Sa kawalan ng sapat na trabaho Natutulak ang mga Pilipino sa gig economy

,
Ang artikulong ito ay may salin sa EnglishBisayaHiligaynon

Papalaki ang bilang ng mga Pilipinong pumapasok sa tinaguriang “gig economy” sa nagdaang mga taon. (Ang “gig” ay isang trabahong temporaryo at walang katiyakan.) Noong 2018, umaabot na sa 2 milyong manggagawa ang nakapaloob dito. May mga tayang ilang beses itong lumaki sa panahon ng pandemya. Mayorya (84%) sa kanila ay nakaasa sa mga platapormang online o kumukuha ng mga “gig” sa pamamagitan ng internet.

Noong 2021, pinakamabilis ang paglago ng gig economy ng Pilipinas sa buong mundo. Pinakamarami rito ang mga tagadeliber ng gamit at pagkain o yaong nasa tinaguriang Transport Network Vehicle Service (TNVS).

Sa ulat ng Google, pinakamalaki ang paglago ng online food delivery service sa bansa. Itinulak nito ang kabuuang kita ng gig economy tungong $17 bilyon, 93% na mas mataas kumpara sa nakaraang taon.

Isa ang kumpanyang Singaporean na Grab Holdings Inc. sa pinakamalalaking kumita sa gig economy sa Pilipinas. Sa panahon ng pandemya, lumaki ang halaga ng kumpanya nang 39% at pinakamataas ang kita nito ($507 milyon) sa unang kwarto ng 2021.

Ang kakumpitensya nitong Foodpanda, na pag-aari ng kumpanyang German na Food Hero, ay nakapagtala ng 70% pagtaas sa online food delivery. Lumago rin ang kita ng mga kumpanya tulad ng kumpanyang Singaporean na Shopee at kumpanyang Chinese na Lazada na parehong nasa online shopping.

Kinakatawan ng “gig economy” ang pinakamasahol na porma ng pleksibleng paggawa at todo-todong pagpiga ng supertubo mula sa mga manggagawa. Habang tumatabo ng kita ang dayuhang mga kumpanya, pasama nang pasama ang kalagayan ng mga manggagawa nito.

Animo’y burado ang relasyong taga-empleyo at empleyado sa pagitan ng kapitalista at manggagawa sa “gig economy.” Binansagang mga “independyenteng kontratista” ang mga manggagawa para kunwa’y may kontrol sila sa “sariling oras.”

Ang totoo, pinahaba ng mga kapitalista ang oras ng paggawa. Sa TNVS, halimbawa, madalas buong araw, at minsan ay buong gabi, na naghihintay ang mga drayber ng mga “order.” Ipinatupad ng mga plataporma rito ang sistemang piece-rate (por piraso, o por byahe.) Hindi binabayaran ang mga oras kung saan nakaantabay sila. Taliwas ito sa karapatan sa bayad na 8-oras na araw ng paggawa.

Ipinasa rin ng mga kapitalista ang gastos sa mga kagamitan sa paggawa. Ang mga manggagawa ang gumagastos para sa gasolina, sasakyan at pagkumpuni ng mga sira nito. Sila rin ang bumibili ng kanilang mga selpon at load. Noong pandemya, sila ang bahala sa kanilang gamit pangkalusugan. Mas malala, itinutulak ng kumpanya ang mga manggagawa na bumili sa kanila ng may tatak na mga uniporme at lalagyan na umaabot ng hanggang ₱3,000.

Dahil “independyente,” pinalalabas ng kapitalista na wala itong pananagutan sa mga manggagawa. Naging ligal ang pagtanggi na bigyan sila ng health insurance at hazard pay. Walang pananagutan ang mga kumpanya kapag maaksidente o magkasakit sila habang nasa trabaho. Pananagutan pa ng mga manggagawa kung maantala ang kanilang deliberi kahit dulot ng lehitimong mga dahilan. Wala ring obligasyon ang mga kumpanya na bigyan sila ng bayad na leave o day-off.

Papalubhang pagsasamantala

Sa pag-aaral ng Ecumenical Institute for Labor Education and Research (EILER), sinamantala ng mga kumpanya ang pandemya para pumiga ng higit pang tubo matapos dumagsa sa “gig economy” ang mga manggagawang nawalan ng trabaho dahil sa lockdown.

Ibinagsak ng mga ito tungong ₱48 ang minimum na kita ng isang drayber, mula sa ₱79 kada deliberi bago magpandemya. Ibinaba rin ang dati nilang insentibo na ₱770 tungong ₱390 na nakukuha nila sa bawat 11 maayos na deliberi.

Sa pananaliksik ng EILER, kahit bago magpandemya, kinailangan ng isang drayber na magtrabaho sa tatlong plataporma (Grab, Foodpanda, Lazada) para umabot sa ₱1,500 kada araw ang kanyang netong kita. Abereyds na 200 pakete ang naidedeliber niya kada araw.

Sa panahon ng pandemya, may mga pagkakataong 20 deliberi na lamang kada araw ang napupunta sa isang drayber, sa tantos na ₱20-₱45 kada deliberi.

Bukod dito, walang ibinibigay na proteksyon ang kumpanya sa kanila sa panahon ng nagkakaproblema ang sistemang online, pekeng pag-order, o panggigipit sa kanila ng mga kostumer. Sila ang ipinagbabayad sa mga deliberi na hindi tinatanggap ng mga kostumer.

Dahil mga “katuwang” at “independyenteng kontratista,” tinatanggalan din ang mga manggagawa ng karapatang kolektibong makipagnegosasyon at magreklamo sa hindi makatarungang mga kalakaran.

Noong Nobyembre 2020, daan-daang manggagawa ng Grab ang nagreklamo sa upisina ng kumpanya sa Metro Manila. Binantaan sila ng kumpanya na tatanggalin sa plataporma kung magpuprotesta.

Noong Hulyo 2021, mga manggagawa naman ng Foodpanda sa Davao ang nagprotesta. Iginiit nilang itaas ng kumpanya ang kanilang “bahagi” (sahod) sa mga deliberi. “Isinuspinde” (tinanggalan ng trabaho) sila ng kumpanya nang 10 taon.

Sa kabila ng mga pananakot at pagbabanta ng mga kumpanya, hindi nagpatinag ang mga manggagawa. Binuo nila ang mga samahan sa Grab, Foodpanda at iba pang mga kumpanya. Patuloy nilang itinutulak ang pagpapataas ng kumpensasyon, pagkakaloob ng benepisyo at seguro, at patas na mga insentibo.

Natutulak ang mga Pilipino sa gig economy