Kababaihang nakikibaka, kababaihang ‘di pagagapi!

Tinuran ni Kasamang Mao Zedong noong 1968 na “hawak ng kababaihan ang kalahati ng kalangitan” upang ibandila at patampukin ang papel nila sa lipunan at rebolusyon. Sa ilalim ng bulok na burges at pyudal-patriyarkal na lipunan, humuhulagpos at mahigpit na katuwang ng proletaryado ang kababaihang anakpawis sa pakikibaka para sa demokrasya’t pagpapalaya ng bayan at pagtatatag ng sosyalistang lipunan.

Sa lipunang Pilipino, halos kalahati ng populasyon ay binubuo ng kababaihan. Sila’y matatagpuan sa mga sakahan, pagawaan, maralitang komunidad, eskwelahan at iba pang bahagi ng bansa. Ang pinakaabante sa kanilang hanay ay lumalahok sa pakikibaka para sa pantay na karapatan at sa makauring pakikibaka para igiit ang pambansa-demokratikong adhikain ng sambayanang Pilipino.

Pinanday sa lokal na pakikibaka

“Ang kailangan nating gawin ay matapang na harapin ang kaaway, pagkaisahin ang mga api at lumaban.” Ito ang tindig ni Ka Ami, 32, isang babaeng lider-magsasaka, noong inaagaw ang kanilang lupa.

Si Ka Ami ay nakatira sa isang komunidad sa Timog Katagalugan na may kinakaharap na tunggalian sa lupa. Naorganisa siya noong 2018 sa kasagsagan ng kampanya para ipagtanggol ang kanilang lupang panirikan at sakahan. Aniya, malawak na ang kanilang tanim na saging at mais nang may dumating na nagsasarbey ng lupa at nagpakilalang may-ari.

“Aba, ay dito na nagsipagtanda ang aming mga ninuno, marami nang namatay na matanda na lumaban para sa lupang ito,” sambit ni Ka Ami. Kaya nagkaisa sila sa kanilang komunidad para ipaglaban ang kanilang lupa.

Bilang pinuno ng kanilang samahan, regular na nagbabahay-bahay si Ka Ami at nagpapatawag ng pulong sa mga kababaryo. Dito, kumukuha siya ng ulat upang malaman ang kanilang kalagayan at inihahanda ang iba pang magsasaka para sa pagtatanggol sa lupa. Kwento niya, sama-sama silang humarap sa nagpakilalang “may-ari” ng lupa at sumugod sa munisipyo at sa Department of Agrarian Reform (DAR).

“Tumayo ako sa harap ng opisina ng DAR at sumigaw na ‘wag agawin ang aming lupa at hindi kami lalayas!” kwento ni Ka Ami. Hanggang ngayon, nananatili pa rin sina Ka Ami sa kanilang lupa dahil sa lakas ng kanilang pagkakaisa at sama-samang pagkilos.

Pagtatanggol sa karapatan ng bayan

Isa namang kabataang estudyante si Ka Kara, 26, noong mamulat sa kalagayan ng lipunan. Nakita niya ang pagiging kolonyal, komersyalisado at elitista ng edukasyon sa pamantasang pinasukan niya sa Timog Katagalugan. Nakita niya rin sa kapwa niya kabataang estudyante ang kahirapan na itaguyod ang sariling pag-aaral.

Napakilos siya noong nalantad ang isyu ng pork barrel at korapsyon ng mga tradisyunal at bulok na pulitiko. “Kinasusuklaman ko ang pagkakait ng pondo sa edukasyon at iba pang serbisyong panlipunan habang ang kalakhan ay napupunta lamang sa kamay ng iilan,” paliwanag ni Ka Kara.

Sumama siya sa mga protesta upang igiit na ibalik ang kinurakot na pondo at ilipat sa serbisyong panlipunan. Sa proseso ay naranasan niya mismo ang karahasan ng estado noong idispers ng mga pulis ang kanilang hanay. Doon niya nakitang hindi totoong demokratiko ang sistema, at na kailangang ipaglaban ang karapatan at kalayaan.

Ayon kay Ka Kara, “Bilang kabataan, kailangan nating lumabas mula sa mga bulwagan at paaralan, isanib ang ating lakas sa mga aping sektor.”

Mula noon, buong panahong inialay ni Ka Kara ang kanyang buhay para itaguyod at ipagtanggol ang karapatan ng mamamayan. Lumalahok at pinangungunahan niya ang mga pananaliksik sa kalagayan ng mga aping uri at sektor, lalo sa mga lugar na may mga kaso ng pandarahas ang AFP-PNP. Ineeduka nila ang mamamayan na kumilos at inilalantad ang krimen ng mga pulis at militar.

Minsang dinanas niyang harasin ng estado. Hindi iilang beses siyang ni-red-tag lalo sa social media. Ngunit batid ni Ka Kara na bahagi ito ng pananakot ng estado upang pahinain ang kanyang diwa.

“Hindi dapat matakot na tumindig at lumaban dahil walang mali sa aming ginagawa. Sa gitna nito, lalong kailangang tuluy-tuloy tayong kumilos upang ganap na magtagumpay ang ating pakikibaka,” pagtatapos ni Ka Kara.###

Kababaihang nakikibaka, kababaihang ‘di pagagapi!