Ikatlong taon ng Bloody Sunday Massacre, ginunita sa TK

Nagsama-sama ang mga pamilya ng mga biktima, mga grupo sa karapatang pantao, at iba pang sektor upang gunitain ang ikatlong taong anibersaryo ng Bloody Sunday Massacre.

Tumagal nang isang linggo ang komemorasyon upang dakilain ang alaala at buhay ng mga biktima na sina Manny Asuncion, Chai Evangelista, Ariel Evangelista, Mark Lee Bacasno, Melvin Dasigao, Puroy dela Cruz, Randy dela Cruz, Abner Esto, at Edward Esto. Naglunsad ang mga progresibong grupo ng film showing at grand tribute para sa siyam na nasawi. Nagprotesta din sila sa harap ng Department of Justice.

“Mariin pa rin nating sinisingil ang reaksyunaryong rehimen at si Duterte para sa Bloody Sunday Massacre. Hindi tayo tumitigil sa paghahanap ng hustisya lalo na ngayon na hindi pa napapanagot ang AFP-PNP at mismong si Rodrigo Duterte. Patuloy pa rin ang pananalasa ng whole-of-nation-approach at ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict sa pagdidirehe ng papet at pahirap na rehimeng US-Marcos II,” ani Charm Maranan, tagapagsalita ng Defend Southern Tagalog.

Kasama rin sa isang linggong paggunita ang mga nakalayang lider-aktibista na sina Mags Camoral, Nimfa Lanzanas, at Joan Efren na iligal na inaresto noong Marso 7, 2021. Noong nakaraang taon, naghain ng countercharge si Nimfa Lanzanas sa kaso ng reklamong grave misconduct at grave abuse of authority laban sa mga pulis na sangkot sa operasyon.

“Hindi dapat iabswelto ang mga sundalo at pulis na sangkot sa Bloody Sunday Massacre. Ipagpapatuloy ng mga kasama ang mga naiwang tungkulin ng mga tagapagtanggol ng bayan,” sabi ni Maranan.###

Ikatlong taon ng Bloody Sunday Massacre, ginunita sa TK