Editoryal Lahat para sa digmang bayan!

Ipinagbubunyi ng mamamayang api’t pinagsasamantalahan sa Timog Katagalugan ang mga tagumpay sa
pagsusulong ng digmang bayan sa rehiyon mula sa halos wala noong magsimula at buksan ang sonang gerilya ng mga pwersang namulat at nakibaka sa ilalim ng diktadurang US-Marcos I. Nilampasan ang mga likot ikot at pinangibabawan ang mga balakid hanggang mailuwal ang mga larangang gerilya at ang natatanging pulang Hukbo na determinadong isinusulong ang armadong pakikibaka na magtitiyak sa katapusan ng nabubulok na naghaharing sistemang malakolonyal at malapyudal.

Binigo ng mamamayan at PKP-BHB-NDFP ang paulit-ulit na taning ng reaksyunaryong estado na wakasan ang armadong pakikibaka. Higit pa sa preserbasyon sa sarili, ang rebolusyonaryong kilusan ay nagsusulong ng kilusang pagwawasto sa pamamagitan ng walang humpay na pag-aaral, pag-oopensiba sa lahat ng larangan at pagkuha ng inisyatiba upang palakasin ang sarili at bigwasan ang kaaway. Panata nitong ibayong isulong ang matagalang digmang bayan kasabay ng pagpapalakas sa mga anti-imperyalista, antipyudal at anti-pasistang pakikibaka ng mamamayan.

Ang pagpapaigting ng digmang bayan sa balangkas ng kilusang pagwawasto, pagbawi at muling pagpapalakas ay tuntungan sa pagkakamit ng higit pang mga tagumpay. Walang ibang paraan ng paggapi sa kaaway kundi ang magpalakas habang lumalaban at ang masikhay na pagpupukaw, pag-oorganisa, pagpapakilos sa pinakamalawak na hanay ng mamamayan para sa digmang bayan.

Nananatili ang mga saligang batayan sa pagsulong ng matagalang digmang bayan sa kalagayang mabilis na lumulubha ang pang-aapi at pagsasamantala sa masang Pilipino. Malaganap ang panlipunang ligalig na nagtutulak sa mamamayan na lumaban. Nagsisilbing matabang lupa para sa armadong rebolusyon ang mas masahol na krisis sa ekonomya at pagsidhi ng pagsasamantalang pyudal at malapyudal.

Ugat ng armadong tunggalian sa bansa ang kawalan ng lupa ng masang magsasaka. Lumulubha ito dahil sa pangangamkam ng panginoong maylupa (PML) at malalaking burgesya kumprador (MBK) kasabwat ang mga dayuhang monopolyo kapitalista sa malalawak na lupaing agrikultural para sa plantasyong monocrop, operasyong mina, proyektong pang-enerhiya, eryang pang eko-turismo, pagtatayo ng mga dambuhalang dam, sonang pang-ekonomya at iba pa. Nagbubunga ito ng malawakang pagpapalayas sa mga magsasaka at katutubo sa kanilang lupang binubungkal. Bangungot sa masang magsasaka ang huwad na reporma sa lupa ng reaksyunaryong gubyerno. Maraming kaso ng pagpapawalang-saysay ng Certificate of Land Ownership Award sa harap ng mga imbing maniobra ng mga PML-MBK kasabwat ang reaksyunaryong korte na muling irekonsentra sa kanilang kamay ang mga lupang ipinagtagumpay ng sama-samang pagkilos ng mga magsasaka. Ganito ang kaso ngayon sa Hacienda Roxas, Hacienda Yap at Lupang Tartaria sa TK. Samantala sa Quezon, ang mga kunwang pamamahagi ng mga lupang asyenda ay pawang “showcase” at bahagi lamang ng kontra-rebolusyonaryong propaganda ng AFP at ng reaksyunaryong gubyerno sa mga lugar na isinailalim sa FMO at RCSPO.

Mabilis na naaagnas ang ekonomyang malakolonyal at malapyudal sa mahigit apat na dekadang pagpataw ng mga patakarang neoliberal ng imperyalistang globalisasyon sa bansa. Pinalala ng liberalisasyon at deregulasyon ang krisis sa kanayunan sa pamamagitan ng pagpatay sa lokal na agrikultura. Tinanggal ang mga restriksyon sa importasyon ng iba’t ibang produktong agrikultural dahilan para bumagsak ang presyo ng mga lokal na produkto ng magsasaka sa farmgate. Dagdag pasanin din ng mga magsasaka ang patuloy na pagtaas ng presyo ng mga farm inputs, petrolyo at iba pang kagamitan sa produksyon. Samantala, tumitindi ang banta sa seguridad sa pagkain sa buong bayan. Sa kawalan ng pambansang industriyalisasyon, walang matinong hanapbuhay o trabahong naghihintay sa mga nadislokang manggagawang bukid, maralitang magsasaka, pambansang minorya at iba pang aping mamamayan na nawalan o napalayas sa lupa.

Ang ganitong kalagayan ang nagtutulak sa masang magsasaka na maglunsad ng armadong pakikibaka. Kinakailangan silang gabayan ng proletaryong Partido, ang Partido Komunista ng Pilipinas, upang magwagi. Susi rin ang papel ng nagkakaisang prente para maipatupad ang estratehikong linya ng matagalang digmang bayan na pagkubkob sa kalunsuran mula sa kanayunan.

Ang paglutas sa problema sa lupa sa pamamagitan ng digmang bayan ang susing kawing upang mapakilos ang pinakamalaking bilang ng mamamayang Pilipino, ang masang magsasaka. Mahigpit na katuwang nito ang pagpapalakas ng pambansa-demokratikong pakikibaka sa kalunsuran, pangunahin sa masang manggagawa at iba pang sektor para tuluy-tuloy na pahinain ang kaaway at dalhin sa tagumpay ang rebolusyon.

Dapat sapulin ang diyalektikong ugnayan ng pagpapalakas ng armadong pakikibaka, pagsusulong ng rebolusyong agrayo (RA) at pagtatayo ng baseng masa upang kamting maitatag at mapatatag ang muog ng kapangyarihang pampulitika ng mamamayan hanggang maipagtagumpay ang DRB. Krusyal na kinakailangan ang pagsusulong ng rebolusyong agraryo na may minimum na layuning pababain ang upa sa lupa, pawiin ang usura, itaas ang sahod ng mga manggagawang bukid, bakahin ang pagsasamantalang komersyante-usurero at paunlarin ang kooperasyon at produksyon sa kanayunan. Maksimum na layunin naman nitong wakasan ang monopolyo sa lupa sa pamamagitan ng kumpiskasyon at pamamahagi nang libre sa mga kulang o walang lupa. Ito ang tutugon sa kahilingan ng masang magsasaka at magpapatatag sa kanilang determinasyong isulong ang digmang bayan. Pinatunayan na ng kasaysayan na ang matatagumpay na RA ay nagiging balon ng mga Pulang mandirigma ng BHB.

Dapat palakasin ang armadong pakikibaka at biguin ang mga kampanya ng terorismo at panlilinlang ng kaaway na wala pang katulad sa nakaraan sa laki at bangis. Ginagamit ng estado ang berdugong AFP-PNP, NTF-ELCAC at Anti-Terror Law upang upang alisan ang mga magsasaka, manggagawa at iba pang aping uri at sektor ng karapatang mag-organisa at maghangad ng mas mabuting kalagayan. Sa kanayunan at sa mga lugar na may malakas na paglaban ang mamamayan, pinakakawalan ng mga pwersang reaksyunaryo ang pinakamababangis na anyo ng karahasan, kabilang ang walang habas na pambobomba, masaker, pagpatay, iligal na pang-aaresto at pagpiit, tortyur, sapilitang pagpapasuko, sapilitang pagpapalikas, pagsosona at estratehikong paghahamlet. Maging sa mga kabayanan at kalunsuran, pagawaan at mga eskwelahan ay laganap at tahasan ang mapanupil na aktibidad ng AFP-PNP at NTF-ELCAC.

Pakilusin ang libu-libong mamamayan sa mga sentrong bayan at kalunsuran—mga manggagawa, maralitang lunsod, kababaihan, kabataan, guro, manggagawang pangkalusugan, manggagawa sa transportasyon, kawani, iba pang uri at sektor—para isulong ang kanilang mga lehitimong kahilingan at demokratikong interes. Buuin at palakasin ang mga samahan nila at pakilusin sila sa hayag, lihim, ligal, iligal at mala-ligal na pakikibaka. Ang tagumpay ng pakikibaka sa kalunsuran ay mapatutunayan sa papalawak at papalaking militanteng kilusang masa at pagdaluyong mula sa kalunsuran ng paparaming bilang ng pwersa para lumahok sa armadong pakikibaka. Mahigpit na kinakailangan ng kanayunan ang mga aktibista’t kadre na napanday sa malawak na kilusang masa sa kalunsuran mula samgamanggagawa,mgakabataan, estudyante’t propesyunal at iba pang pambansa-demokratikong pwersa para isanib ang kanilang kakayahan at husay sa lakas ng mga magsasaka’t manggaggawang bukid para palakasin at patatagin ang kanayuan bilang muog na base ng rebolusyon. Sa kanayunan hakbang- hakbang na magpapalakas ang rebolusyonaryong pwersa upang durugin ang reaksyunaryong hukbo.

Hindi dapat mawalan ng loob ang mga rebolusyonaryong pwersa sa harap ng artipisyal na lakas na ipinapakita ng kaaway. Sila ay tigreng papel sa harap ng nakikibakang mamamayan! Matatag namakikipaggitgitansakaawaysa pamamagitan ng mataas na antas ng pleksibilidad at pagiging makilos. Panghawakan na ang paraan para makabawi sa mga pinsala sa isang lugar ay ang magpalakas sa ibang lugar at sa masigasig na pagpapalawak at pagpapalalim ng baseng masa para matitiyak ang tuloy-tuloy na paglaki at paglakas ng hukbo sa harap ng matitinding atake at pagsalakay ng kaaway. Iwasto ang konserbatismo-pasibidad, gerilyaismo, rebeldeng lagalag, milisyaismo at sibilyanisasyon tungo sa opensibang postura sa pulitika at militar at kamtin ang malaganap at masinsing pakikidigmang gerilya.

Higit kailanman, ang kawastuhan ng pagsusulong ng digmang bayan ay napatutunayan sa harap ng malubhang krisis ng naghaharing sistema at para ipatanggol ang interes ng sambayanan sa napakatinding pang-aapi at pagsasamantala ng rehimeng US-Marcos II. Ito rin ang tanging paraan para ipagtanggol ang buhay, kalayaan at soberanya ng bansa sa harap ng panghihimasok militar ng US, sukdulang pangangayupapa at pagpapagamitngrehimengMarcos II na kumakaladkad sa bayan sa napipintong inter-imperyalistang gera ng US at China.

Tinatanaw natin ang higit pang pagdaluyong ng mga pakikibakang anti-imperyalista, antipyudal at anti- pasista sa rehiyon kasabay ng higit pang pagsusulong ng armadong pakikibaka at paglakas ng BHB. Nananawagan ang rebolusyonaryong kilusan sa lahat ng mga mabubuting anak ng bayan—mga magsasaka, manggagawa, maralitang-lunsod, kabataan at lahat ng mamamayang nagnanais ng tunay na pambansang kalayaan, demokrasya, kapayapaan, katarungan at kaunlaran ng bayan, na sumapi sa BHB at iambag ang inyong lakas, talino at husay sa ngipin-sa-ngiping pakikipaglaban sa mga kaaway ng bayan! Ipagtagumpay natin ang DRB hanggang sa sosyalistang rebolusyon bilang dakilang ambag sa pandaigdigang kilusan laban sa bulok, parasitiko at naghihingalong imperyalismo.###

Lahat para sa digmang bayan!