(Primer) Internasyunal na Tribunal ng Mamamayan: Pagpapanagot sa mga krimen sa digma laban sa mamamayang Pilipino

,
Ang artikulong ito ay may salin sa HiligaynonBisayaEnglish


DOWNLOAD
Inilabas ang tanong-sagot na ito para ipaliwanag ang mga pangunahing natuklasan, ebidensya at mga proseso ng Internasyunal na Tribunal ng Mamamayan Laban sa Mga Krimen ng Digmaan sa Pilipinas. Ang tribunal ay nagtipon noong Mayo 2024 sa Brussels, Belgium, upang tugunan ang mga seryosong paratang ng mga krimen ng digma (war crimes) at paglabag sa internasyunal na makataong batas (international humanitarian law o IHL) na naganap sa Pilipinas. Ang mga sumusunod na tanong at sagot ay naglalayong magbigay ng malinaw at maikling paglalahad ng mga konklusyon ng tribunal at ang konteksto ng hatol nito.

Ano ang Internasyunal na Tribunal ng Mamamayan (International People’s Tribunal, IPT) Laban sa mga Krimen ng Digmaan sa Pilipinas?

Ang IPT ay isang tribunal na naglalayong tugunan ang mga paratang ng krimen sa digma at paglabag sa IHL sa Pilipinas. Ito ay nagtipon noong Mayo 17-18, 2024, sa Brussels, Belgium, upang ilabas ang mga natuklasan at konklusyon nito.

Sino ang mga akusado sa tribunal na ito?

Ang mga akusado ay sina Pangulong Ferdinand Romualdez Marcos Jr., dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte, ang Gubyerno ng Republika ng Pilipinas, Pangulong Joseph R. Biden, at ang Gubyerno ng United States.

Ano ang mga paratang laban sa mga akusado?

Ang ilan sa mga paratang ay:

  • Pagpatay at masaker ng mga sibilyan.
  • Pagdukot, pagpapahirap, at iba pang malupit, di makatao, at mapangdustang pagtrato.
  • Pag-atake laban sa mga sibilyan at mga kagamitang sibilyan.
  • Pwersahang pagpapalikas ng mga sibilyan.
  • Mga kilos o banta ng karahasan na naglalayong maghasik ng takot sa sibilyang populasyon.
  • Pagharang sa makataong tulong (humanitarian aid).
  • Paggamit ng mga paraan at pamamaraan ng digmaan na walang habas, pagdudulot ng labis na pinsala o di kinakailangang pagdurusa, o pagdudulot ng malawakang pangmatagalan at matinding pinsala sa kalikasan.

Anong uri ng mga ebidensya ang iniharap sa tribunal?

Kabilang sa mga iniharap na ebidensya ang:

  • Mga oral na testimonya: Dininig ng tribunal ang testimonya mula sa 15 saksi, walo sa mga ito ay personal na testimonya habang pito ay sa pamamagitan ng pagsasalaysay sa pormang bidyo. Labing-isa sa kanila ay mga biktima o kapamilya o kasamahan ng mga biktima, habang apat ay mga eksperto o resource person.
  • Mga testimonya ng mga biktima at kanilang kapamilya: Dininig ang mga testimonya ng mga nakaligtas na biktima at kanilang mga kapamilyang naapektuhan ng karahasan na naglahad ng mga first-hand report sa mga karumal-dumal na ginawa sa kanila.
  • Mga testimonya ng mga eksperto at resource person: Kabilang dito ang testimonya ng ilang mga propesyonal na nagbigay ng konteksto at pagsusuri sa mga paglabag sa karapatang-tao at IHL sa Pilipinas, batay sa kanilang pag-aaral at pananaliksik.
  • Mga nasusulat na ebidensya: Kabilang dito ang mga affidavit, nakasulat na pahayag, mga liham at iba pang dokumento na naglalaman ng mga salaysay ng mga biktima at saksi.
  • Mga publikasyon at ulat: Iba’t ibang ulat, publikasyon at resolusyon ang isinumite sa tribunal upang suportahan ang mga paratang at magbigay ng mas malawak na konteksto ng sitwasyon sa Pilipinas.
  • Multimedia evidence: Mga litrato, audio at video recording na iniharap upang suportahan ang mga testimonya at magbigay ng visual at auditory na ebidensya ng mga paglabag.

Ano ang mga mayor na napatunayan ng tribunal?

Napatunayan ng tribunal na:

  • Ang digmaan sa pagitan ng Gubyerno ng Republika ng Pilipinas (GRP) at ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) ay isang lehitimong armadong labanan sa ilalim ng internasyunal na mga batas.
  • Ang GRP at NDFP ay parehong obligadong tumalima sa IHL at mga batas sa karapatang-tao.
  • Ang mga operasyong kontra-insurhensiya ng GRP ay kinatatangian ng paulit-ulit na pag-atake laban sa mga sibilyan, ekstra-hudisyal na pagpatay, walang habas na pambobomba, pwersahang pagpapalikas, at iba pang paglabag.
  • Ang GRP ay nagsagawa ng tahasang pagpatay, karahasan sa personal na dignidad, at walang respetong pagtrato sa mga nahuli o nasugatang mandirigma.
  • Ang mga indibidwal at organisasyon na pinaghihinalaang may kaugnayan sa NDFP ay inuusig sa pamamagitan ng mga pagdukot, enforced disappearances, arbitraryong pag-aresto, at sa ilang kaso ay pagpatay o likidasyon.
  • Ang US ay nagbibigay ng dambuhalang suporta sa GRP sa pamamagitan ng padirihe sa mga operasyon, pagsasanay at pag-aarmas sa kanila sa pagpapatupad ng sa kampanyang kontra-insurhensiya kaya’t sangkot ito sa mga paglabag.

Ano ang naging hatol ng tribunal?

Ang tribunal ay unanimous sa hatol sa mga akusado na MAYSALA SA LAHAT NG MGA PARATANG ng krimen sa digma at paglabag sa internasyunal na makataong batas na siyang nakasaad sa sakdal (indictment).

Ano ang mga susunod na hakbang matapos ang hatol?

Ang tribunal ay maglalabas ng buong desisyon na naglalaman ng mga detalyadong natuklasan at patuloy na susubaybayan ang sitwasyon sa Pilipinas. Ang mga kopya ng hatol ay ipapadala sa mga akusado at ilalathala para sa iba’t ibang internasyonal na mga institusyon at interesadong partido.

Sinu-sino ang mga hurado sa tribunal na ito?

Ang panel ng mga hurado ay kinabibilangan nina:

  • Si Lennox Hinds ang pangunahing hurado. Siya ay isang kilalang abogado at propesor ng batas na may malawak na karanasan sa pandaigdigang batas ng karapatang-tao. Si Hinds ay napabilang sa maraming tampok na kaso at may reputasyon sa pagtataguyod ng karapatang sibil. Nagsilbi siyang abugado ni Nelson Mandela sa United States at kumilos bilang abugado ng gobyerno ng South Africa, ng African National Congress ng South Africa, at ng South West Africa People’s Organisation ng Namibia. Siya ang permanenteng kinatawan sa United Nations para sa International Association of Democratic Lawyers. Noong 1998, hinirang siya ng UN bilang pangunahing abugadong kumakatawan sa mga akusado sa International Criminal Tribunal para sa Rwanda na inakusahan ng henosidyo, mga krimen laban sa sangkatauhan, at iba pang seryosong paglabag sa IHL. Siya ay isa sa ilang mga abugado sa United States na napili ng United Nations upang makasama sa panel ng mga abugado ng depensa.
  • Si Suzanne Adely ay presidente ng National Lawyers Guild (NLG) at kilalang abugado sa paggawa at karapatang-tao. Kilala siyang tagapagtaguyod ng karapatan ng mga manggagawa at para sa katarungang panlipunan.
  • Si Séverine De Laveleye ay myembro ng parlamento ng Belgium at bihasang propesyunal sa batas na may bakgrawnd sa pandaigdigang batas at karapatang-tao. Siya ay napabilang sa iba’t ibang internasyunal na tribunal at may kilalang tagapagtaguyod ng mga makataong isyu.
  • Si Julen Arzuaga ay myembro ng parlamento ng gubyerno ng Basque at abugado ng karapatang-tao at aktibista na may kasaysayan sa pagtatanggol ng mga karapatan ng mga inaaping mamamayan. Siya ay may mayamang bakgrawnd sa adbokasiyang ligal at dokumentasyon ng karapatang-tao.
  • Si Joris Vercammen ay isang dating pari at propesor sa Old Catholic Seminary ng University of Utrecht. Sa kanyang pakikipag-ugnayan sa Iglesia Filipina Independiente, sinuportahan ni Vercammen ang usapang pangkapayapaan sa pagitan ng GRP at NDFP ng higit dalawang dekada. Aktibo siya sa mga usapin ng pagtataguyod sa karapatang-tao.

_____
Inihanda ng:
Kawanihan sa Impormasyon
Partido Komunista ng Pilipinas

Hunyo 2024

(Primer) Internasyunal na Tribunal ng Mamamayan: Pagpapanagot sa mga krimen sa digma laban sa mamamayang Pilipino