Suplay ng gulay, kukulangin na rin

,

Sa harap ng nagtataasang presyo ng gulay, walang plano ang Department of Agriculture na palakasin ang produksyon nito sa bansa. Ito mismo ang nag-anunsyo sa posibilidad na magkararanas ang bansa ng 79 araw na kakulangan ng gulay ngayong taon. Tinatayang aabot sa 434,841 metriko-tonelada (MT) ang kukulangin, katumbas ng konsumo ng mga Pilipino sa loob ng dalawa at kalahating buwan.

Noon pang nakaraang taon inirereklamo ng mga mamimili ang pagsirit ng mga presyo ng gulay na dulot ng kakulangan ng suplay. Tinatayang tumaas nang 60% ang mga presyo ng gulay sa pangkalahatan mula pa Nobyembre. May mga gulay na halos doble ang itinaas ang presyo.

Imbes na resolbahin ang kakulangan sa lokal na suplay, mas inuna ng rehimen ang pagpapalakas ng produksyon ng mga produktong pang-eksport. Naglaan ito ng ₱360 milyon para sa Productivity Enhancement Project, isang proyekto para sa pagpapaunlad ng produksyon ng pang-eksport na mga pananim gaya ng saging, kawayan, mangga at sibuyas. Pinakamalaki ang inilaan para sa saging (₱220 milyon). Pawang mga malalaking prodyuser na nakarehistro sa Security Exchange Commission ang maaaring makinabang dito at hindi ang maliitang mga magsasaka. Sa kabilang banda, naglaan lamang ito ng tig-₱3,000 ayudang pera at ₱2,000 ayudang pagkain sa tinatayang 900,000 libong magsasaka para sa buong taon o katumbas ng kakarampot na ₱8 kada araw.

Suplay ng gulay, kukulangin na rin