Epekto ng giriang US-China sa Asia Pacific

Karugtong ng tumitinding ribalan sa pagitan ng mga imperyalistang kapangyarihang US at China ang umiinit na sitwasyong pulitiko-militar sa Asia Pacific, partikular sa palibot ng China at mga karatig-bansang Taiwan at Pilipinas. Umaagaw ng atensyon ang pagpapakitang-gilas ng mga sandatahang pwersa sa Asia Pacific sa sunud-sunod na mga ehersisyong militar, aktibidad sa karagatan at pagsubok sa kani-kanilang armas at sasakyang pandigma. Ginagawa ito hindi lamang ng China at mga bansa sa Asia, kundi pinangungunahan mismo ng US na may sariling pwersang militar na nakakalat sa mga malakolonya’t alyadong bansa nito sa Pacific.

Iginigiit ng US na panatilihin ang posisyon nito sa hegemonya at pigilan ang pag-angat ng karibal na China sa harap ng papatinding krisis sa daigdig. Magkaalinsabay nitong pinangunahan ang mga iskemang pang-ekonomiko at mapang-upat na pagsalig sa mga alyansang militar, gaya ng pagpapalawak ng North Atlantic Treaty Organization maging sa Asia Pacific, pagtatayo ng AUKUS (Australia, UK at US) at pagbuhay sa Quad security alliance (US, Japan, India at Australia). Alinsunod ito sa kanyang Indo-Pacific Strategy at “pihit sa Asia”. Nito lamang Marso, nagpulong ang AUKUS sa US kung saan pinirmahan ang isang kasunduang naglalayong lumikha ng isang bagong pangkat ng nuclear-powered submarine na nakatudla sa pagkontra sa impluwensya ng China sa nasabing rehiyon. Naka-balatkayo ito bilang pangangalaga umano ng Kanluraning kapangyarihan sa kapayapaan sa Asia.

Sa panig ng China, bumuo ng mga hakbang para patatagin ang impluwensya nito sa Asia Pacific at tiyakin ang depensa sa paligid nito. Ginawang tabing ng mga agresibong hakbang ang paggigiit sa teritoryo at soberanong karapatan ng China sa Taiwan at pang-aagaw sa halos kabuuan ng karagatan at mga isla sa ng West Philippine Sea (WPS) at Dagat Tsina laban sa soberanong karapatan ng mga bansang Vietnam, Indonesia, Malaysia, Japan at Pilipinas sa mga ito.

Taiwan: Isla sa gitna ng ribalang US at China

Pursigidong isinusulong ng administrasyong Xi Jinping ang interes at karapatan ng China sa Taiwan. Iginigiit nitong igalang at ipatupad ang kasunduang nabuo sa panahon ni Chairman Mao na Shanghai Communiqué ng 1972 kung saan nakasaad ang pagsang-ayon ng US na “kinikilala nito at hindi nito hahamunin ang posisyon na iisa lamang ang China na kinikilala ng lahat ng Chinese sa dalawang panig ng Taiwan Strait, at na ang Taiwan ay bahagi ng China.” Sa dokumento, pinaboran “na ang usapin ng Taiwan ay mapayapang lulutasin ng mamamayang Chinese, kapwa sa mainland at sa isla ng Taiwan.”

Mula huling bahagi ng dekada 1970, umunlad ang relasyong pang-ekonomya at kalakalan sa pagitan ng mainland China at Taiwan. Kapwa nakinabang ang malalaking burgesya sa mainland China at Taiwan sa panunumbalik ng kapitalismo sa mainland China. Pinapasok sa mainland ang kapitalistang pamumuhunan mula Taiwan, kabilang ang Foxconn Company at TSMC (Taiwan Semiconductor Manufacturing Company), dalawa sa pinakamalalaking taga-asembol at taga-manupaktura ng elektroniks. Kapwa sila nagtayo ng mga tanggapan para sa kanilang regular na ugnayan. Mahalaga rin ang Taiwan para sa US bilang isa sa pangunahing pinagkukunan ng murang electronic chips para sa mga computer at smartphone.

Sa kabilang panig, bumaling ang ekonomya ng US sa malakihang outsourcing kung saan inilagak nito ang mayor na pamumuhunan at manupaktura sa China. Sinamantala nito ang malaking populasyon ng murang lakas-paggawa sa China, na siya ring nagpasigla ng manupaktura at kabuuang ekonomya ng China. Kapalit nito, sinamantala naman ng husto ng China ang panahong ito upang kunin sa US ang kaalaman sa abanteng teknolohiya para sa pagpapaunlad ng kanyang mga industriya. Kalauna’y sasambulat sa US ang paglakas ng China. Dumagdag ito sa estratehikong paghina ng US bilang dati’y numero unong imperyalistang kapangyarihan sa unipolar na mundo na sa kalaunan, naging lubhang pinansyalisado at bulnerable sa pana-panahong pagsiklab ng krisis pampinansya. Nahilahod ang US at pandaigdigang sistemang kapitalista sa malawig na istagnasyon bunga ng pag-ibayo ng krisis ng sobrang produksyon na nagpasidhi sa inter-imperyalistang kumpetisyon at armadong sigalot sa kapinsalaan ng ibang bayan. Sa ganito ring kundisyon unti-unting nagkalamat ang “normalisasyon” ng relasyong US-China na dating nagtulak ng pagkilala ng US sa “One China Policy”.

Lalong naging matabil at agresibo ang patakaran ng US kontra sa China. Itinulak ng US ang paglalansag sa mga korporasyong kontrolado ng estado ng China at ipinagbawal ang pag-eeksport ng huli ng abanteng mga kagamitan para sa produksyon ng modernong semiconductor. Nagpasiklab ng trade war na nangahulugan ng paghihigpit sukdulang pagharang sa pagpasok ng kalakal galing China tungong US. Kabilang sa pinag-initan ang mga produkto ng Huawei, sa dahilang nag-eespiya diumano ito para sa gubyernong China. Sa pahayag ng Washington, ang mga hakbang ay tulak ng “strategic competition” ngunit para sa Beijing, ito ay “containment” o pagpapakitid.

Damay sa kumpetisyon ang posisyon ng US sa One China Policy. Bagamat hindi tahasang ibinabasura ang Shanghai Communique, dumalas ang diplomatikong pakikipag-ugnayan at mabutihan ng gubyerno ng US sa ilalim ni Joe Biden sa Taiwan. Sinakyan ng US at mga alyado nito ang isinusulong ng naghaharing liderato sa Taiwan na paghiwalay sa China. Ilang ulit nang kinontra ng China ang pagpoposturang ito ng US.

Nitong Abril, nagpulong si Taiwanese President Tsai Ing-wen at U.S. House Speaker Kevin McCarthy sa California. Kapanabayan ito ng pahayag ng mga otoridad sa China na posible at kinukunsidera nilang magpataw ng inspeksyon sa mga cargo ship na dumaraan sa Taiwan Strait bilang bahagi ng pag-eehersisyo ng kapangyarihan nito sa isla. Pwede itong magsagawa ng aviation and customs control sa mga civilian aircraft at cargo vessel.

Kung tototohanin ng China ang banta, mapipigilan ang malayang paggalaw ng mga kalakal patungong Taiwan at tiyak na maaapektuhan ang ekonomya ng isla. Kung sasagutin ito ng Taiwan ng operasyong militar, tiyak ang pagsambulat ng isang digma.

Pang-aagaw ng China sa teritoryo ng Pilipinas

Sa kabila ng pagkatig ng internasyunal na batas sa solong karapatan ng Pilipinas sa exclusive economic zone nito sa WPS, hindi itinigil ng China ang pang-aagaw sa karagatan ng mga Pilipino. Walanghiyang nagtayo ng istruktura ang China sa WPS na nakatakdang gamitin bilang paliparan at daungan at nagsisilbing base militar nito sa inaagaw na karagatan at mga isla. Habang nakaposisyon, hindi na rin mapipigil ang iligal na pagkamkam ng China hindi lamang sa mga teritoryong pandagat ng Pilipinas at iba pang bansa kundi maging ang likas na kayamanan ng mga ito. Tuloy-tuloy ang paglalayag ng mga barkong Chinese rito, mapa-komersyal, milisya at galing sa pwersang nabal para kontrolin ang mahalagang rutang pandagat na bahagi ng mas malawak na South China Sea.

Pinakahuling malaking balita ang insidente noong Agosto 5, kung saan hinarang at binomba ng tubig ng Chinese Coast Guard ang isang sasakyan ng Philippine Coast Guard na magdadala ng suplay sa posteng bantay ng Pilipinas sa Ayungin Shoal. Kinundena ng mga Pilipino at maging ng ibang bansa ang China subalit nagmatigas ang huli na iligal ang aktibidad ng Philippine Navy.

Mahigpit na binabantayan ng China ang nasabing lugar dahil 20 nautical miles lamang ang layo ng Ayungin mula sa Mischief Reef, ang pinakamalaking baseng nabal at panghimpapawid ng China sa Spratlys. Dagdag pa, may mga pisikal na katangian ang Ayungin Shoal na akma para gawin itong base militar.

Sinusunggaban ng US ang insidente upang bigyang matwid ang paparaming bilang ng tropa at base militar nito sa Pilipinas. Ang Pilipinas ay kasama sa first island chain na silbing depensa at lunsaran ng opensa ng US laban sa China.

Kung kaya’t habang iginagayak ng US at NATO ang ibayong pagpapatagal sa gerang proxy sa Eastern Europe na umabot na nga sa lampas isa’t kalahating taon, ikinababahala ang posibleng pagputok ng armadong sigalot sa Asia. Habang buong lupit na nag-aagawan ng saklaw ng pamumuhunan at teritoryo ang mga imperyalistang bansa sa pamamagitan ng mga proxy war at iba pang pamamaraan, nagkakaisa naman ang mga ito sa ibayong pagsasamantala at pang-aapi sa uring anakpawis at sangkatauhan sa buong mundo.

Epekto ng giriang US-China sa Asia Pacific