Badyet para sa 2022, niratsada
Kasunod ng utos ni Rodrigo Duterte, mabilisang inaprubahan ng kanyang mga alipures sa Kongreso noong Setyembre 30 sa ikalawa at ikatlong pagbasa sa panukalang badyet para sa 2022 kahit pa namumutiktik ito sa anomalya.
Ang ₱5.02 trilyong panukalang badyet ang pinakamalaki sa kasaysayan ng bansa. Bahagi nito ang ₱8.2 bilyong badyet ng Office of the President. Mahigit kalahati nito (₱4.5 bilyon) ay para sa “intelligence and confidential funds” na hindi isinasapubliko kung paanong ginagamit.
Nagdudumilat din ang pambabarat sa pagtugon sa pandemya at pampublikong kalusugan sa kabila ng pagkasadlak ng bansa sa kumunoy ng Covid-19. Walang inilaan na badyet para sa bagong kagamitan o imprastruktura ng 72 pampublikong ospital, gayong labis nang nabibilaukan ang mga ito sa pagtanggap ng mga pasyenteng may Covid-19. Wala ring katulad na badyet para sa Research Institute for Topical Medicine na isa sa pangunahing mga nagpoproseso ng mga testing para sa Covid-19.
Kabilang sa mga kinaltasan ng badyet ang Philippine General Hospital, na nilaanan lamang ng ₱5.66 bilyong badyet. Binawasan din ng ₱14 bilyon ang badyet sa kagamitan at operasyon ng 64 pampublikong ospital.
Wala ring pondo para sa benepisyo ng mga manggagawang pangkalusugan na nasa harap ng laban sa pandemya. Binawasan din ang dati nang nagkukulang na badyet para sa mga serbisyong pangkalusugan at mga gamit tulad ng mga personal protective equipment. Ang pondo naman para sa mga booster shot na bakuna ay itinuring na di-programado at ipaghahanap pa ng pondo, o kaya’y ipangungutang pa.