Pang-aa­pi at pag­la­ban sa mga dam ng ka­tu­tu­bong i-Ka­li­nga

,

Malaking banta sa mamamayan ng Kalinga ang 15 proyektong hydropower na iginawad sa siyam na mga kumpanyang pagmamay-ari o prente ng malalaking kapitalista. Hindi bababa sa tatlo rito ang maituturing na dambuhalang dam na mangangailangan ng reservoir na may taas na 15 metro sa minimum at mayroong kakayahang makaipon ng hindi bababa sa 3 milyong metro-kubiko ng tubig. Sa kabuuan, plano umano ng mga ito na magsuplay ng 468.43 megawatt o 5.4% sa kabuuang output ng Luzon Grid.

Malaon nang iginigiit ng reaksyunaryong estado na maghahatid ng kaunlaran ang mga proyektong ito at hindi dapat tutulan ng mga pambansang minorya. Pinatitingkad ng pagdadahilang ito ang pambansang pang-aapi na kanilang dinaranas na dagdag sa mga batayan nilang mga problema tulad ng kawalan ng lupa, sapat na kabuhayan at pagsasamantala bilang mga manggagawa at magsasaka.

Sa kaso ng mga i-Kalinga, pangunahing haharapin nila ang pag-agaw ng mga pribadong kumpanya sa kanilang lupang ninuno na sentral sa kanilang kabuhayan, kultura at kasaysayan. Kahit di agad mapalalayas sa lugar, mawawala sa kanila ang pagmamay-ari sa lupa dahil sasaklawin ito ng kontrol, operasyon at imprastruktura ng pribadong mga kumpanya.

Magbabago ang nakasanayang sistemang pangkabuhayan ng mamamayan sa lugar na pagtatayuan ng mga ito. Hindi na sila malayang makapangingisda at makapaghahanapbuhay.

Magdudulot ang konstruksyon ng mga dam ng malawakang pagbaha at pagkasira ng kalikasan. Sa pagbabago ng natural na agos ng tubig, makararanas ng mas mabigat na pagbaha ang mga komunidad laluna ang mga pamayanang malapit sa Chico at kaugnay nitong mga ilog tuwing may malalakas na bagyo.

Magdudulot ng pagguho ng lupa ang mga pagbaha at ang mismong konstruksyon ng pasilidad para sa mga proyekto. Maramihang puputulin ang mga punong kahoy at halamang sagka sa pagtatayuan ng mga pasilidad. Lubhang maapektuhan ng mga ito ang yamang halaman at hayop ng Kalinga.

Kakambal ng mga proyektong ito ang pasistang panunupil at pananakot sa mga i-Kalinga ng mga kumpanya sa enerhiya at ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na pangunahing ginagamit para dahasin at takutin ang mamamayang tumututol sa mga mapanirang proyekto. Halimbawa rito ang pagbabantay ng Charlie Company ng 50th IB sa Chico River Pump Irrigation Project para tiyakin ang mabilisang pagpapatupad ng proyekto.

Walang ibang patutunguhan ang mga proyekto kundi etnosidyo sa mamamayang i-Kalinga. Walang kaparis na paghihirap sa mamamayan kapalit ng super-ganansya para sa iilang kapitalista ang hatid ng mga proyektong hydropower.

Taliwas sa ipinangangalandakan na ang mga proyektong dam ay magbibigay ng libreng kuryente sa mga residente, ang mapoprodyus na kuryente nito ay direktang mapupunta at ibebenta ng National Power Corporation.

Lahat ng proyektong hydropower ay pag-aari ng mga pribadong kumpanya. Halimbawa dito ang Chico Hydropower Project na pag-aari ni Enrique Razon Jr., kasosyo si Oscar Violago. Tulad sa ibang negosyo, kita at hindi pampublikong serbisyo ang nagtutulak sa mga ito.
Kakarampot at panandalian ang mga trabahong lilikhain ng mga proyekto. Sa Chico Run-Of-River Hydropower Project, tinatayang 2,000 lamang na manggagawa sa konstruksyon ang temporaryo nitong iiempleyo at 19 manggagawa para sa araw-araw nitong operasyon.

Malaon nang ipinagtatanggol ng mamamayang i-Kalinga ang kanilang mga karapatan laban sa pagtatayo ng mga dam. Hinaharap nila ito sa iba’t ibang porma ng pagtutol at pakikipaglaban kahit sa gitna ng pandemya.

Hindi pumayag ang mga apektadong residente na ibigay sa mga proyekto ang kanilang pahintulot o free, prior, and informed consent (FPIC). Sa kabila ito ng matinding pandarahas at panloloko na ginawa ng mga kumpanya ng enerhiya kakuntsaba ang National Commission on the Indigenous Peoples.

Kabilang sa kanilang magiting na tinutulan ang Upper Tabuk Hydropower Project na mula pa noong 2008 hanggang ngayon ay hindi pa nakapagsisimula ng konstruksyon dahil sa maigting na pagtutol ng mga tribu at mamamayang apektado ng proyekto. Ganito rin ang istatus ng Chico Run-Of-River Hydropower Project na nagsimula sa pagkuha ng FPIC noong 2016 at natapos na sana noong 2019. Nakasuspinde ang proseso ng pagkuha ng FPIC dulot ng pandemyang Covid-19.

Nagpapatuloy ang pagkakaisa at paglaban ng mga i-Kalinga sa harap ng pambabraso, panlilinlang at panunuhol ng mga kumpanya at mga kasapakat na armadong galamay ng estado. Malinaw ang kanilang nagkakaisang sigaw: Botad tako losan!

*Koresponsal mula sa Ilocos-Cordillera

Pang-aa­pi at pag­la­ban sa mga dam ng ka­tu­tu­bong i-Ka­li­nga