(Primer) Salanta ng El Niño: Tagtuyot, kapabayaan at pasismo ng rehimeng Marcos
Pambungad
Upisyal nang inianunsyo nitong Marso ang paghina ng El Niño sa bansa at sa buong mundo. Gayunman, hindi ito nangangahulugan ng pagkasalba ng masang magsasaka at mamamayang Pilipino sa tuluy-tuloy pang salanta at pahirap na dulot ng tagtuyot. Sa katunayan, inaasahang tatagal pa hanggang Mayo o Hunyo ang pananalasa nito sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Maraming sakahan ang nananatiling walang patubig na nagdudulot ng pagkalanta ng mga pananim hanggang sa tuluyang pagkasira. Maraming alagang hayop ang nawawalan ng pagpapastuhan dahil natutuyo ang mga damo at ang iba ay namamatay dahil sa sobrang init. Lumalaganap din ang mga kaso ng ubo, sipon, lagnat at iba pang mga karamdaman sa kawalan ng maiinom na malinis na tubig.
Sa harap nito, usad-pagong at halos walang makabuluhang tugon sa karaingan ng mga magsasaka ang rehimeng US-Marcos. Noong Enero lamang binuo ng kanyang gubyerno ang tinagurian nitong “komprehensibong” plano para harapin ang salanta ng kalamidad. Huling-huli na nga, iniluklok pa bilang hepe ng “Task Force El Niño” si Department of National Defense Secretary Gilberto Teodoro.
Sa halip na alibyo at suporta, dobleng pasakit ang tugon nito na pinatinding mga operasyong militar, pagpapaulan ng mga bomba at bala at pasistang pananalasa sa kanayunan. Ang mga operasyong ito ay tulak ng panibagong utos ni Marcos sa Armed Forces of the Philippines (AFP) na “gapiin” ang mga yunit ng BHB sa mga larangang gerilya sa katapusan ng Marso, ang lahat ng “bertikal na yunit” ng hukbo sa katapusan ng Hunyo, at ang rebolusyonaryong imprastruktura sa kanayunan sa katapusan ng 2024. Nagpakawala ito ng ilampung mga bomba, bala ng kanyon at libu-libong mga bala laban sa naghihikahos na komunidad ng mga magsasaka.
Kaugnay nito, inilalabas ng Kawanihan sa Impormasyon ng Partido Komunista ng Pilipinas ang praymer na ito na tumatalakay sa penomenong pangklima na El Niño, mga epekto nito sa masang Pilipino at pananagutan ng rehimeng US-Marcos at mga kasapakat nito sa pagpapabaya sa kagalingan ng mamamayan.
1. Ano ang El Niño?
Ang El Niño ay isang padrong pangklima na naglalarawan sa hindi normal o labis-labis na pag-init ng ibabaw ng karagatan (ocean surface) sa gitna at silangang bahagi ng Pacific Ocean. Karaniwan itong nangyayari kada dalawa hanggang pitong taon, at kadalasang tumatagal nang siyam hanggang 12 buwan. Iniimpluwensyahan ng El Niño ang kumpas ng panahon at pagkakabuo ng mga bagyo sa iba’t ibang bahagi ng mundo. Nangyayari ito sa kasalukuyan sa konteksto at balangkas ng nagbabagong klima (climate change) dulot ng mga aktibidad ng sangkatauhan.
Nagdudulot ang El Niño ng magkakaibang epekto sa mga rehiyon sa mundo. Maaaring makaranas ng labis na tagtuyot o labis na pag-ulan sa iba’t ibang panig ng mundo.
Tingnan: Kadalasang epekto ng El Niño sa mga rehiyon
Simula 1900, nagkaroon na ng hindi bababa sa 30 El Niño sa mundo. Naitala na pinakamalala sa kasaysayan ang El Niño noong 1982-1983, 1997-1998 at 2014-2016. Kabilang ngayon ang El Niño 2023-2024 sa limang pinakamatindi sa kasaysayan.
El Niño 2023-2024
Idineklara ng World Meteorological Organization ang simula ng El Niño 2023-2024 noong Hulyo 4, 2023. Anito, magiging pinakamalakas ito sa pagitan ng Nobyembre 2023 at Enero 2024 bago unti-unting hihina. Gayunman, patuloy itong makaaapekto sa pandaigdigang klima sa darating na mga buwan na magpapatindi sa init na nakulong ng greenhouse gas sa atmospera. Kabilang ang El Niño 2023-2024 sa mga dahilan kung bakit naitala ang 2023 bilang pinakamainit na taon sa kasaysayan. Inaasahang maghahatid pa ito ng matataas na temperatura ngayong Marso hanggang Mayo-Hunyo.
2. Epekto sa Pilipinas
Karaniwang epekto ng El Niño sa Pilipinas ang tagtuyot. Kabilang ang Pilipinas sa iinda ng pinakamalalang epekto nito dulot ng climate change. Nananalasa ngayon ang El Niño sa 67 prubinsya sa walong rehiyon sa bansa. Tinatayang aabot sa 70-76 na prubinsya sa susunod pang tatlong buwan ang pipinsalain nito. Tatlumpu (30) sa mga prubinsyang ito ay nakararanas ngayon ng tagtuyot.
Lubhang apektado ng tagtuyot ang mga magsasaka at produksyon ng pagkain sa bansa. Sa konserbatibong tala ng Department of Agriculture noong Marso 18, umabot na sa ₱1.75 bilyon ang pinsala sa agrikultura sa walong rehiyon. Apektado ng tagtuyot ang higit 32,000 ektaryang taniman.
Pinakamalaki ang pinsala sa mga palayan (₱1.1 bilyon sa 18,000 ektarya) kasunod ang mais (₱317 milyon sa 11,000 ektarya). Tinatayang 48,332 metriko tonelada ng palay ang napinsala habang 18,966 metriko tonelada naman ang sa mais.
Pinakaapektadong rehiyon ang Region IV-B (Mimaropa), kasunod ang Western Visayas, Cagayan Valley, Central Luzon, Ilocos, Zamboanga peninsula, Region IV-A (Calabarzon) at Region XII (Soccsksargen).
Tingnan: Apektadong mga rehiyon at danyos sa agrikultura
Nagdeklara na ng state of calamity sa pitong bayan sa buong Pilipinas dahil sa tagtuyot. Kabilang dito ang Bulalacao at Mansalay sa Oriental Mindoro; Looc, Magsaysay, at San Jose sa Occidental Mindoro; Zamboanga City sa Zamboanga del Sur; at Pio Duran sa Albay.
Dulot ng El Niño, tumatampok ang samutsaring problema sa kalusugan ng mga magsasaka at kanilang mga pamilya. Sa Central Visayas pa lamang, naitala ang may 6,000 sakit na maiuugnay sa El Niño noong Pebrero.
Imperyalistang paninira sa kalikasan
Sa nagdaang mga taon, pinatitindi ng imperyalistang pandarambong sa Pilipinas ang epekto ng El Niño at iba pang mga kalamidad na tumatama dito. Sangkot ang mga dayuhang kumpanya at mga kasosyo nitong burges-kumprador, malalaking panginoong maylupa at mga burukrata-kapitalista sa mapandambong na pagmimina, mga mapangwasak na mga plantasyon, malalaking mga dam at iba pang mga proyektong sumisira sa kabundukan at kagubatan.
Ang kagubatan ng bansa ay bumagsak na sa 7 milyong ektarya, na katumbas ng 23.3% sa kabuuang lupain nito. Kinukunsidera itong mapanganib sa kapaligiran. Patuloy na lumiit ang kagubatan sa bansa mula dekada 1970 dahil sa mga pagtotroso na may pahintulot mula sa reaksyunaryong gubyerno.
Samantala, higit kalahati ng 14.2 milyon ektaryang kritikal na watershed sa bansa ang maituturing na hindi protektado sa ilalim ng reaksyunaryong batas. Tinatayang 6.8 milyong ektarya nito ang bulnerable sa deporestasyon, biodiversity loss, erosion, pagbaha, pagguho ng lupa at polusyon sa tubig.
Lalo namang lumalaki ang minimina ng dayuhang mga kumpanya sa kabundukan ng Pilipinas. Mayroong 56 minahan (33 nickel, 12 ginto, 4 chromite, 4 iron, 3 tanso) sa bansa at pitong plantang napuproseso nito kung saan lahat ng napoprodyus ay pang-eksport. Noong unang tatlong kwarto ng 2023, lumaki nang 7.28% tungong ₱189.9 bilyon ang halaga ng mga mineral na minina sa mga ito.
Nananatiling pinakamalaking minahan ang rehiyon ng Caraga, kasunod ang Region IV-B at Cagayan Valley. Sa Caraga, mayroong dalawang minahan ng ginto, isang chromite, 18 nickel, isang hydrometallurgical processing plant, at isang gold processing plant. Nakatakda pang magbukas ang gubyerno ng 12 proyekto sa pagmimina ngayong unang hati ng 2024.
3) Kapabayaan ng reaksyunaryong estado
Hindi na bago sa Pilipinas ang El Niño, ngunit tila hindi natuto sa nagdaang mga karanasan ang reaksyunaryong estado.
• Noong El Niño 1997-1998, naitala ang mahigit ₱5 bilyong pagkalugi sa produksyong pang-agrikultura na sumaklaw sa mahigit 600,000 ektaryang lupang sakahan.
• Noong El Niño 2014-2016, signipikanteng pagkalugi sa agrikultura din ang naranasan na umabot sa ₱15.2 bilyon kung saan 500,000 ektarya sa 57 prubinsya at dalawang lungsod ang napinsala.
• Noong 2019, umabot sa ₱7.96 bilyon ang pagkasira ng agrikultura at puminsala sa tinatayang 247,610 magsasaka at mangingisda mula sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Bagaman siklikong nararanasan ng bansa ang El Niño, walang ginagawang makabuluhang paghahanda ang estado at puro palamuting proyekto at pampabango lamang ang ipinatutupad nito. Hindi rin iilan ang pagkakataong ginagawang palabigasan ito ng mga pulitiko para sa kikbak at korapsyon. Higit na tumitindi ang mga pinsala nito dahil sa pagpapanatiling atrasado ng agrikultura, at ang saligang suliranin ng kawalan ng lupa ng masang magsasaka sa bansa.
Sa panahon ng El Niño, napatitingkad ang usapin sa kawalan ng irigasyon sa malalaking tipak ng mga sakahan sa bansa at proyekto para sa rehabilitasyon ng mga nakatayo na. Dahil sa napakalimitadong pasilidad sa irigasyon, madalas ay naiiwan ang mga magsasaka sa mga tigang na lupa.
Sa konserbatibong datos ng NIA noong 2022, naitala sa 67.5% (o 2.11 milyong ektarya ng target na 3.13 milyong ektarya) ang nabigyan nito ng serbisyong irigasyon sa kabila ng limpak-limpak na pondong inilalaan dito ng estado. Sa katunayan, posibleng mas malaki pa ang kabuuang bilang ng lupang dapat suplayan ng patubig sa bansa.
Mula 2016 hanggang 2022, nasa 2.5% o 39,300 ektarya lamang ang taunang abereyds na paglawak ng irigasyon. Sa ganitong tantos, aabutin ng 25 na taon bago maabot ang target nitong 100% target na antas ng irigasyon. Sa datos pa lamang na ito, malinaw na wala sa prayoridad ng NIA at ng estado ang lokal na produksyon ng pagkain.
Liban dito, apektado rin ang mga irigasyon ng pagpapalit-gamit ng lupa na sanhi ng pagsasara ng natural na daluyan ng tubig at natural na kanal irigasyon. Pinsala rin sa patubig ang hatid ng pagkawasak ng mga kabundukan at kagubatan dulot ng imperyalistang pandarambong. Kritikal sa pambansang sistema ng irigasyon ang 14.2 milyong ektarya ng watershed area at dapat itong maprotektahan.
Higanteng dam, hindi para sa irigasyon
Karaniwang idinadahilan ng reaksyunaryong estado ang pagbibigay ng serbisyong irigasyon para isagasa ang pagtatayo ng mga higanteng dam. Taliwas sa mga ito, inilalaan ang mga tubig na naiipon dito para sa komersyal na gamit tulad ng suplay para sa pribatisadong mga water distributor, at mga pribadong kumpanya sa industriya at serbisyong pangkuryente tulad ng mga hydroelectric power generation. Kasalukuyang mayroong 15 malaking dam sa bansa.
Sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA) noong 2010 hanggang 2022, lumiit ang bahagi ng irigasyon sa paggamit ng tubig mula 81% tungong 75%, habang ang para sa industrya ay tumaas mula 10% tungong 15%, at ang serbisyo mula 9% tungong 10%. Hindi rin lumaki ang bolyum ng tubig para sa agrikultura (67.8 tungong 67.9 BCM o billion cubic meter), habang ang para sa kuryente ay lumaki nang 22% (110.8 tungong 135 BCM) at maiinom na tubig para sa distribusyon nang 117% (1.2 tungong 2.7 BCM).
Kainutilan ng rehimeng US-Marcos
Ilang buwan nang ibinabalita ng DA ang mabilis na sumasaklaw na tagtuyot subalit kulang na kulang ang ginawang hakbang ng reaksyunaryong estado maliban sa mga pahayag sa midya na ayuda, relip, cloud seeding, pag-aayos ng irigasyon at panawagang magtipid ng tubig. Naglaan diumano ng ₱30 bilyon, pero malaking bahagi nito ay nakalaan sa pag-aangkat ng bigas. Wala sa prayoridad ng rehimeng Marcos ang pagtiyak sa kabuhayan ng masang magsasaka.
Nag-anunsyo ang rehimen ng pagpapakilos sa mga ahensya nito noong Abril 2023, isa pa noong Mayo 2023 at huli noong Disyembre 2023 para umano tumugon sa El Niño. Walang naging pag-usad ang mga ito, at sinimulan lamang ang pagtugon sa El Niño nang ilabas ang Executive Order No. 53 noong Enero 19, kalahating taon matapos ideklara ang pagsisimula nito. Itinalaga ng rehimen bilang pinuno ng itinayong Task Force El Niño si Gilbert Teodoro, kalihim ng Department of National Defense, isang kagawarang napakalayo sa kalikasan o agrikultura.
Inianunsyo pa ng rehimeng US-Marcos noong Disyembre 2023 na prayoridad na hakbang nito ang pagtitiyak ng patubig para sa mga magsasaka sa panahon ng pananalasa ng El Niño 2023-2024. Nangako din itong magtatayo ng mga “solar-powered irrigation units” para sa mga sakahang nakaasa sa pag-ulan, mga proyektong pinopondohan ng dayuhan at mga lokal na burukrata, kabilang ang pamilyang Marcos sa Ilocos Norte.
Naglaan din ang rehimen ng karampot na tig-₱5,000 para sa ayuda at subsidyo sa 2.3 milyong magsasakang maaapektuhan ng salanta. Ibinabandila din nito ang limitadong ₱25,000 pautang at ₱20,000 na “seguro” na maaaring tanggapin ng bawat apektadong magsasaka o mangingisda. Naglaan din ito ng pondo para sa pagtugon sa “climate change” na wala namang direktang maitutulong sa masang magsasaka sa kagyat nilang pangangailangan. Taksil din itong nagpondo para sa importasyon ng bigas.
Malala pa, ginagamit ngayon ni Marcos ang El Niño upang maglaan ng malaking pondo para kumita ng kikbak sa mga proyekto at programa.
Pagkalugi dulot ng kawalan ng irigasyon
Walang katuparan sa mga pangako ni Marcos Sa Bulalacao at Mansalay, Oriental Mindoro, apektado ang mga palayan at sibuyasan dahil sa kawalan ng ulan at pagkatuyo ng mga ilog na nagsu-suplay sa mga sakahan. Dahil walang irigasyon, nasira ang mga pananim at nalugi ang mga magsasaka. Lalo silang nabaon sa utang lalupa’t napakataas ng gastos nila sa produksyon.
Dumoble, at sa ilang pagkakataon ay naging triple ang gastos ng mga magsasaka pangunahin sa paghahabol nilang isalba ang mga tanim sa pag-upa sa mga water pump. Ang mga solar-powered irrigation na ipinagmamalaki ng DA, maging ang mga drought-resilient seeds na ipinamamahagi nito ay halos hindi napakinabangan ng mga magsasaka, dahil sa saligan, wala ngang irigasyon ang mga bukid.
Sa Bohol, kahit hindi nakalista sa mga lubhang sinasalanta ng tagtuyot, nangangamba ang mga magsasaka sa epekto nito sa kanilang sakahan. Isa dito si Tatay Boying. “Mahirap ang patubig dahil nakasalalay lang kami sa ulan…sa ibang lugar may irigasyon, pero iilan lang ang nakikinabang, palakasan pa,” pahayag niya.
Reklamo ni Tatay Boying, sa regular na taniman ay hindi na nga siya kumikita, lalo pa siyang mamumulubi dahil kulang ang patubig.
Hindi bababa sa ₱11,000 ang kabuuang gastos niya sa kada siklo ng pagtatanim. Nakaani siya dito ng 456 kilos o 12 sako ng palay, at ikakaltas dito ang 2 sako bilang kabayaran sa panginoong maylupa. Kung ibebenta, kikita lamang siya ng ₱9,120 sa presyong ₱24 kada kilo ng palay. Dahil luging-lugi, at napakamahal ng presyo ng bigas sa merkado, hindi na lamang ibinebenta ni Tatay Boying ang ani.
Pagpapaulan ng bala at bomba
Hindi tubig ang pinauulan ng rehimeng US-Marcos sa kanayunan, kundi mga bala at bomba. Sa harap ng salanta ng El Niño, walang tigil at higit pang pinatindi ng rehimen ang mga operasyong kombat ng militar, mga pwersang paramilitar nito at ng pulis bunsod ng panibagong dedlayn na tuluyang gapiin ang rebolusyonaryong kilusan sa kanayunan sa pagtatapos ng 2024.
Nagmamadali ang AFP na “tapusin” ang armadong rebolusyon para higit pang bigyan-daan ang mapangwasak na imperyalista at dayuhang pagmimina, mga plantasyon at iba pang mapangwasak na proyekto. Ang mga proyektong ito ay itinutulak ng mga multinasyunal na kumpanya, na silang pangunahing may pananagutan sa pagkawasak ng kalikasan at ekosistema ng Pilipinas.
Sa nagdaang tatlong buwan, naitala ang mga kaso ng aerial bombing at panganganyon sa Abra, Quezon, Camarines Sur, Negros Occidental, Iloilo at Bukidnon. May ilang kaso pa na nahulog malapit sa mga sakahan at komunidad ng mga sibilyan ang mga 500-lb bomba. Liban pa dito, ginagarison ang mga komunidad at pinipigilang makapaghanap-buhay sa kanilang mga sakahan o pumasok sa gubat para maghanap ng alternatibong pagkakakitaan. Pinapatay sa gutom ang masang magsasaka sa kanayunan.
Sa isla pa lamang ng Negros, hindi bababa sa 70 kaso na ng mga paglabag sa karapatang-tao ang naitala simula Enero. Katumbas ito ng halos isang kaso kada araw. Sa gitna ng kanilang paghihirap, daan-daang milyong piso ang nilulustay ng AFP sa kabi-kabila at sunud-sunod na mga operasyon nito.
4. Sama-samang paglaban ng masang magsasaka
Sa harap ng kainutilan ng rehimeng US-Marcos, nasa kamay ng masang magsasaka ang lahat ng batayan para singilin ito sa korapsyon, kapabayaan at mga patakarang nagpapahirap sa kanila. Dapat nilang igiit ang kinakailangang mga hakbangin para sa kagyat na kaluwagan sa kanila, kabilang ang pamamahagi ng kinakailangang pondong pang-ayuda o suportang pangkagipitan, pagpapaliban o kanselasyon sa pagbabayad utang, hindi pagbabayad ng upa sa lupa, at pagsasakatuparan ng mga kagyat na solusyon upang lutasin ang problema sa tubig.
Kasabay nito, dapat din nilang singilin ang reaksyunaryong estado sa pakikipagsabwatan nito sa mga imperyalistang kumpanya sa mina, plantasyon at mga plantang pang-enerhiya na nangdambong at sumira sa kagubatan na siyang dahilan ng malalalang epekto ng climate change sa bansa.
Sa harap nito, dapat magbuklod ang mga magasasaka upang buhayin ang diwa ng pagtutulungan para ampatin ang matinding hirap na hatid ng tagtuyot. Sa pamamagitan ng kanilang mga organisasyon, maaaring pagplanuhan ang malawakang pagpapakilos upang pagtulung-tulungan ang pagsasaayos ng sistema ng irigasyon sa kani-kanilang lugar, at paghahatian sa mapadadaloy na tubig sa kanilang mga bukid. Kasabay nito, dapat ipanawagan ng mga magsasaka ang tunay na reporma sa lupa bilang pangmatagalang solusyon sa kanilang pagdurusa.
Kapit-bisig ang masa sa harap ng El Niño
Sa Negros Occidental, koordinado at antas-antas ang plano ng mga samahang magsasaka sa pagtataguyod ng kampanyang masa para harapin ang El Niño. Sinimulan na nila ang mga konsultasyon, pagpupulong at kampanyang pag-aaral sa antas barangay, at target nilang pasaklawin hanggang antas bayan at distrito.
Inihahanda nila ang isang petisyon na naglalaman ng kanilang panawagan sa gubyerno para sa sapat na ayuda, pagkain at subsidyo sa kanilang produksyon. Paninindigan nila, kung hindi sila bibigyan ng makabuluhang tulong, handa silang kumilos nang sama-sama para sa dayalogo at komprontasyon sa lokal na mga ahensya.
Samantala para umagapay sa produksyon, binuhay ng mga magsasaka ang dagyaw-alayon, ang tradisyunal na porma ng pagtutulungan sa pagsasaka sa rehiyon.
Sa timog na bahagi ng Negros Occidental, itinakdang komunal na taniman ang isang erya sa lupang bungkalan na naipagtagumpay sa isang kampanya. Napagkasunduan nila na mais ang itatanim sa lupa. “Paunang aspeto ito sa kooperasyon…sinusunod namin ang balangkas ng “work points,” pagbabahagi ng magsasakang kalahok. Tuwing gabi, napagkasunduan nila na ang grupo ng kababaihan ang magdidilig sa maisan.
Nagbunga rin ang pakikipagkaisa at gawaing alyansa nila sa panggitnang pwersa sa komunidad. Anila, malaking tulong ang mga hose na kanilang nakuhang suporta. Ito ang ginagamit nila sa pagdidilig laluna at malayo ang pinagkukunan ng tubig.
Pinatunayan na rin mismo sa kasaysayan na handang kolektibong kumilos ang mga magsasaka kung hindi tutugunan ng estado ang kalam ng kanilang sikmura.
2016: Barikada ng mga magsasaka sa Kidapawan
Noong 2016, anim na libong mga magsasaka mula sa iba’t ibang mga prubinsya sa Mindanao ang nagbarikada sa haywey at mayor na mga daanan ng Kidapawan City, North Cotabato noong Marso 30 hanggang Abril 1 para maggiit sa lokal na gubyerno ng 5,000 sako ng bigas bilang ayuda sa kinahaharap na taggutom bunga ng El Niño. Panawagan din nila ang mga binhi, pataba at pestisidyo para sa kanilang mga pananim. Nakapailalim na noon ang prubinsya sa state of calamity simula pa Enero 2016.
Sa ilang ulit na pakikipagdayalogo ng mga lider-magsasaka sa gubernador ng prubinsya, insultong inalok lamang ang mga nagbarikada ng tig-3 kilo ng bigas. Sa halip na tugunan ang kanilang karaingan, sinugod sila ng mga pwersa ng estado at pinaulanan ng bala. Tatlong magsasaka ang napatay at higit 100 ang nasugatan.
Naging tampok na usapin sa bansa ang naganap na Kidapawan Masaker at nagbuklod sa maraming grupo para makiisa at maghatid ng tulong at ayuda sa mga magsasaka. Sako-sako ng bigas ang dumating sa kanila mula sa pribadong mga grupo at indibidwal, kasunod ng pagkakalantad sa kainutilan ng noo’y rehimeng US-Aquino II sa pagtugon sa salantang dulot ng El Niño.
Sa harap ng higit pang tumitinding salanta ng El Niño sa maraming prubinsya, dapat kolektibong singilin ng masang magsasaka ang rehimeng US-Marcos. Ang kanyang kapabayaan at pasistang pag-atake ay nagpapaalab sa galit ng masang magsasaka at nagtutulak sa kanila sa landas ng protesta at paglaban.
________
Inihanda ng:
Kawanihan sa Impormasyon
Partido Komunista ng Pilipinas
Marso 2024