Kailan aabot sa kanayunan ang mga bakuna?

,

Matagal pa bago makaabot sa kanayunan ang mga bakuna. Sa nakaraang pitong buwan, batbat ng kakulangan ng suplay, kabagalan at paboritismo ang kampanya ng pagbabakuna laban sa Covid-19 sa Pilipinas. Noong Hulyo, inireklamo ng maraming upisyal sa lokal na gubyerno ang madalas na pagpabor ni “vaccine czar” Gen. Carlito Galvez sa mga lugar na pinaghaharian ng pamilya, alipures at mga kapartido ni Rodrigo Duterte. Sa matagal na panahon, ipinagbawal din ang pagbili ng mga lokal na gubyerno sa mga kumpanyang parmasyutika labas sa inareglong kontrata ng mga tauhan ni Duterte sa gubyernong Chinese.

Kaalinsabay ng salat, mabagal at tagibang na distribusyon ng bakuna, patuloy ang pagkalat ng bayrus, laluna ng mas nakahahawang baryant nito na Delta, sa lahat ng sulok ng bansa. Naitala ang abereyds na 20,000 arawang bagong kaso ng impeksyon noong Setyembre 9-15, ang pinakamataas na lingguhang bilang mula nang magsimula ang pandemy.

Sumirit ang tantos ng impeksyon sa Isabela, mga prubinsya ng Samar, Misamis Oriental, Bukidnon, General Santos City at mga lugar na dating itinuring na “mababa ang risgo.” Maraming antas-kwentong tanda ng pagragasa ng pandemya sa kanayunan na hindi kumpirmado dahil hindi umaabot sa mga lugar na ito ang testing at contact tracing. May mga ulat nang nahawa ang ilang yunit ng Bagong Hukbong Bayan na naggagawaing masa.

Nagtala ng pagbaba ng mga kaso ng impeksyon sa unang linggo ng Oktubre. Pero ayon na rin sa DOH, ito ay dahil bumaba ang bilang ng mga isinasagawang test at mga problema sa pag-uulat. Noong Oktubre 6, mahigit 2.6 milyon nang Pilipino ang nahawa at halos 39,000 na ang namatay sa sakit na Covid-19.

Noong Oktubre 1, 74.7 milyong dosis pa lamang ng bakuna ang dumarating sa Pilipinas. Lampas kalahati pa lamang ito sa kinakailangan para buong mabakunahan ang hindi bababa sa 77 milyong target na populasyon ng bansa. Ang 40.5 milyong dosis ay binili mula sa kumpanyang Chinese na Sinovac sa sikretong halaga. Ang iba pa ay donasyon mula sa Covax Facility ng World Health Organization.

Noong Setyembre 30, 45.6 milyong bakuna pa lamang o 61% ng suplay ang naiturok. Sa target na bakunahan ngayong taon, 21.36 milyon pa lamang o 27.69% ang nabakunahan ng dalawang dosis. Ang tantos na ito ay isa sa pinakamababa sa Asia. Isa rin ito sa mga dahilan kung bakit nahuhuli ang Pilipinas sa 53 bansang tinasa sa usapin ng kakayahang bumangon mula sa pandemya.

Ibinuhos ang kalakhan ng bakuna sa National Capital Region (NCR) at kalapit nitong mga rehiyon na Calabarzon at Central Luzon para pabilisin umano ang pagbubukas sa ekonomya. Sa mga rehiyon na ito naiturok ang 57.49% ng mga bakuna o 26.22 milyong dosis.

Malalayo ang agwat ng tantos ng buong nabakunahan sa pagitan ng mga rehiyon, gayundin sa pagitan ng mga sentrong syudad at prubinsya. Pinakamataas ang tantos ng buong nabakunahan sa NCR (72%). Malayong kasunod ang Cordillera Autonomous Region (28.13%) at Davao Region (25.44%).

Pinakamababa ang tantos ng buong nabakunahan sa Bangsamoro Autonomous Region of Muslim Mindanao (8.7%) at Soccsksargen (13.9%). Ang tantos na naitala sa natitira pang mga rehiyon ay naglalaro sa pagitan ng 15% at 20%.

Halos Setyembre na nang ambunan ng malaki-laking bilang ng bakuna ang mga lugar na “mababa ang risgo.” Isa rito ang rehiyon ng Bicol na nakapagturok pa lamang ng 1.16 milyong dosis hanggang noong Setyembre 27. Nasa 13.7% pa lamang sa target na populasyon sa rehiyon ang naturukan ng dalawang dosis.

Samantala, nakatakda nang simulan ngayong Oktubre sa rehiyon ng Davao ang pagbabakuna sa pangkalahatang populasyon, kabilang ang mga batang edad 12-17. Ang rehiyon ang isa sa may pinakamataas na bilang ng nabakunahan (2.15 milyon) relatibo sa target nitong populasyon (3.76 milyon). Kalahati sa mga ito ay mga residente ng Davao City, kung saan meyor at bise-meyor ang mga anak ni Duterte.

Kailan aabot sa kanayunan ang mga bakuna?