Tugon ni Patnubay de Guia Bakit papalala ang epekto ng El Nino at ano ang dapat gawin ng mamamayan para harapin ang mga sakunang dulot nito?

Nananalasa sa buong mundo ang malubhang epekto ng El Niño, isang penomenong pangklima na nagaganap sa pagitan ng 2-7 taon. Sa tuwing may El Niño, tumataas ang temperatura ng tubig sa karagatan at humihina ang hangin kaya bihirang umulan o mamuo ang masamang panahon (low pressure area). Matindi ang init sa silangang bahagi ng Pacific Ocean (Asia at Oceania) habang may mga bagyo at pagbaha naman sa kanlurang bahagi (Americas).

Ang Pilipinas na matatagpuan sa silangang bahagi ng Pacific Ocean ay dumaranas ng El Niño sa anyo ng labis na init o kawalan ng ulan at mabilis na pagkatuyo ng tubig (bukal, balon, sapa at ilang ilog). Sa buong bansa, 80 probinsya ang labis na apektado nito kabilang ang Cavite, Laguna, Batangas, Occidental Mindoro, Oriental Mindoro at Palawan.

Dulot ng El Niño, dinaranas ng mamamayan ang mga pinsala sa kabuhayan (pagkatuyo at pagkasira ng mga pananim, pagliit ng huli sa pangingisda at mga fishkill) at kalusugan (heat stroke, dehydration at mga katulad). Naiulat na umaabot na sa P770 milyon ang pinsala sa agrikultura sa MIMAROPA habang P7 milyon sa CALABARZON. Banta rin ito sa seguridad sa pagkain dahil sa pagkasira hanggang pagkamatay ng mga pananim na pagkain ng mamamayan. Sa ulat ng Department of Agriculture nitong Marso, 64.40% ng kabuuang napinsalang pananim sa bansa ay palay. Samantala, nagkakaroon din ng disbalanseng ekolohikal sa malawak na katubigan.

Ugat ng paglala ng El Niño

Sa nakaraang mga taon, kapansin-pansin na dumadalas ang malubhang epekto ng El Niño dulot ng pagtindi ng pag-init ng daigdig (global warming). Sa Pilipinas, papatindi ang epekto ng pagbabago ng klima dahil sa tuluy-tuloy na pagkawasak ng kalikasan resulta ng labis na pagkalbo sa mga kabundukan dahil sa pagtotroso, malakihang pagmimina, pagtatayo ng mga dambuhang dam at iba pang proyekto at imprastraktura. Pangunahing salarin sa mga ito ang imperyalismo kasabwat ang malalaking burgesya kumprador at panginoong maylupa.

Mula dekada 1970, patuloy na lumiliit ang kagubatan ng Pilipinas dahil sa mga pagtotroso ng mga dayuhang kumpanya. Ayon sa Forest Management Bureau, ang forest cover ay bumagsak sa 7 milyong ektarya na lamang na katumbas ng 23.3% sa kabuuang lupain ng bansa. Dahil ito sa walang habas na pangwawasak sa kalikasan ng imperyalismo para kunin ang mga murang hilaw na materyales kagaya ng mga yamang mineral at rare earth metals at makahuthot ng supertubo sa kapinsalaan ng mga mamamayan ng daigdig laluna ng mga nasa kolonya at malakolonya.

Kabilang din sa pangunahing sanhi ng pag-init ng mundo ang pagsusunog ng fossil fuel. Ang imperyalismong US ang isa sa mga bansang pinagmumulan ng pinakamalaking carbon emissions dahil sa paggamit at paglalako nito ng langis na panggatong. Ayon sa pag-aaral ng Oil Change International, isang grupong nananaliksik at may adbokasiya sa paglaban sa climate change, na ang walo sa pinakamalalaking prodyuser ng langis at gas na nakabase sa US at Europa—BP, Chevron, CanocoPhillips, Eni, Equinor, ExxonMobil, Shell at TotalEnergies—ay wala alinman sa kanila ang naka-ayon sa paglilimita ng global warming. Wala ring patunay na seryoso silang maging bahagi ng transisyon sa malinis na enerhiya. Mapapansin din na ang mga kumpanyang US ang pinakamalala sa pinakamalala sa mga kategoryang kanilang inaral, gaya ng plano para bawasan ang explorasyon at produksyon ng fossil fuel, integridad sa pamamaraan para mabawasan ang greenhouse emissions at komitment para sa pagpapatupad ng “nakatuon sa mamamayan na transisyon” palayo sa paggamit ng fossil fuels. Malawakan ding dinadambong ng imperyalismo ang reserbang coal at natural gas sa mga kolonya at malakolonya gaya ng Pilipinas.

Sa kabilang banda ang ibang pagkukunan ng enerhiya katulad ng liquefied natural gas (LNG) ay dominado rin ng imperyalismong US. Bilang pangunahing exporter ng LNG, tiyak na makikinabang ito sa iniraratsadang LNG plant sa Batangas at iba pang bahagi ng bansa. Malubha ang gagawing pinsala ng LNG sa kalikasan dahil sa inilalabas nitong dumi. Ang Verde Island Passage, isang protected area at tahanan ng samu’t saring buhay-dagat sa pagitan ng Batangas at Mindoro ang pangunahing pipinsalain ng iniraratsadang LNG plant.

Mga dapat gawin sa pagharap sa El Niño

Kailangang ilantad ang mga imperyalista bilang ugat ng pagkasira ng kalikasan at pag-init ng mundo na nagdudulot ng pagbabago ng klima, kasabwat ang mga reaksyunaryong gubyerno kagaya ng tutang si Marcos Jr. Dapat tutulan ang korporadong pagtotroso, malalaking pagmimina, mga proyektong reklamasyon, pagtatayo ng mga dambuhalang dam at iba pang huwad na proyektong pangkaunlaran na mapanira sa kalikasan. Dapat na singilin at papanagutin ang mga monopolyo kapitalistang dayuhan at lokal na MBK-PML sa labis na pangwawasak sa kalikasan.

Inutil ang rehimeng US-Marcos II na lutasin ang problema ng bayan sa sakunang dulot ng El Niño. Ilantad ang mga pantapal na solusyon nito gaya ng gamumong “ayuda” at ang tunay na mukha ng militaristang Task Force El Niño. Batikusin ang korapsyon sa “ayuda” at pautang na mga pakana ng mga burukrata kapitalista para pagkakitaan ang kahirapan ng bayan. Singilin at papanagutin sa kriminal na pagpapabaya ng reaksyunaryong rehimen. Kailangang igiit ng taumbayan na ilaan ang pondo sa kapaki-pakinabang na mga proyekto at solusyon sa El Niño sa halip na sa anti-mamamayan at anti-demokratikong charter change at pondong militar.

Dapat na kumilos ang sambayanang Pilipino upang tiyakin ang sapat na pagkain sa gitna ng pagkatuyo ng mga pananim at sumisirit na implasyon. Dapat kalampagin ang mga ahensya ng gubyerno na magbigay ng sapat na ayuda at subsidyo sa agrikultura. Tiyakin ang mga kongkretong hakbangin upang magkaroon ng sapat na tubig sa mga sakahan at komunidad. Ipanawagan din ang kanselasyon ng mga utang at upa sa lupa ng mga magsasaka sa panahon ng sakuna. Bigyang tutok din ang mga komunidad ng mangingisda at pakilusin sila para sa kanilang kabuhayan.

Sa harap ng palyadong solusyon ng rehimen, ipanawagan ang pagpapabasura ng mga neoliberal na patakarang liberalisasyon at importasyon na lalong pumapatay sa lokal na agrikultura.

Palakasin ang mga nakatayo na at paramihin pa ang mga samahang masa na magbubuklod sa mamamayan lalo para sa pagharap sa sakuna. Ilunsad ang malawakang propaganda at edukasyon upang linawin sa mamamayan ang penomenong El Niño at pananagutan dito ng imperyalismo. Ilunsad ang puspusang pagmumulat, pag-oorganisa at pagpapakilos sa mamamayan upang makamit ang kanilang mga demokratikong kahilingan sa panahon ng tagtuyot.

Tungkulin ng mga rebolusyonaryong pwersa na pangunahan ang pagharap ng mamamayan sa nararanasang napakatinding init at kakulangan ng tubig lalo sa mga sentrong bayan at siyudad. Sa kanayunan, kailangang pangunahan ng mga rebolusyonaryong samahang masa kagaya ng Pambansang Katipunang Magbubukid ang pagbabalangkas ng mga programa at solusyon sa matinding tagtuyot. Bumuo ng mga plano para sa pamamahagi ng tubig sa mga komunidad, pagpapagana ng suyuan at programang pangkabuhayan. Sa kalunsuranfz, pakilusin ang mga manggagawa, kabataan, mala-proletaryado, at mga propesyunal kagaya ng mga siyentista, guro, taong-simbahan, manggagawang pangkalusugan at iba pa para sa mga mapagkawanggawang programa, makakalikasang adbokasiya at siyentipikong pananaliksik at solusyon sa tagtuyot. Ipalaganap ang programa ng rebolusyonaryong kilusan sa pagharap sa El Niño.

Maaasahan ang mga yunit ng BHB sa pag-alalay sa sakuna. Kabilang sa mga serbisyong maaaring ibigay ng BHB ang kampanyang edukasyon kaugnay sa El Niño, pagbubuo at pagpapatibay ng mga samahan, gawaing produksyon kagaya ng paghuhukay ng mga balon at paggagawa ng irigasyon at serbisyong medikal.

Isinusulong ng PKP-BHB-NDFP ang pambansa demokratikong rebolusyon upang mapalaya ang bayan sa kuko ng imperyalismong US at pagkagapos ng pyudalismo at burukrata kapitalismo na ugat ng kahirapan ng bansa at pangwawasak sa kalikasan. Nasa programa ng pambansa demokratikong rebolusyon na may sosyalistang perspektiba ang pagtitiyak ng kabuhayan ng mamamayan kasabay ng pangangalaga sa kapaligiran.###

Bakit papalala ang epekto ng El Nino at ano ang dapat gawin ng mamamayan para harapin ang mga sakunang dulot nito?