Ang Bayan Special Report: Maruming Gera Laban sa mga Bata
Inililimbag ng Ang Bayan ang espesyal na ulat na ito tungkol sa mga paglabag ng mga armadong pwersa ng Gubyerno ng Republika ng Pilipinas (pangunahin na ang Armed Forces of the Philippines at Philippine National Police) sa karapatan ng mga bata sa ilalim ng internasyunal na makataong-batas at sa ilalim ng umiiral na mga patakaran at protokol na nagbibigay sa kanila ng espesyal na proteksyon. Kapansin-pansin ang pagdami at paglala ng mga pagyurak na ito sa karapatan ng mga bata kasabay ng pag-igting ng maruming gera ng AFP at PNP na sinimulan sa ilalim ng rehimeng Duterte at patuloy na pinatitindi sa ilalim ng rehimeng Marcos.
Sa paghahanda ng ulat na ito, kapansin-pansin na lubhang kulang ang dokumentasyon tungkol sa karapatan ng mga bata. Upang mabuo ang mga datos para sa ulat na ito, binalikan at sinuyod ng mga mananaliksik ang lahat ng mga ulat na natanggap at nailathala sa mga pahina ng Ang Bayan o lumabas sa mga pahayag o publikasyon sa mga rehiyon. Ang ulat na ito ay nakapokus sa mga taong 2020-2022, habang patuloy na sinisikap na buuin pa ang impormasyon sa mga nagdaang taon. Sisikaping mailabas ito sa lalong madaling panahon.
Sa pagsusulong ng rebolusyonaryong digma para sa pambansang kalayaan at demokrasya, kinikilala at itinataguyod ng Partido Komunista ng Pilipinas at ng Bagong Hukbong Bayan ang pangangailangan pangalagaan ang interes, kagalingan, at mga karapatan ng mga bata sa gitna ng gera. Kaugnay nito, inilimbag ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP), sa pamamagitan ng NDFP Human Rights Monitoring Committee, ang kanyang Declaration and Program of Action for the Rights, Protection and Welfare of Children (Deklarasyon at Programa ng Pagkilos para sa mga Karapatan, Pangangalaga at Kagalingan ng mga Bata) noong Hulyo 1, 2012. Buong-buong sinusuportahan at itinataguyod ng PKP at BHB ang deklarasyong ito.
Itinaon ng Ang Bayan ang paglalabas ng espesyal na ulat na ito sa Pandaigdigang Araw ng mga Bata ng United Nations noong Nobyembre 20 sa layuning ituon ang pansin ng lokal at internasyunal na organisasyon, ahensya at institusyon na nagtataguyod sa karapatang-tao at internasyunal na makataong batas, laluna sa mga karapatan ng mga bata, sa kalunos-lunos na dinaranas ng mga bata sa gitna ng maruming gera ng AFP at PNP.
Sa harap ng walang habas na pasistang pagyurak sa kapakanan ng mga bata, dapat magkaisa ang lahat at palakasin ang tinig upang sama-samang ipagtanggol at pangalagaan ang mga bata, habang isinusulong ang digma para sa kanilang kinabuksan.
Download here
Pilipino: PDF
Hiligaynon: PDF
English: PDF
Bisaya: PDF
Read in: Pilipino | Hiligaynon | English | Bisaya
Update sa Espesyal na Ulat: Maruming Gera Laban sa mga Bata sa seksyong “Pokus: Panggagahasa at intimidasyon,” pahina 11
Iniulat ng Kalatas, rebolusyonaryong pahayagan ng mamamayan ng Southern Tagalog, ang pagdukot at panggagahasa ng mga elemento ng 201st IBde sa 15-anyos na si “Belle” noong Hulyo 27, 2020 sa Pagbilao, Quezon. Si “Belle” ay anak ng isang kilalang lider ng Anakpawis at Gabriela sa bayan ng Mulanay.
Matapos siya ikulong sa kampo, dinala at idinetine siya sa upisna ng DSWD sa Lopez at matapos ng ilang panahon ay inilipat sa bahay ng isang pulis. Sa salaysay ni “Belle,” nagmakaawa siyang pauwiin pero sinabihang manahimik na lamang at kung hindi ay papatayin siya at kanyang pamilya.
Kinilala ang dumukot at nanggahasa kay “Belle” na Leoben Julita, isang aset at tauhan ng 59th IB. Ang yunit na ito ng militar ang matagal nang nananakot at naghahasik ng kaguluhan sa mga bayan ng Macalelon, Lopez, Catanauan at General Luna, lahat sa Quezon.
Ayon sa nakuhang ulat ng Karapatan-Quezon at testimonya ni “Belle”, ginahasa at sapilitang siyang pinaaamin na kasapi ng mga maka-kaliwang grupo. Siniraan ng militar ang kanyang ina at pinilit na magdala ng selpong pangmanman na may GPS tracker pag-uwi niya.
Dulot ng tromang natamo niya, nagtangkang magpakamatay si Belle matapos ang panggagahasa sa kanya. Nagsampa ang pamilya ng mga kaso ng panggahasa, serious illegal detention with rape, violence against women and children at mga paglabag sa Anti-Torture Act laban sa dating hepe ng Southern Luzon Command (SOLCOM) at noo’y deputy director-general ng National Security Council Antonio Parlade Jr., dating kumander ng 2nd ID MGen. Arnulfo Marcelo B. Burgos Jr, 59th IB Commander na si LtC. Edward Canlas.
Sinampahan din ng pamilya ng kasong illegal detention sina Desiree Salamat ng DSWD-Lopez, Arnil Abrinillo, kasamahan ni Julita, at mga magulang ni Julita na sina Leonita at Vilma Julita.