Laban ng mga magsasaka at maggagapak sa tubuhan, nagpapatuloy

Determinado ang mga Batangueñong magsasaka sa tubuhan at mga maggagapak sa paggigiit ng kanilang karapatan. Tuluy-tuloy ang kampanyang #30KAyudaKamtinNa para sa lahat ng apektado ng pagsasara ng Central Azucarera de Don Pedro, Inc. (CADPI). Sa kanilang pagpupunyagi, ipinamahagi ang ikalawang bugso ng ayuda sa unang distrito sa Luna, Tuy noong Agosto 24.

Muling nakatanggap ang mga nakatalang benepisyaryong pamilya ng ayudang P10,000-P30,000 mula sa mababang kapulungan ng Kongreso. Ang 1,500 benepisyaryo ay mula sa mga bayan ng Balayan, Lian at Tuy; at Calaca City. Pinangunahan ng Sugarfolks’ Unity for Genuine Agricultural Reform (SUGAR) ang kampanya sa ayuda sa pakikipag-ugnayan sa Gabriela Women’s Party. Nakakuha sila ng ayuda mula sa opisina ni Cong. Martin Romualdez na dumaloy sa Department of Social Welfare and Development at mga lokal na yunit ng gubyerno (LGU).

Ayon kay Christian Bearo, tagapagsalita ng SUGAR, “Hindi natitigil sa ayuda ang ating laban. Wala pa ring tugon ang Malacañang para isalba ang industriya ng asukal.”

Dagdag pa, may mga hindi pa nakatanggap dahil hindi pa nakatala sa listahan ng mga benepisyaryo. Samantala, sadyang limitado ang mararating ng ayuda sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin.

Kinundena rin ni Bearo ang 59th IBPA na nanghaharas sa mga magsasaka at maggagapak ng tubó na lumalahok sa pagkilos para sa ayuda at muling pagbubukas ng CADPI.###

Laban ng mga magsasaka at maggagapak sa tubuhan, nagpapatuloy