Mga maralitang tutol sa demolisyon, nired-tag ng mga pulis sa Bacoor City

Red tagging ang tugon ng Community Affairs Development and Public Information Office (CAD-PIO) ng Bacoor Component City Police Station (Bacoor CCPS) sa pagtutol ng mga maralita at progresibong grupo sa nakaambang demolisyon sa Brgy. Talaba 7 at Niog 1, Bacoor City.

Naganap ang red-tagging sa PNP Lecture and Community Outreach Program noong Marso 31 sa komunidad ng mga maralita sa Sitio Silangan, Brgy. Talaba 7. Matapos ang programa, namahagi ang mga pulis ng mga “anti-terrorism” flyers na naglalaman ng mga larawan at pangalan ng mga lider-maralita at kanilang inaanibang organisasyon.

Kinundena ng Bagong Alyansang Makabayan – Cavite ang pangrered-tag ng Bacoor CCPS sa mga aktibista. Anito, “Malinaw sa batas kung saan ginagarantiya nito ang karapatan ng mamamayan na magbuo ng organisasyon, maglunsad ng mga protesta o asembliya patungkol sa kanilang mga hinaing at karapatang magsalita. Ang ginawang red-tagging ng Bacoor CCPS katuwang ang local government units ay tahasang paglabag sa mga karapatang nabanggit.”

Simula 2019, sunud-sunod ang panggigipit, panununog, kabi-kabilang drug raid operations at harassment sa mga residente ng Sitio Silangan. Naniniwala ang mga residente na bahagi ito ng maitim na pakana para palayasin sila. Nitong Marso 15, pinadalhan ng demand letter ang lokal na samahang masang Bagong Silangan kung saan binibigyan na lamang ang mga residente ng hanggang Marso 31 bago sapilitang paalisin sa kanilang komunidad.###

Mga maralitang tutol sa demolisyon, nired-tag ng mga pulis sa Bacoor City