‘Hustisya sa Bloody Sunday Massacre!’

Nagprotesta sa harap ng Department of Justice (DOJ) ang mga grupong tagapagtanggol ng karapatang pantao mula sa Timog Katagalugan (TK) noong Agosto 24. Isinabay ito sa paghahain ng petition to review sa kasong pagpatay ng mga pulis kay Manny Asuncion ng Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN) Cavite noong Marso 7, 2021 na isa sa mga biktima ng tinaguriang Bloody Sunday Massacre (BSM).

Kasama sa nagprotesta ang mga biktima ng BSM at kanilang kaanak. Isa rito si Nimfa Lanzanas na hinuli sa Laguna at nakalaya matapos ang isang taon at tatlong buwang pagkakapiit. Pinaratangan siyang isang gun runner ng Bagong Hukbong Bayan sa Timog Katagalugan at kinasuhan ng illegal possession of firearms and explosives. Kasalukuyang nakasampa ang countercharges ni Lanzanas sa 17 pulis na umaresto sa kanya.

Tinuligsa naman ng mga kapamilya nina Asuncion at mag-asawang Chai at Ariel Evangelista ang pag-abswelto ng DOJ sa mga pulis na sangkot sa pagpaslang sa mga biktima. Iginiit ni Liezel Asuncion, asawa ni Manny, na walang batayan ang agarang pagdismiss ng DOJ sa kaso at inihaing motion for reconsideration noong Enero 16. Naunang ibasura noong Disyembre 5, 2022 ang kaso laban sa mga pumatay kina Ariel at Chai. Ang mag-asawang Evangelista ay mga organisador ng mga magsasaka at mangingisda sa Nasugbu, Batangas.

Ipinanawagan din ang pagbabasura sa Anti-Terrorism Act (ATA) at pagbubuwag sa National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC). Ginagamit ang mga ito para supilin ang paglaban ng mamamayan at yurakan ang kanilang karapatang pantao.

“Hindi terorismo ang humingi ng dagdag sahod, hindi terorismo ang humiling na maging regular sa trabaho!” ayon sa Defend Workers Southern Tagalog.

Mariing kinundena ni Defend Southern Tagalog Spokesperson Charm Maranan si DOJ Secretary Crispin Remulla sa kawalang silbi ng AO35 na binuo ng ahensya para imbestigahan ang BSM at patuloy na pagtatakip sa mga kriminal na pananagutan ng mga pulis na sangkot sa BSM.

“Boying Remulla, may konsensya ka pa ba? Paano ka nakakatulog nang mahimbing sa gabi, gayong may dugo ka sa iyong mga kamay?” ani Maranan.###

‘Hustisya sa Bloody Sunday Massacre!’