Tugon ni Patnubay de Guia: Paano ginagamit ng rehimeng US-Marcos II ang Department of Agriculture para lalong pahirapan ang bayan?

Sinusundan ni Marcos Jr. ang yapak ng diktador na ama sa pangangasiwa sa reaksyunaryong gubyerno. Pangita ito sa kung paano siya nagpipilit na hawakan ang Department of Agriculture (DA) kahit hayagang itinatatwa siya ng taumbayan laluna ng masang magsasaka.

Hindi nga ba’t inasukalang balang pumatay at nameste sa sektor ng agrikultura at mga magsasaka ang “Green Revolution” ng diktadurang US-Marcos I?

Mahigpit na kinapitan ni Marcos Sr. ang pagkakait ng tunay na reporma sa lupa.
Isinabatas niya ang Presidential Decree No. 2 at Presidential Decree No. 27 (PD 27) na pabor sa uring PML. Kunwa-kunwang “ipapamahagi” ang mga lupa ngunit ibebenta pala ito sa mga tenante sa “patas na halaga sa merkado” na PML rin ang nagtakda.

Sa PD 27, ang takdang halaga ng lupa ay katumbas dapat ng 2 1/2 beses na abereyds ng ani sa 3 taon. Dagdag pa ang 6% interes kada taon na babayaran ng tenante sa loob ng 15 taon. Ipinataw din ang sistemang buwisan na nakabatay sa kabuuang ani. Hindi ito kayang bayaran ng karaniwang magsasaka at kung tutuusin, mas mahal pa ito kumpara sa halaga ng lupa sa merkado. Bilang resulta, lalong nakonsentra ang lupa sa mga Marcos at mga kroni nito.

Sa rehiyong TK, kinamkam ni Marcos Sr. ang mga lupain sa Palawan. Ipinamana niya ang Yulo King Ranch (YKR) o Busuanga Pasture Reserve sa kroning sina Luis Yulo at Peter Sabido gamit ang Presidential Proclamation No. 1387. Ang saklaw nitong 40,000 ektaryang lupain sa Calamian Group of Islands ay inangkin mula sa mga magsasaka na nagbubungkal dito mula pa dekada 1930.

Inilako ni Marcos Sr. ang Masagana 99 noong Mayo 1973 na layon diumanong pataasin ang produktibidad ng palay. Ngunit binangkarote nitong lalo ang produksyon ng palay at ibinaon sa gabundok na utang ang mga magsasaka dahil sa napakamahal na presyo ng binhi, abono’t pestisidyo. Masahol pa, nilason ng mga kemikal ang lupa sa mga sakahan at naapektuhan ang kalusugan ng mga magsasaka. Malaking pihit ito sa produksyon na pakana ng International Monetary Fund – World Bank (WB), United States Agency on International Development, Monsanto, Bayer at iba pang transnasyunal na korporasyon.

Pinagkakitaan ng mga agrokemikal na transnasyunal na korporasyon ang Masagana 99 na tumutok sa pagpapalit ng tradisyunal na binhi tungong high-yielding variety na matakaw sa abono at pestisidyo. Tiniyak ng malawakang pautang ng mga bangko at mga huwad na kooperatiba ang pagbili ng mga magsasaka ng imported farm inputs.

Ipinataw ang pangongolekta ng buwis sa niyog na naging coco levy funds (CLF) sa tabing ng umano’y paglikom ng trust fund para isalba ang naghihingalong industriya ng niyog sa bansa. Itinayo ang United Coco Planters Bank upang paglagakan ng CLF na pinagpasasaan ng mga kasapakat ni Marcos, pangunahin na nina Cojuanco, Enrile at Lobregat. Gamit ang CLF, binili ni Danding Cojuangco ang 20% ng sapi sa San Miguel Foods Corporation. Hanggang ngayon, ipinagkakait ng reaksyunaryong gubyerno ang CLF at hindi man lamang mapakinabangan ng mga magniniyog.

Binangkarote ang industriya ng asukal nang i-establisa ang Philippine Sugar Commission at subsidyaryong National Sugar Trading Corporation para umano bilhin ang mga tubo sa bansa. Itinayo ang Republic Planters Bank para sa pagpipinansya ng tubuhan at asukarera. Ngunit kinurakot din ang pera na napunta sa mga ahensyang ito noong 1975-1984.

Mula palay, niyog at tubo, malinaw kung paano nilumpo ng diktadurang US-Marcos I ang agrikultura at dinambong ang yamang likha ng magsasaka.

Ngayong nakaupo ang anak na si Marcos Jr. sa estado poder, lantaran naman niyang ipinakikita ang kasakiman sa pagkontrol sa agrikultura sa pagtatalaga sa sarili bilang kalihim ng DA. Kinokopya niya ang kanyang ama sa pagpapahirap sa mga magsasaka, pambubundat sa kanilang mga kroni at pagpapakatuta sa imperyalismong US.

Nangangarap ang rehimeng US-Marcos II na muling buhayin ang Masagana 99 sa pangalang Masagana 150 o Masagana 200. Nag-iilusyon itong itayo ang megafarms na hindi malayo sa iskema ng una at panibagong iskema para sa rekonsentrasyon ng malalawak na lupain sa kamay ng mga kroni.

Hindi mabubura ng New Agrarian Emancipation Act (NAEA) ng rehimen ang deka-dekadang pagkasuklam ng mga magsasakang biktima ng pyudal na pagsasamantala. Napakakapal ng mukha ni Marcos Jr. na umastang tagapagligtas ng magsasakang Pilipino mula sa pagkakabaon sa utang. Pinalalabas na mabubura ang mga “utang” ng mga magsasaka sa balangkas ng NAEA ngunit hindi nito sinasagot ang ultimong suliranin nila—ang kawalan ng sariling lupa.

Walang kalutasan sa ilalim ni Marcos Jr. ang suliranin sa kartel at malawakang ismagling ng produktong agrikultural. Ayon sa Bureau of Customs, nakakumpiska sila ng smuggled na bigas na nagkakahalaga ng P174.2 milyon sa kabuuan. Sa kabila ng mga “tagumpay” ng BOC, walang nakukulong o napapanagot na tila pakitang tao lamang ang mga reyd na inilunsad.

Imbes na protektahan ang lokal na industriya at agrikultura, halos wala nang taripa ang pagpapasok ng puu-puong libong toneladang import ng produktong agrikultural tulad ng bigas, isda, asukal at sibuyas. Ito ang pumapatay sa kabuhayan ng lokal na magsasaka at nauubusan na ng hangin na industriya sa bansa. Pinakatampok ang kamakailan lang na pagsasara ng tatlong departamento ng Central Azucarera de Don Pedro, Inc. sa Nasugbu, Batangas na malaking dagok sa maggagapak ng tubo sa Batangas, Laguna at Quezon.

Nananatiling nakasuso ang agrikultura ng Pilipinas sa napakamamahal na imported na agrokemikal na produkto mula sa US. Hinihimok ng rehimen ang mapaminsalang operasyon ng mga dayuhang dambuhalang mina. Kaliwa’t kanan ang pekeng reklamasyon, proyektong dam at iba pang mapangwasak na programa na balon ng korapsyon at dahilan ng dislokasyon sa bultong bilang ng mga magsasaka.

Nananatiling inutil rin ang DA sa pasistang atake at paninibasib ng mga yunit ng AFP-PNP sa kanayunan na pangunahing target ang masang magsasaka at pambansang minorya. Sa tabing ng gera kontra-‘terorismo’ ng rehimen, nagsisilbing salot sa buhay, kabuhayan, kalikasan at lupaing ninuno ng masa sa kanayunan ang mga focused military operations at retooled community support program operations ng mga pasistang tropa ng estado. Sa unang taon palang ng rehimen, naitala ng Ang Bayan ang 54 sa 97 pinaslang ng mga ahente ng estado ay nagmula sa uring magsasaka, kabilang ang isang pambansang minorya.

Komun sa mag-amang Marcos ang paggamit sa reaksyunaryong batas at pagkontrol sa mga ahensya upang huthutin ang pinagtrabahuhan ng mamamayang Pilipino. Masugid silang tagahimod ng pwet ng US na ang pangunahing tungkulin ay ibuyangyang pang lalo ang bansa sa balangkas ng neoliberalismo. Sa huli, malinaw ang mga dahilan kung bakit nais patalsikin ng mamamayan ang anti-magsasaka at anti-mahirap na pangulong si Marcos Jr., sa trono man sa estado poder o sa pagiging kalihim ng DA.###

Tugon ni Patnubay de Guia: Paano ginagamit ng rehimeng US-Marcos II ang Department of Agriculture para lalong pahirapan ang bayan?