Economic cha-cha, pagtatraydor sa gitna ng pandemya

,

Muling pinaarangkada ng mga kampon ni Rodrigo Duterte sa Senado at Kongreso ang pakanang charter change o pagbabago ng Konstitusyong 1987 pagpasok ng 2021.

Sa Mababang Kapulungan, sinimulan na noong Enero 13 ang pagdinig ng komite para sa pag-amyenda sa konstitusyon sa Resolution of Both Houses No. 2 (RBH2) sa tulak ni House Speaker Lord Allan Velasco. Si Velasco ang awtor ng naturang panukala na tinaguriang “one-line-cha-cha” o isang linyang charter change. Laman nito ang pagsisingit ng mga salitang “unless otherwise provided by law” (liban kung may nakasaad sa batas) sa mga seksyon sa Kontitusyon na naglilimita sa dayuhang pagmamay-ari sa lupa, likas na yaman, pampublikong yutilidad, intitusyong pang-edukasyon, midya at advertising. Kung mapagtibay ang gayong pagbabago, maaaring baguhin o tanggalin ng Kongreso sa hinaharap ang naturang mga probisyon sa pamamagitan ng pagpasa ng mga batas kaugnay dito. Target nito ang mga seksyon na pumapatungkol sa pambansang patrimonya at ekonomya; edukasyon, syensya at teknolohiya, arte, kultura at isports; at mga pangkalahatang probisyon. Pangunahing layunin nito na itodo ang liberalisasyon na magbibigay ng pahintulot sa mga dayuhan na 100% na magmay-ari ng lupa at mahahalagang negosyo na sa ngayon ay inirereserba sa mga Pilipino.

Giit ni Velasco, ang pagpapatupad ng cha-cha na ito ay upang makabangon ang bansa mula sa pandemya sa pamamagitan ng pag-akit sa dayuhang pamumuhunan. Pero ayon sa mga pag-aaral, hindi dayuhang puhunan ang kailangan ng bansa kundi malaki-laking alokasyon upang subsidyuhan ang nagigipit na mga empresa at mamamayan para muling pasikarin ang ekonomya.

Dambuhalang kita, at hindi pagpapaunlad ng ekonomya ang pakay ng mga dayuhang kapitalista sa Pilipinas. Ayon sa Ibon Foundation, tuluy-tuloy at papalaki ang pumasok na dayuhang kapital sa bansa mula pa dekada 1980 sa kabila ng mga restriksyon sa konstitusyon. Mula abereyds na $187 milyon noong dekada 1980, nasa $6.3 bilyon na ito sa 2015-2019.

Sinaid lamang ng mga dayuhang kumpanya ang rekurso ng bansa at pinakinabangan ang murang lakas-paggawa ng mga Pilipino para magkamal ng dambuhalang kita. Hindi naging instrumento ang dayuhang kapital para palaguin ang ekonomya at paunlarin ito para makatayo sa sariling paa. Litaw na litaw ito sa panahon ng pandemya kung saan walang kakayahang magmanupaktura ng batayang pangangailangang medikal ang bansa. Nakaasa ang mga Pilipino at mga manggagawa nito sa suplay, pagpepresyo at kapritso ng dayuhang mga kumpanya sa batayang mga kagamitang medikal at gamot. Wala silang magawa kundi maghintay na maambunan ng bakuna.

Sa Senado, ibinunyag ni Sen. Tito Sotto na kinausap siya ni Duterte noong Nobyembre 2020 na buhayin ang charter change para sipain ang mga progresibong partido sa Kongreso sa pamamagitan ng pagbabasura sa sistemang party-list at itulak ang mga amyenda sa mga probisyon sa ekonomya. Mayroon nang inihapag ang dalawa niyang alipures na senador na panukalang pagbubuo ng constituent assembly para sa “limitadong mga amyenda” noon pang Disyembre 2020.

Binatikos ng Partido ang economic cha-cha at pagpapalabas na hindi ito kasing-sama ng nagdaang mga cha-cha na nakasentro sa mga probisyon sa pulitika. Anito, ang deklaradong layuning pagbibigay sa mga kapitalistang dayuhan ng karapatang buong pagmay-arian ang lupa, natural na yaman at mga negosyo ay katumbas ng ganap na dayuhang pagkubabaw sa ekonomya. Sa gayon, nagtatraydor si House Speaker Velasco at kanyang mga kasapakat sa pagsusulong ng buu-buong pagkolonya ng mga multinasyunal na korporasyon sa Pilipinas, sa pakikipagsabwatan sa mga lokal na kumpanya ng malalaking burgesyang kumprador.

Wala pang nakaupong rehimeng hindi nagtangkang baguhin ang Konstitusyong 1987 para tanggalin ang nalalabing mga proteksyon sa ekonomya. Batayang patakaran ng sunud-sunod na mga burukrata-kapitalistang gubyerno, na nagsisilbing ahente ng malalaking burgesyang kumprador, ang pag-akit sa mas maraming dayuhang pamumuhunan sa pamamagitan ng liberalisasyon.

Huling inilusot ng mga alipures ni Duterte ang cha-cha sa Kongreso noong Disyembre 2018 sa pangunguna ni dating House Speaker Gloria Macapagal-Arroyo. Hindi ito pumasa sa Senado.

Economic cha-cha, pagtatraydor sa gitna ng pandemya