Mga manggagawa sa Timog Katagalugan, nagpetisyon para sa dagdag-sahod

Nagpetisyon ang mga manggagawa mula sa Metal Workers Alliance of the Philippines (MWAP) at Workers’ Initiative for Wage Increase-ST para sa P750 minimum wage sa rehiyon. Idinulog ang petisyon sa opisina ng Regional Wage Board 4-A sa Batangas City noong Agosto 7.

Ayon sa MWAP, “Layunin ng petisyong P750 minimum wage ang pagpapaliit ng agwat sa pagitan ng minimum wage at family living wage (FLW).”

Ang FLW ay gastusin ng isang pamilyang may limang myembro. Sa pag-aaral ng IBON foundation, ang FLW sa CALABARZON ay P1,108.00 habang P1,147 sa MIMAROPA. Wala pang kalahati dito ang pinakamataas na minimum na sahod sa rehiyon. Nasa P520 na ang pinakamataas na sahod ng manggagawa sa CALABARZON habang P355 sa MIMAROPA. Katumbas ito ng pamumuhay na nasa “below poverty line” o mas mababa sa hangganan ng kahirapan.

“Kapag naging ₱750 ang minimum na sahod, ang purchasing power sa rehiyon ay tataas, malaking tulong ito sa negosyo na lumago at kumuha ng dagdag na manggagawa,” dagdag ng MWAP.

Samantala, sinuportahan ang petisyon ng ilang mambabatas mula sa Sangguniang Panlalawigan ng Laguna.###

Mga manggagawa sa Timog Katagalugan, nagpetisyon para sa dagdag-sahod