama ang hukbo, hindi sila nasisindak. Naninindigan sila para sa kanilang mga karapatan at ipinaglalaban ang kanilang kagalingan. Hindi sila nag-iiwanan. Ang kapakanan ng bawat isa ay ipinaglalaban ng lahat. Ang kalupitan at panggigipit ay nahaharap nila nang kolektibo at matapang. Mayaman na ang karanasan ng masa sa paglaban, harapan man o ibang mapanlikhang paraan. Sama-sama nilang nasusuway ang utos ng kaaway, iniikutan o binabalewala. Hindi sila nauubusan ng paraan hangga’t determinado at mataas ang diwang palaban.

Tuluy-tuloy na pinalalakas at pinalalawak ang mga organisasyong masa upang bigkisin ang pagkakaisa at itaas ang kanilang diwa at kakayahang lumaban. Kahit nasa baryo ang kaaway, nagagawang magpulong at mag-asembliya nang hindi nakikita o naririnig ng mga pasista. Ang pinakamatatatag na organisasyon ay aktibo sa propaganda at edukasyon. Puspusan nilang nababatikos ang teroristang mga krimen ng AFP at rehimeng Duterte at nailalantad ang mga pasistang kasinungalingan nito.

Sa harap ng hagupit ng kampanyang panunupil ng rehimen, hindi hinahayaang mapigtas ang bigkis na nagdudugtong sa masa at hukbo. Dahil kailangan, maraming paraan ng talastasan at ugnayan. Walang patid ang pagtulong ng hukbo sa mga pakikibakang antipyudal ng masa. Aktibo rin ang hukbo sa paglaban sa armadong galamay ng kaaway. Binabaklas ang lambat ng mga espiya ng kaaway. Ang mga pinag-iinitan ng kaaway ay kinakanlong o inihahanap ng masusukuban. Ang mga pasistang kriminal sa baryo ay pinarurusahan—iniisnayp o pinasasabugan.

Pinatutunayan sa buong bansa na hindi kailanman lubos na magagapi ang determinasyon ng masang api na lumaban at daigin ang pasistang pang-aabuso. Dapat humalaw ng aral at inspirasyon sa magigiting na karanasan sa paglaban ng masa, ng hukbo at Partido at ang lalong paglawak at paglalim ng rebolusyonaryong baseng masa sa kanayunan.

Sa hangaring manatili sa poder at ituloy ang pangangamkam at korapsyon, tiyak na hindi lulubayan ng pasistang rehimeng Duterte ang masa at itutuloy ang pang-aapi at pagpapahirap sa kanila. Subalit habang lalong nagiging malupit at brutal si Duterte, lalo lamang nagiging determinado ang masa at hukbo na lumaban at sumulong sa landas ng digmang bayan.

Todong labanan ang walang-habas na pasistang terorismo sa kanayunan