(Primer) Ilantad ang brutal na Operation Kagaar laban sa mamamayang Indian

,
Ang artikulong ito ay may salin sa EnglishBisayaHiligaynon


DOWNLOAD
Idineklara kamakailan ng Komite Sentral ng Partido Komunista ng Pilipinas ang Buwan ng Pakikiisa (Hunyo 20-Hulyo 20) sa pakikibaka ng mamamayang Indian, laluna ng masang Adivasi laban sa Operation Kagaar. Kaugnay nito, inilalabas ng Kawanihan sa Impormasyon ang praymer na ito para ipagbigay-alam sa lahat ng kasapi ng Partido, rebolusyonaryong pwersa at mamamayang Pilipino, ang pasistang kahayupan ng teroristang rehimeng Modi sa India.

Ang deklarasyon ng Komite Sentral ay tugon sa panawagan ng Communist Party of India (Maoist) at internasyunal na grupong sumusuporta dito na International Committee to Support the People’s War in India (ICSPWI) para sa isang kampanya ng pagtutol sa Operation Kagaar at pagsuporta sa paglaban ng mamamayang Adivasi, at ang pagtataguyod sa digmang bayan sa India bilang pangunahing porma ng pagbigo sa kampanya ng panunupil.

I. Ano ang Operation Kagaar?

Ang Operation Kagaar ay isang operasyong militar na ipinatutupad ng reaksyunaryong sentral at pang-estado na gubyerno ng India. Sinimulan itong ipatupad noong Enero sa bahagi ng Central India laban sa armadong pakikibaka na pinamumunuan ng Communist Party of India (Maoist). Bahagi ito ng mas masaklaw pang operasyong kontra-insurhensya na Operation SAMADHAN-Prahar na sinimulan noong 2017.

Sa direktang salin, nangangahulugan ang salitang kagaar ng “katapusan.” Ayon sa estado ng India, layunin nito na tuluyan nang wakasan ang armadonag rebolusyonaryong kilusan ng mamamayang Indian.

Sa partikuar, nakatuon ang operasyon sa Abujhmaad (Maad), isang mabundok at magubat na rehiyon sa timog ng estado ng Chhattisgarh, na sinsabing “kuta ng mga Maoista.” Ang Maad ay bahagi ng mas malaki pang kagubatan na Dandakaranya na nasa saklaw ng mga estado ng Chhattisgarh, Odisha, Telangana, at Andhra Pradesh sa Central India. Mayorya sa mga nakatira sa rehiyong ito ay mga Adivasi o mga katutubo ng India.

Sa unang bugso ng Operation Kagaar noong Enero, pinakilos ng gubyerno ng India ang 10,000 pwersang paramilitar. Ang 3,000 dito ay mula pa sa ibang estado ng India para ibuhos sa Maad. Ipinakat sila sa anim na kampong paramilitar sa lugar. Sa gayon, mayroong tatlong paramilitar sa kada pitong lokal na residente.

Sa ilalim ng operasyon, hindi bababa sa 130 sibilyan at mga rebolusyonaryo na ang pinaslang ng estado ng India mule Enero hanggang Mayo ngayong taon. Lantarang nilalabag nito ang internasyunal na makataong batas, mga alituntunin sa digma at natatanging mga proteksyon para sa bulnerableng mga sektor sa lugar ng armadong sigalot.

II. Ang mga Adivasi at kanilang paglaban

Sa tabing ng pagsugpo sa mga Maoista, tinatarget ng Operation Kagaar ang lahat ng partido, organisasyon at indibidwal na nagsasalita at tumitindig laban sa estado. Pangunahing biktima nito ang mamamayang Adivasi na deka-dekada nang nakikibaka para ipagtanggol ang kalikasan, lupang ninuno at kabuhayan.

Higit 8% ng kabuuang populasyon ng India (104.2 milyon o halos kasinlaki ng populasyon ng Pilipinas) ay mga Adivasi. Sila ay mga pambansang minorya na binubuo ng higit 600 mga katutubong tribu na karamihan ay nasa Central India. Ang mga Adivasi ay nakatira sa mga kagubatan (na sangkapat ng buong teritoryo ng India) kung saan mahigpit na nakatali ang kanilang pamumuhay.

Ang lupang ninuno ng mga Adivasi ay mayaman sa iron, copper, ginto, zinc, lead, manganese, chromite at bauxite. Malaking bahagi ng kanilang mga kagubatan ay pinagkukunan ng troso, at iba pang mga produktong kahoy. Ginagamit din itong mga pastuhan at taniman ng malalaking plantasyon.

Dati pa man, ipinatutupad na ng reaksyunaryong estado ng India ang henosidyo laban sa mga Adivasi. Naitala ang hindi na mabilang ng mga kaso ng pagpapalayas sa kanila, pang-aagaw sa kanilang lupa at pagpasok dito ng mga malalaking korporasyon. Ibayong tumindi ang mga ito sa ilalim ng pasismong Brahmanic Hindutva (pasismo laban sa mga minoryang relihiyon at mababang grupong panlipunan) ng rehimen ni Narendra Modi.

Ang Operation Kagaar sa Central India ay katambal sa korporatisasyon at pagpasok ng malalaking mga kumpanya sa mayamang kagubatan ng India. Sinusupil nito ang pakikibaka ng mamamayan para bigyang laya ang pandarambong ng mga dayuhang malalaking korporasyon sa likas na yaman ng bansa.

III. Mga kaso ng paglabag sa karapatang-tao

Sa nagdaang limang buwan, naitala ng demokratikong mga organisasyon ang 130 biktima ng ekstra-hudisyal na pagpaslang o halos pito kada linggo. Marami sa mga kaso ng pagpaslang ay pinalalabas na “engkwentro” laban sa People’s Liberation Guerrilla Army (PLGA) ng CPI (Maoist).

Patung-patong din ang mga kaso ng pag-aresto, panggagahasa sa mga kababaihan, sapilitang pagpapasuko bilang mga Maoista, walang-patumanggang pamamaril, pambobomba at iba pang mga paglabag sa karapatang-tao ang naitala sa ngalan ng Operation Kagaar. Nasa ibaba ang ilan sa mga tampok na kaso:

  • Enero 1: Pagkapaslang sa isang 6-buwang sanggol sa pagpapaulan ng bala ng mga pwersa ng estado ng India sa Bijapur, Chhattisgarh
  • Enero 16: Pagdukot at pagpaslang sa tatlong Adivasi sa Nendra, Bijapur, Chhattisgarh
  • Enero 30: Pagbaril at pagpatay sa isang Adivasi sa Bodga, Bastar, Chhattisgarh
  • March 27: Pagdakip at sadyang pagpaslang sa anim na Adivasi sa kagubatan ng Chipurbhatti, Bijapur, Chhattisgarh
  • Abril 2: Panggagahasa at pagpaslang sa isang binging babaeng Adivasi sa Nendra, Bijapur, Chhattisgarh
  • Abril 7: Aerial bombing gamit ang mga drone sa Bastar, Chhattisgarh
  • Abril 7: Pambobomba ng mga pwersang militar sa mga komunidad sa hangganan ng distrito ng Bijapur at Sukma sa Chhattisgarh
  • Abril 16: Pag-aresto at pagpatay sa 17 hindi armadong at sugatang mga rebolusyonaryo sa Aapatola-Kalpar, distrito ng Kanker, Chhattisgarh
  • Abril 30: Pagdakip at sadyang pagpatay sa 66-taong gulang na lider-rebolusyonaryo ng CPI (Maoist) at pagpatay sa apat na Adivasi sa Kakur-Tekametta sa hangganan ng estado ng Chhattisgarh at Maharashtra
  • Mayo 11: Pagmasaker sa 12 Adivasi na namimitas ng dahon ng tendu (ginagamit na pambalot sa sigarilyo) sa Bijabur, Chhattiisgarh
  • Mayo 12: Pagkamatay ng dalawang bata at pagkasugat ng marami pang iba sa pagsabog ng isang nasaging bala ng mortar na iniwan ng mga paramilitar sa Odspara, Bijapur, Chhattisgarh
  • Mayo 13: Pagpatay sa isang pekeng engkwentro sa tatlong mandirigma ng PLGA sa Kathrangatta, distrito ng Gadchilori, Maharashtra
  • Mayo 14: Pagkulong sa 30 mga aktibista, mga balo ng biktima, at pamilya na kukuha sana sa mga bangkay ng minasaker noong Mayo 11 sa Bijapur, Chhattisgarh. Pinalabas silang mga “sumurender na mga Maoista” para kubrahin ang pabuyang pera.
  • Mayo 24: Pag-aresto at pagpaslang sa pamamaril sa walong magsasakang Adivasi sa Rekavaya sa hangganan ng distrito ng Bijapur at Narayanpur sa Chhattisgarh. Isang magsasaka pa ang nasugatan dito.

IV. Paglaban ng mamamayan

Sa harap ng pasistang pag-atake at panunupil ng estado ng India, tuluy-tuloy at magiting na lumalaban ang mga Adivasi, mga tagapagtanggol sa karapatang-tao at demokratikong organisasyon. Pinalalakas nila ang mga kampanya para itaboy ang mga kampo-militar sa kanilang komunidad sa pamamagitan ng mga barikada at protestang masa.

Naglulunsad ng mga fact-finding mission ang mga organisasyon mula sa ibang estado at sentro ng India sa mga komunidad na inaatake ng militar para isiwalat ang mga krimen ng estado ng India. Nagpuprotesta ang mga estudyante at guro sa kabisera ng India sa Delhi para ipabatid sa mas nakararaming kabataan at mamamayan ang mga paglabag sa karapatang-tao.

Kasabay ng mga ito, nagsisikap ang PLGA at CPI (Maoist) para bigwasan at patamaan ang mga pasistang tropa at armadong pwersa ng estado ng India. Kabilang dito ang pagkapaslang sa hindi bababa sa 35 elemento ng Central Armed Police Force (CAPF) at espesyal na yunit na COBRA (Combat Battalion for Resolute Action) sa reyd ng PLGA sa kampo sa Darmavaram, Pamed, Bijapur, Chhattisgar noong Enero 16. Liban dito, 40 pang pulis ang malubhang nasugatan sa pananalakay.

Inatake rin ng mga rebolusyonaryo noong Pebrero 1 ang konstruksyon ng isang tulay sa Maad, sa bandang distrito ng Narayanpur, Chhattisgarh. Pinaralisa ng mga gerilya ang isang traktora, isang tanker at concrete mixer. Ang pagtatayo ng tulay, tulad ng iba pang “proyektong pangkaunlaran” sa Maad, ay pagbibigay-daan sa pagpasok ng malalaking korporasyon na dadambong sa likas na yaman ng lugar.

Ang PLGA at CPI (Maoist) ay mahigpit na katuwang ng mga Adivasi sa Central India sa kanilang buhay at kamatayang pakikibaka para sa kalikasan, kanilang lupa at kabuhayan.

V. Ilang tala sa kasaysayan ng kampanya kontra-insurhensya sa India*

2005: Pagpapatupad ng Salwa Judum

Binuo ng estado ng India ang mga milisyang Salwa Judum (kampanyang paglilinis) sa lokal na mga Adivasi sa Bastar, Chhattisgarh sa ngalan ng paglaban sa mga Maoista. Naghasik ito ng terorismo sa mga komunidad kabilang ang maraming kaso ng panggagahasa, panununog sa mga bahay, at pagpatay.

2009: Pagsisimula ng Operation Green Hunt

Nagpatupad ito ng bagong yugto ng kampanyang kontra-insurhensya kung saan gumamit ang estado ng India ng mga pagsasanay at taktika ng imperyalistang US. Ipinatupad nito ang estratehiya ng “pagpukaw sa puso at isip” ng mga Indian, na sa aktawal ay pinatinding panunupil. Nilayon nitong durugin ang mga kilusang tumututol at nakikibaka laban sa pandarambong sa likas na yaman ng India. Pinahintulutan nito ang pagpasok ng malalaking mga dayuhan at lokal na korporasyon sa mayayamang mga rehiyon ng bansa.

2011: Pagbabawal sa Salwa Judum

Ipinagbawal ng Korte Suprema ng India ang pag-iral ng mga suportado ng estado na mga milisyang vigilante na Salwa Judum at kinilala ang mga pagsusunog sa mga komunidad, panggagahasa at mga concentration camp para sa henosidyo nito. Napatunayan nito ang patung-patong na mga paglabag sa karapatan ng mga Adivasi at masang magsasaka.

2014: Kabiguan ng Operation Green Hunt

Lubusang nailantad ang brutalidad at patung-patong na paglabag sa karapatang-tao ng Operation Green Hunt. Malakas ang naging kampanya ng mga demokratikong organisasyon ang pagtutol dito.

2015: Bagong eksperimento sa kabundukang Surjagarh

Nagpatupad ng bagong serye ng korporatisasyon at militarisasyon ang estado ng India sa kabundukan ng Surjagarh sa Gadchiroli, Maharashtra. Tinarget nito ang mga kilusang anti-mina at pakikibaka ng mamamayan laban sa imperyalistang pandarambong.

2017: Operation SAMADHAN-Prahar

Ipinatupad ang bagong kampanyang kontra-insurhensya na Operation SAMADHAN-Prahar. Pagpapasaklaw ito ng eksperimentong Surjagarh sa mga rehiyon ng India na may hitik na likas na yaman.

2018: Pag-aresto sa Bhima Koregaon-16

Maramihang pag-aresto sa 16 na mga aktibista, propesyunal, at mga tagapagtanggol ng karapatang-tao at minoryang mamamayan kaugnay ng kasong Bhima-Koregon. Idinadawit sila sa naganap na “kaguluhan” sa isang pagtitipon noong Disyembre 2017 sa Bhima Koregaon, distrito ng Pune district sa Maharashtra. Ginamit sa kanila ang Unlawful Activities (Prevention) Act na inamyendahan at mas pinabagsik noong 2019. Simula ito ng sunud-sunod na mga pag-atake laban sa sinumang naninindigan at nagsasalita laban sa estado.

2021: Unang naitalang kaso ng aerial bombing

Naitala sa unang pagkakataon sa India ang paggamit ng estado ng mga gawang-Israel na mga drone para maghulog ng mga bomba sa mga komunidad ng Adivasi. Maraming mga kaso ng aerial bombing ang naitala kasunod nito.

2022: Pagbubuo ng Surajkund Scheme

Nabuo ang Surajkund Scheme sa pagpupulong ng namumunong mga burukrata ng India noong Oktubre 2022 sa Surajkund, estado ng Haryana. Ito ay resulta ng pagsusuma ng reaksyunaryong estado ng India sa 5-taong pagpapatupad sa Operation SAMADHAN-Prahar. Pinasaklaw nito ang pagpapatupad ng Operation SAMADHAN-Prahar at ginawang upisyal ang paggamit ng aerial bombing laban sa mga komunidad ng Adivasi, pangunahin sa Bastar.

Ginawa nitong target, hindi lamang ang mga “komunista” kundi ang mga binasagan nitong “terorista” at “organisadong krimen.” Ginagamit ito ng rehimeng Brahmanic Hindutva para atakehin ang mga Maoista, oposisyon, mga Muslim at katunggali sa pulitika.

2024: Pagpapatupad ng Operation Kagaar

Sinimulang ipatupad ang Operation Kagaar sa Abujhmaad sa sentral na India

*Mula sa ulat ng Forum Against Corporatization and Militarization (FACAM)

______
Inihanda ng:
Kawanihan sa Impormasyon
Partido Komunista ng Pilipinas

Hunyo 2024

(Primer) Ilantad ang brutal na Operation Kagaar laban sa mamamayang Indian