Ika-55 anibersaryo ng BHB, ipinagdiwang sa TK

Mainit na sinalubong ng buong rebolusyonaryong kilusan sa TK ang ika-55 anibersaryo ng pagkakatatag ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) noong Marso 29. Naglunsad ng mga pulong pagdiriwang at aksyong propaganda sa loob ng mga sonang gerilya at mga lungsod upang ibandila ang kadakilaan ng 55 taong armadong pakikibaka ng BHB.

Sa Rizal, namigay ng polyeto ang mga rebolusyonaryong pwersa sa lungsod bilang pagsalubong sa anibersaryo ng BHB. Ipinamahagi sa Antipolo ang polyetong “10 dahilan bakit mahal ng mamamayan ang NPA” noong Marso 28, kasabay ng tradisyunal na prusisyong kaugnay ng Semana Santa. Matagumpay ang dagliang aksyong propaganda na pinangunahan ng National Democratic Front-Rizal. Kinabukasan, Marso 29, isinabit ng ARMAS-Rizal ang inihandang likhang sining na balatengga sa Taytay.

Nagsagawa naman ang Kabataang Makabayan-Timog Katagalugan ng pagpipinta, sticker bombing at pagsasabit ng istrimer sa loob ng UP Los Baños na may panawagang “Mabuhay ang ika-55 anibersaryo ng BHB”. Nag-imprenta sila ng mga pahayagan ng Ang Bayan at Kalayaan- TK at ikinalat ito sa iba’t ibang bahagi ng campus.

Sa Cavite, nagkalat ang mga pinta at istrimer ng pagpupugay at pagdiriwang sa kahabaan ng mga mayor na kalsada.

Tagumpay na naglunsad ng pagdiriwang ang mga yunit ng BHB Mindoro sa piling ng mga masang magsasaka sa kabila ng presensya ng mga tropa ng AFP-PNP. Dumalo sa mga aktibidad ang mga kabataan mula sa hanay ng mga katutubo, magsasaka at estudyante.

Isa rito si Ka Lyka na nagbigay ng mensahe ng pagbati sa BHB. Aniya, “Sa maikling panahong nakasama ko ang Hukbo ay napatunayan at nakita kong mabuti ang inyong hangarin. Nagpapasalamat ako sa mga martir na nag-alay na ng kanilang buhay para ipagtanggol ang mga mahihirap na tulad natin at ipaglaban ang kalayaan ng ating bayan mula sa mga dayuhan.”

Naglabas naman ng bidyo-pahayag ang tagapagsalita ng Apolonio Mendoza Command-BHB Quezon na si Ka Cleo del Mundo bilang pagbati at hamon sa pagsalubong sa ika-55 anibersaryo. Nagpasalamat siya sa mamamayan ng Quezon at mga kaibigan ng rebolusyon sa loob at labas ng bansa na patuloy na sumusuporta sa BHB. Idiniin niya ang pangangailangang palakasin ang BHB sa harap ng tumitinding krisis at pang-aatake ng estado sa mamamayan.###

Ika-55 anibersaryo ng BHB, ipinagdiwang sa TK