Editoryal

Biguin ang sabwatan nila Duterte at Marcos sa halalang 2022

,

Bagaman may panahon pa bago mapinal ang aktwal na mga kakandidato, nabubuo na ang malagim na larawan ng halalan sa 2022. Sa partikular, matingkad na matingkad na kung papaano itong gagamiting daan para patuloy na makapanatili sa kapangyarihan ang pangkating Duterte at tuluyang makapanumbalik sa Malacañang ang mga Marcos.

Isasagawa ang halalang 2022 sa ilalim ng paghahari ng pasistang tiraniya ni Duterte na desperadong kumapit sa poder upang ipagpatuloy ang burukrata-kapitalistang paghahari ng kanilang dinastiya.

Ginagamit ngayon ni Duterte ang kanyang kapangyarihan para tiyakin ang suporta para sa kanyang mga piniling kandidato. Daan-daang bilyong piso sa ilalim ng dambuhalang badyet para sa 2022 ang nakalaan sa mga proyektong pangimprastruktura na ibinibigay sa mga pinapaburang pulitiko kapalit ng kanilang katapatan.

Lubusang ginagamit din ni Duterte ang militar at pulis pabor sa kanyang pampulitikang adyenda. Ipinag-utos ni Duterte na supilin ang mga pulitikong hindi yumuyuko sa kanya sa tabing ng “drug war” at “counterinsurgency.” Ang pinalaki pang badyet ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) ay ginagamit pabor sa mga pulitikong nakikipagtulungan sa militar at pulis. Walang habas ang pagkampanya nito laban sa mga progresibong party-list na bagaman maliit na minorya ay nagsisilbing malakas na boses ng taumbayan sa parlamento. Puspusan ding sinusuportahan ng NTF-ELCAC ang mga partidong nagtataguyod sa pasismo ng AFP.

Hawak ni Duterte ang Comelec na mayorya ng mga upisyal ay mga tauhang hinirang niya. Ibinigay nito ang kontrata sa pagdedeliber ng mga balota sa kumpanyang pag-aari ni Dennis Uy, kilalang kroni ni Duterte. Pasilip ito sa tiyak na manipulasyon sa magiging resulta ng eleksyon. Ang banta ni Duterte habang nakaharap sa mga pulitiko sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao na gagamitin ang militar kapag “nagkagulo” ay hindi mapagkamaling kautusan na tiyakin ang boto para sa kanyang pangkat.

Taliwas sa dating deklarasyong tatakbo siyang bise-presidente, hindi nagsumite ng kandidatura si Duterte at nagdeklarang “magreretiro na” sa pulitika (na hungkag na rin niyang sinabi noong 2015). Sa halip, ang tapat niyang alipures na si Bong Go ang nagrehistrong kandidatong bise-presidente ng PDP-Laban. Kasabay nito, idineklara ni Duterte na ang anak niyang si Sara ang magiging kandidatong presidente ni Go.

Malamang na may negosasyon pa kung papaano sila maghahatian sa poder sakaling ang pinal na suportahan ni Duterte ay si Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., na nagrehistrong kandidato sa pagkapangulo sa ilalim ng “Partido Federal ng Pilipinas,” na binuo ng mga pulitikong upisyal din ni Duterte. Ani Marcos, bagaman balak niyang makatambal si Duterte bilang kandidatong bise-presidente, bukas daw siyang makatambal si Bong Go, o sinumang ipapalit na kandidato ng pangkating Duterte.

Dapat puspusang batikusin at iwaksi ang pagtakbo ni Bongbong Marcos bilang presidente sa pagtatangkang lubos na ipapanumbalik ang pamilya ng pasistang diktador sa poder. Napakasaklap ng posibilidad na gunitain ang ika-50 taon ng madilim na panahon ng batas militar na nasa ilalim ng isa na namang Marcos.

Ang posibilidad na pagtatambal ng mga Marcos at Duterte ay bahagi ng nagpapatuloy nilang sabwatan, kasama ang pangkatin ni Arroyo, sa nagdaang anim na taon. Sa ilalim ni Duterte, nabigyan ng pabor ang mga Marcos, pinarangalan bilang “bayani” ang diktador at pinalusot ang asawa niyang si Imelda sa pag-aresto at pagkukulong. Ang sabwatang Duterte-Marcos-Arroyo ang pinakamaitim na simbolo ng pasismo, korapsyon at pagmamalabis sa Pilipinas.

Sa nagdaang mahigit 35 taon, ginamit ng mga Marcos ang daan-daang bilyong pisong nakaw na yaman ng upang makabalik sa iba’t ibang sangay ng gubyerno, baguhin ang pangkasaysayang husga ng sambayanan sa diktadura, at asintahin ang pagbabalik sa tuktok ng kapangyarihan.

Ang banta ng pananatili sa kapangyarihan ni Duterte at kanyang mga alipures, at ng panunumbalik sa poder ng mga Marcos, ay lalong gumagatong sa nag-aalab na galit ng sambayanang Pilipino. Walang pagsisidlan ang poot nila laban sa dalawang pasista na kapwa naghari sa pamamagitan ng panunupil, pandarambong at pagpapahirap.

Ang iskema ng mga Duterte at Marcos na palawakin at palawigin ang kanilang kapangyarihan ay tiyak na magluluwal ng malaking labanang pampulitika sa mga darating na buwan. “Huwag nang payagang muli!” ang nagkakaisang sigaw ng malawak na mga pwersang demokratiko at panata na labanan ang panunumbalik ng mga Marcos at pananatili ng mga Duterte sa poder.

Dapat magkapit-bisig at buuin ang pinakamakapal at pinakamalapad na hanay para hadlangan sila Duterte at Marcos sa kanilang maitim na balaking ipailalim ang bayan sa kanilang tambalang paghahari. Mainam na magtulungan at magbigayan ang lahat ng partidong anti-Duterte upang mabuo ang kanilang pagkakaisa sa kapakinabangan ng lahat ng panig at ng buong bayan. Dapat kumilos ang buong bayan, laluna ang mga kabataan, at iparinig ang nagkakaisang sigaw laban sa banta ng pasismo at diktadura sa ilalim ng mga Duterte at Marcos.

Ang pagsasabwatan nila Duterte at Marcos sa eleksyong 2022 ay tanda ng lalong pagkabulok ng naghaharing sistema sa Pilipinas. Ipinakikita nito na ang paghaharing pampulitika ng mga reaksyunaryong uri sa Pilipinas ay lalong nagiging mapang-api sa bayan at nagsisilbi sa interes ng iilan.

Wasto na hinaharap ng taumbayan ang darating na halalan bilang larangan ng pakikipaglaban sa tiraniya ni Duterte at sa panunumbalik ng mga Marcos. Sa panahong ito, dapat din paigtingin ang pakikibaka ng mga manggagawa, magsasaka, at iba pang demokratikong sektor upang isulong ang kanilang kagalingan sa gitna ng krisis at pandemya.

Dahil nananatili pa rin ang mapang-api at mapagsamantalang sistema sa Pilipinas, ang darating na halalan ay hindi maiiba sa saligan sa lahat ng nakaraang eleksyon na paligsahan ng mga kinatawan ng naghaharing uri. Kung gayon, habang nakikihamok sa halalan, dapat magpunyagi ang sambayanan sa pagbagtas sa landas ng rebolusyonaryong pakikibaka para wakasan ang paghahari ng buong bulok na sistema.

Biguin ang sabwatan nila Duterte at Marcos sa halalang 2022