Na­ka­su­su­la­sok na ko­rap­syon ni Du­ter­te

,

Hindi na napipigilan ni Rodrigo Duterte ang pag-alingasaw ng baho ng kanyang rehimen. Sa nagdaang mga linggo, tuluy-tuloy na nabubunyag ang malalaking kaso ng pangungulimbat ng pondo ng pinakamalalapit niyang alipures at kasosyong tiwaling negosyante.

Sa simula pa lamang, nagmaniobra na si Duterte para kopohin ang bilyun-bilyong pondo sa ngalan ng pagsugpo sa Covid-19. Ipinasa ng sunud-sunurang Kongreso ang Bayanihan 1 na nagbigay sa kanya ng ₱275 bilyong pondo at awtoridad na isaisantabi ang mga proseso ng alokasyon at pagbili.

Inilagay ni Duterte sa Department of Budget and Management (DBM) sina Wendell Avisado at Christopher Lao, mga abugadong direktang nagsilbi sa kanya bago siya naging presidente. Gamit ang kanilang mga pwesto, hindi bababa sa ₱1 bilyon ang ninakaw ni Duterte sa kaban ng bayan sa porma ng sobrang pagpepresyo ng mga face mask, face shield, personal protective equipment (PPE) at test kit. Itinakda pa niya ang pagsusuot ng face shield para likhain at panatilihin ang demand para rito.

Sa utos ni Duterte, bumili ang ahensya ng mga face mask sa presyong ₱27 kada isa at face shield sa halagang ₱120 gayong maaaring bilhin ang mga ito sa presyong ₱13 at ₱27 lamang kada piraso. Bumili rin ito ng mga test kit sa presyong ₱1,720 kada isa, gayong may nabibili sa halagang ₱925, at mga PPE na nagkakahalaga ng ₱1,910 kahit pa mayroong nabibiling ₱945 kada isa.

Pinaburan ng ahensya ang dalawang kumpanyang Chinese na nakabase sa Davao—ang Pharmally Pharmaceutical Corporation at Philippine Blue Cross Biotech Corporation. Itinayo ang Pharmally noong Setyembre 2019 lamang at may panimulang kapital na ₱260,666 pero ginawaran ito ni Lao ng walong kontratang nagkakahalaga ng ₱8.7 bilyon. Tumabo ang kumpanya ng ₱7.5 bilyon sa 2020 mula sa wala noong 2019. Lumaki naman ang netong kita ng Blue Cross Biotech mula ₱260,666 noong 2019 tungong ₱12.2 milyon sa 2020.

Ang mga may-ari ng Pharmally na si Huang Wen Lie at kanyang anak na si Huang Tzu Yen ay mga kasosyo ni Michael Yang, isa sa mga espesyal na tagapayo sa ekonomya ni Duterte. Lumitaw ang pangalan ni Yang noong 2017 nang tukuyin siya ng isang retiradong heneral bilang isang drug lord na sangkot sa ismagling ng shabu sa bansa.

Na­ka­su­su­la­sok na ko­rap­syon ni Du­ter­te