KPKK Serye Nagpapatuloy at sumisidhi ang pyudal at malapyudal na pagsasamantala sa kanayunan

Sa panahong nagkalat ang pekeng balita, nirerebisa ang kasaysayan at dumadausdos ang kalidad ng edukasyon, nagiging mas madali para sa imperyalismong US, mga institusyo’t ahensyang tagapagtaguyod ng globalisasyong neoliberal at reaksyunaryong estado na ilako ang ilusyong “newly industrialized (bagong nag-iindustriyalisa)” o “emerging market (papausbong na merkado)” ang Pilipinas. Ipinipinta nito ang larawan ng isang bansang nakawala na sa tanikala ng pyudalismo at atrasadong produksyon, at umaabante tungong kapitalistang pag-unlad.

Nakasisilaw ang imahen, ngunit hindi nito malilinlang ang bayan. Ang di-mapapasubaliang katotohanan ay nananatiling agraryan, pre-industriyal, atrasado at malapyudal ang produksyon at ekonomiya ng bansa. Resulta nito, araw-araw pa ring nagdurusa ang mamamayan ng kanayunan, laluna ang masang magsasaka dahil sa pagkatali sa pyudal at malapyudal na pagsasamantala. Batid ito ng PKP- BHB-NDFP na malalim na nakaugat sa kanayunan at nakikipamuhay sa malawak na hanay ng magsasaka.

Kawalan at kakulangan sa lupa

Ang monopolyo sa lupa ng kakarampot na pinakamalalaking kumprador panginoong maylupa at ang pyudal at malapyudal na pang- aalipin sa masang magsasaka bunga ng kawalan o kakulangan sa lupa ng mga ito ang batayang kundisyon na pinagtubuan at nagpapanatili sa malapyudalismo. Mula sa inilatag na pyudalismo ng kolonyalismong Espanyol, pinatigas ng imperyalismong US ang monopolyo ng iilan sa lupa para sa sarili nitong ganansya sa layuning panatilihin ito (pyudalismo) upang matiyak ang baseng sosyal ng monopolyo kapitalismo sa Pilipinas.

Ang itinayo naman ng US na papet na republika ay nagpatupad ng serye ng mga huwad na reporma sa lupa sa layong linlangin ang mamamayan at apulahin ang paghihimagsik ng masang magsasaka. Pinakahuling bersyon nito ang Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP) na isinabatas noong 1988 na naging CARPER at natapos noong 2014. Saligan sa mga ipinatupad na huwad na reporma sa lupa ang pagbabayad ng amortisasyon ng mga benepisyunaryo ng reporma sa lupa sa presyong itinakda ng PML at ng pamilihan na di kayang bayaran ng mga magsasaka, sa halip na libreng ipamahagi sa kanila ang lupa na matagal na nilang binubungkal.

Ilang siglo nang pinagkakaitan ng lupa ang masang magsasaka. Sa kasalukuyan, may 13.42 milyong ektaryang lupang mabubungkal sa bansa ngunit nasa 70% ng magsasaka ang wala o kulang sa lupa, ayon sa Unyon ng Manggagawa sa Agrikultura. Kung mayroon mang lupa, papatak lamang ito ng 1.29 ektarya kada “maliit na magsasaka,” ayon sa Southeast Asian Regional Center for Graduate Study and Research in Agriculture (SEARCA). Sa Timog Katagalugan (TK), karaniwan ang kasong mas mababa pa sa isang ektarya ang binubungkal ng isang magsasaka o di kaya’y pinauupa nito sa maralitang magsasaka.

Kung wala sa kamay ng magsasaka, sino ang mayhawak sa malalawak na lupain ng bansa? Kontrolado at pagmamay-ari ito ng iilang pamilya, mga pribadong korporasyon at ng reaksyunaryong estado na mga kabilang sa naghaharing uring kumprador-panginoong maylupa. Sa 13.42 milyong ektarya, higit kalahati ang hindi sinasaklaw ng CARP dahil sa tusong pagpapalit sa klasipikasyon ng lupa at mga butas sa probisyon ng batas. Nasa 4.9 milyong ektarya, 90% ng target, ang “ipinamahagi” na sa tinatayang 2.8 milyong magsasakang walang lupa sa ilalim ng CARP, ayon sa reaksyunaryong gubyerno. Ang mas malaking bahagi ng natitirang lupain ay klasipikadong lupaing publiko o hawak ng gubyerno. Bulnerable itong ibenta o ipa-lease ng gubyerno sa mga korporasyon para gawing sayt ng mga “proyektong pangkaunlaran” kahit na okupado na ito’t pinagyaman na ng mga magsasaka. Ganito ang kaso sa mga bayang katabi ng Sierra Madre kung saan iniraragasa ang samu’t saring proyektong malalaking dam.

Sa TK, may 835 panginoong maylupa – malaking burgesya kumprador na kumokontrol sa 70% ng kabuuang lupaing agrikultural sa rehiyon. Kabilang sa may pinakamalalawak na lupain ang mga Roxas at Yulo, at ang malalaking MBK sa bansa na Zobel-Ayala, Sy at Villar. Nanatili rin ang asyenda ng mga Yulo, Reyes, Murray, Alvarez, Escudero, Chua, Yap at iba pa sa Laguna, Batangas, Quezon, Mindoro at Palawan. Bukod dito, may higit 909,000 ektaryang lupang apektado ng malakihan at mapangwasak na pagmimina batay sa ulat ng mga magsasaka noong 2017.

Tuluy-tuloy ang mga imbing pakana ng mga MBK-PML at burukrata upang kamkamin ang lupa ng magsasaka. Halimbawa nito ang pataksil na pagbebenta ng isang huwad na kooperatiba sa Palawan ng lupain ng mga magsasaka sa kumpanyang Agumil na nagpapalawak ng mga plantasyon ng palm oil. Pati mga lupang iginawad na sa bisa ng CARP ay nanganganib, tulad ng higit 2,000 ektarya ng Hacienda Roxas na muling inaagaw mula sa mga “benepisyaryo” ng CARP.

Dahil wala o kulang sa lupa, natatali ang mga magsasaka sa mapagsamantala’t mapang-aliping kaayusan kung saan kinokopo ng mga PML ang malaking parte ng ani. Napupunta sa PML ang sarplas na produkto sa pamamagitan ng paniningil ng mataas na upa sa lupa, pang-uusura at mababang pasahod sa mga maralita at mababang panggitnang magsasaka at manggagawang bukid. Laganap pa rin ang ganitong sistema, tulad sa mga asyenda ng Quezon kung saan umiiral sa mga niyugan ang tersyo pabor sa PML at sa Hacienda Roxas sa Batangas kung saan 50-50 ang hatian. Kalakaran naman sa mga palayan sa Occidental Mindoro ang sistemang katulong kung saan 12- 15% lamang ang bahagi ng kasamá.

Dahil kapos na kapos, ang masang magsasaka ay napipilitang magpaupa, nagiging manggagawang bukid o pumapasok sa mga seasonal na trabaho sa bayan at lunsod. Isa ito sa mga paliwanag kung bakit mukhang dumarami ang “manggagawa” kasabay ng pagliit ng sektor ng agrikultura. Hindi ito palatandaan ng pag-iindustriyalisa ng bansa, sa halip, sintomas ito ng ibayong paglala ng krisis ng malapyudal na sistema ng ekonomya kung saan nadidisloka sa produksyon ang mga magsasaka’t manggagawang bukid bunga ng pangangamkam, rekonsentrasyon at monopolyo sa lupa ng mga MBK- PML. Kaakiba’t nito ang paglawak ng mga plantasyong pang-eksport, pagtatayo ng industrial economic zones, land-use conversion, mga proyekto at imprastraktura sa kapakinabangan ng mga dayuhan at malalaking burgesyang kumprador – panginoong maylupa.

Dagdag pa, nananatiling atrasado at hiwa-hiwalay ang produksyon sa kanayunan. Hanggang ngayon, nananatiling nakaasa sa kalikasan at gumagamit ng simpleng kagamitan sa produksyon tulad ng araro, suyod, asarol at itak. Maging ang burgis na Philippine Center for Postharvest Development and Mechanization (PhilMech) ay hindi mapapasubalian ang atrasadong kalagayan ng produksyon sa kanayunan kung saan isinaad nitong mayroon lamang 2.679 horsepower ng farm mechanization sa palay kada ektarya (hp/ha) nitong Hunyo 2023, malayo sa 7 hp/ha na antas ng mekanisasyon sa Japan at 4 hp/ha sa South Korea. Di hamak na malayong mas mababa ang mekanisasyon ng iba pang produktong agrikultural tulad ng mais, niyog, saging, mga gulay, prutas atbp. Imbes na kaunlaran, pagkawasak sa kabuhayan ng mga maralitang magsasaka at manggagawang bukid ang introduksyon ng ilang makinarya na kontrolado ng naghaharing uri sa kanayunan at mga kapitalista.

Bukod dito, dinaranas ng mga magsasaka ang pagkasira ng ani sa bawat siklo ng produksyon at sa bawat taon dahil sa mga natural at gawang taong kalamidad bunga ng nagaganap na krisis sa klima. Halimbawa nito ang El Niño ngayon kung saan nawasak na ang 64.4% ng mga palayan sa bansa pagdating pa lamang ng Marso 2024.

Krisis ng malapyudal na sistema

Dahil walang pambansang industriyalisasyon, ginawa ng imperyalismong US na nakaasa sa imported na mga kagamitan at input ang produksyon sa bansa at pagluluwas ng mga hilaw na produkto at mga produktong may mababang-dagdag na halaga. Ito ang pangunahing dahilan kaya mataas ang gastusin sa produksyon ng mga magsasaka. Nitong nakaraang dalawang taon, pinasan nila ang lampas doble na pagtaas ng presyo ng abono at mga kemikal pangsaka. Nagmahal din ang langis na kailangan ng mga makina. Ginamit itong dahilan ng mga may-ari ng makina sa Mindoro upang dagdagan ang hinihinging hunos (upa) sa harvester, mula sa dating 8-10 kaban tungong 10-12.

Ang pinasidhing liberalisasyon at deregulasyon sa agrikultura ay nagresulta naman sa labis na importasyon ng produktong agrikultural, pagbagsak ng presyo ng produktong bukid sa farmgate at pagkalugi ng lokal na agrikultura’t iba pang lokal na industriya. Sa kaso ng palay, totoong itinaas ang buying price ng NFA tungong P25-27 subalit mababa pa rin dito ang presyong iniaalok ng mga trader. Sa Laguna, nasa P17.50 kada kilo lamang ang bili ng isang agrikorporasyon sa palay ng mga magsasaka (2023), habang mataas na ang P19 kada kilo na bili sa Calintaan kumpara sa ibang bayan sa Occidental Mindoro (2022). Malaking banta naman sa mga magsasaka sa tubuhan ang pakana ng rehimeng Marcos II na importasyon ng mas malaking bolyum ng asukal. Itinulak nito ang mga lokal na prodyuser tulad ng Central Azucarera de Don Pedro, Inc. sa Batangas na huwag nang bumili ng tubo sa magsasaka at sa halip ay mag-import na lamang ng raw sugar na kanilang irerepina.

Matagal nang problema ng mga magniniyog sa Quezon ang mababang presyo ng kopra, na mula sa dating higit P30 kada kilo ay bumagsak nang hanggang P12 noong pandemya. Bahagya itong umangat tungong P20 subalit lubhang kulang pa rin para maging sapat ang kita. Hindi istable ang presyo ng kopra dahil sa monopolyo kapitalismo lalo ngayong apektado ang presyo ng ini-eksport na coconut oil sa pandaigdigang merkado buhat nang sumulpot ang mas murang palm oil dahil sa agresibong pagpapalawak ng mga plantasyon nito sa pandaigdigang saklaw sa kapinsalaan ng labis na pagkawasak ng kagubatan sa mga bayang kolonya at malakolonya gaya ng Pilipinas.

Sa ganito, gutom ang sinasapit ng masang magsasaka ngayong napakataas ng presyo ng bilihin lalo ng pagkain at apektado maging ang suplay ng abot kayang presyo ng mga batayang pagkain ng sambayanan. Hindi na rin sumasapat ang kanilang sariling tanim para sa konsumo dahil sa mga dinaranas na peste sa sakahan, baha, tagtuyot at pagkasira ng kalikasan o pagkasaid ng sustansya ng lupa. Upang tustusan ang pang-araw-araw na pangangailangan, umuutang ang magsasaka kahit mataas ang interes. Naging takbuhan na nila ang mga institusyon sa microfinance na nagpapatong ng 15% interes, 7 beses na mas mataas kaysa bangko. Dahil sobrang kapos, dalawa o higit pa ang pinapasok na microfinance ng mga magsasaka. Nakasalalay rin sa utang ang kapital na gagamitin para sa isang siklo ng pagtatanim, kaya’t imposibleng makaalpas sa utang ang magsasaka.

Ang realidad ng malubhang paghihikahos ng masang magsasaka hanggang sa kasalukuyan ang magpapasubali sa kasinungalingan ng estado at burgis na mga ekonomista na industriyalisado na ang bansa para pagtakpan ang hambalos ng mga neoliberal na patakaran sa ekonomiya, gayundin ang mga lihis na pagsusuri na napapawi na ang pyudal at malapyudal na pagsasamantala . Ang mga plano at palabas ng reaksyunaryong estado na “modernisasyon” sa agrikultura, pagbibida sa tumataas umanong “mekanisasyon” dahil sa pagdami ng imported na makinarya, paghikayat sa dayuhang korporasyon na mamuhunan sa agrikultura at maging ang mga bagong paraan ng pagdadala sa merkado ng produktong agrikultural sa pamamagitan ng internet ay pawang mga hungkag na solusyon at hindi tumuturol sa ugat ng problema—ang kawalan o kakulangan sa lupang mabubungkal ng magsasaka at ang kawalan ng tunay na pambansang industriyalisasyon. Hangga’t umiiral ang batayang kundisyong ito, hindi susulong ang lokal na produksyon, malayo sa landas ng kaunlaran ang bansa at mananatiling busabos ang buhay ng masang magsasaka.###

Nagpapatuloy at sumisidhi ang pyudal at malapyudal na pagsasamantala sa kanayunan