14 lider-aktibista nakatanggap ng subpoena dahil sa protesta noong SONA

Ipinatawag sa Quezon City Prosecutor’s Office ang 15 na lider-aktibista matapos kasuhan ng Quezon City Police District (QCPD) sa paglulunsad ng protesta sa State of the Nation Address ni Ferdinand Marcos Jr. Sinampahan sila ni Police Corporal Jordan A. Barbado ng QCPD noong Agosto 21 ng paglabag sa Batas Pambansa Bilang 880 o Public Assembly Act of 1985. Sa kabila ito ng pagbibigay ng permit ni Quezon City Mayor Joy Belmonte sa grupong Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN) na magdaos ng rali.

Labing-dalawa sa 14 na lider-aktibista na kinasuhan ay mula sa mga progresibong organisasyon sa Timog Katagalugan: Bagong Alyansang Makabayan – Timog Katagalugan (BAYAN-TK), Defend Southern Tagalog (ST), Anakbayan–ST, Umento-TK, OLALIA, Liga ng Manggagawa–ST, STARTER-PISTON, Mothers and Children for the Protection of Human Rights, Tanggol Magsasaka at mga lokal na unyon.

Kinontra ng BAYAN National ang paratang ng QCPD. Anito, Hulyo 20 pa nila natanggap ang permit to protest mula sa Quezon City government, saklaw rin nito ang regional chapter na BAYAN-TK.

Mariing kinundena ng BAYAN-TK ang panghaharas ng QCPD. “Makatarungan ang magprotesta at ito ay pinoprotektahan ng ating Konstitusyon. Ngunit hindi na bago sa mamamayan ng TK ang panggigipit sa freedom of expression.” ayon sa grupo.

Papunta pa lamang ang delegasyon ng TK lulan ng Bigkisan protest caravan sa Maynila ay ilang beses na itong tinangkang pigilan ng PNP.

“Walang ‘Bagong Pilipinas’, at pinatunayan ito ni QCPD Director Nicolas Torre III sa paggamit ng lumang estilong gamitin ang batas upang harasin ang mga pinipiling ilantad ang kabulukan ng sistema, patahimikin ang boses ng mamamayan. Sa kabila nito, nananatiling palaban at hindi natitinag ang loob ng mamamayan ng Timog Katagalugan, sa korte man o lansangan, tuloy ang laban!” dagdag ng BAYAN TK.###

14 lider-aktibista nakatanggap ng subpoena dahil sa protesta noong SONA