Ang Bayan Espesyal na Ulat (Hulyo 2022-Hulyo 2025) Mga krimen sa digma ni Marcos at ng AFP
Pambungad
Itinakda ang Agosto bilang buwan ng paggunita ng internasyunal na makataong batas (IHL o international humanitarian law), ang bungkos ng mga alituntunin na gumagabay sa mga gera para tiyakin ang mga karapatan ng mga sangkot at di sangkot sa armadong tunggalian. Binuo ito pangunahin para pangalagaan ang kagalingan ng mga sibilyan sa gitna ng mga armadong sigalot.
Mayor sa mga prinsipyo nito ang pag-iiba sa mga kombatant sa hindi kombatant, paglalapat ng angkop na pwersa alinsunod sa proportionality, pagtatakda kung sino at ano lamang ang lehitimong target, proteksyon laban sa pagpaslang, pagkasugat at pinsala sa mga di sangkot sa labanan, pagtitiyak ng minimal na pinsala sa mga sibilyan at kanilang mga komunidad at iba pa.
Nilalapastangan ang mga alituntuning ito ng armadong mga pwersa ng Gubyerno ng Pilipinas (GRP) sa pakikidigma nito sa Bagong Hukbong Bayan. Sa nakaraang 10 taon lamang, sa ilalim ng dating rehimeng Duterte at ng ngayo’y rehimeng Marcos, puu-puong rebolusyonaryong walang kakayahang lumaban ang sadyang pinaslang mga pwersa ng Armed Forces of the Philippines (AFP). Marami ang dinadakip, tinortyur at sinasampahan ng mga kasong kriminal. May mga kababaihang mandirigma na dinakip at ginawang hostage, ang iba’y kasama pati ang anak na sanggol, para pwersahing sumuko ang kani-kanilang mga asawang mandirigma. Mahaba rin ang listahan ng pagpaslang sa mga sibilyan na pinalalabas na mga kombatant, mga kaso ng pambobomba at panliligalig sa mga sibilyang komunidad, pwersahang pagpapasurender at pagkakasangkapan sa mga operasyong kombat bilang mga giya o utusan, at iba pa.
Walang pinag-iba ang kasalukuyang presidente ng GRP na si Ferdinand Marcos Jr sa sinundan niyang si Rodrigo Duterte sa lupit at dami ng mga krimen sa digma at iba pang paglabag sa internasyunal na makataong batas. Mula sa madugong Development Support and Security Plan (DSSP) Kapayapaan ng rehimeng Duterte, binuo ni Marcos ang PLEDS (Peace, Law Enforcement, Development Support) “Pagkakaisa” para ipagpatuloy ang brutal na kampanya ng gradual constriction na pinalamutian ng mga deklarasyong ng “istabilidad” at “lokal na kapayapaan.” Katulad ng DSSP Kapayapaan, walang humpay sa PLEDS “Pagkakaisa” ang paglulunsad ng malalawak na operasyong kombat sa mga komunidad na pinaghihinalaang may nakatayong “rebolusyonaryong imprastruktura.” Wala pa ring humpay ang pagmilitarisa ng AFP sa mga komunidad, niyurakan ang mga karapatan at kalayaan ng mga sibilyan at pagsakal sa kanilang kabuhayan, lahat sa ngalan ng “pagpigil sa pagbabalik” ng hukbong bayan.
Inilalabas ng Ang Bayan (AB) ang espesyal na ulat na ito bilang bahagi ng pagsisikap na panagutin si Ferdinand Marcos Jr at mga upisyal niya sa depensa at Armed Forces of the Philippines, Philippine National Police at paramilitar sa kanilang mga krimen sa digma at ibang seryosong paglabag ng internasyunal na makataong batas. Nakatuon ito pangunahin sa mga paglabag sa mga alituntunin kaugnay sa direkta at di direktang sangkot sa armadong tunggalian. Saklaw ng ulat na ito ang mga armado at di armadong mga kasapi ng Partido Komunista ng Pilipinas, National Democratic Front of the Philippines at myembro ng Bagong Hukbong Bayan. Sangkot sa mga krimen na ito pangunahin ang mga tropa ng 94th IB, 62nd IB, 402nd Ibde, 15th IB, 59th IB, 8th ID, 4th ID, 31st IB, at iba pa.
Ang mas malawak na pagtutuos ng mga krimen ng rehimeng Marcos ay nakapaloob sa semestral na mga espesyal na ulat ng AB na matatagpuan sa website ng PRWC: https://philippinerevolution.nu/. Makikita rin dito ang espesyal na ulat kaugnay sa mga krimen sa digma sa ilalim ng rehimeng Duterte.
Sadyang pagpaslang sa mga nadakip at walang kakayahang lumaban
Sa tala ng AB, 78 mga kasapi ng Partido at myembro ng hukbong bayan ang sadyang pinaslang ng mga pwersa ng AFP mula Hulyo 2022 hanggang Hulyo 2025. Taliwas sa pinalalabas ng militar at inuulit ng mga ahensya ng estado na namatay sila sa mga engkwentro, halos lahat sa kanila ay dinakip at nasa ilalim na ng kustodiya ng militar nang paslangin. Ang iba, madalas na sugatan, ay nasukol at nadakip nang buhay pero tinuluyan pa ring pinatay.
Dokumentado at marami ang makapagsasalaysay sa mga sirkunstansya ng mga pagpaslang, gayundin ang mga saksi na walang naganap na mga engkwentro sa mga lugar na kunwa’y pinangyarihan. Bakas rin sa mga bangkay ng mga pinaslang ang mga marka ng tortyur. Ilan sa kanila ay nagawan ng ulat ng awtopsiya, kung saan klaro na labis-labis silang pinahirapan bago sila patayin.
Isang taon na noong Agosto 5 mula nang minasaker ng mga sundalo sa ilalim ng 3rd ID ang 10 Pulang mandirigma sa hangganan ng Antique, Aklan at Iloilo. Ayon sa mga mandirigmang nakaligtas, taliwas sa upisyal na ulat ng AFP, walang naganap na serye ng mga engkwentro kung saan nagapi ang 11 tulad ng ipinagmayabang ng militar. Malaking kasinungalingan ang sinabi ng 3rd ID at 301st Bde na may naganap na serye ng engkwentro noong Agosto 5, Agosto 7, Agosto 8, Agosto 15 at Agosto 24 noong 2024. Sa halip, ang unang engkwento ang tanging naganap (Agosto 5), kung saan namartir si Ka Amor (Benjamin Cortel). Sa pagkakataong ito, nadakip ang siyam pa, tinurtyor at dinala sa iba’t ibang lokasyon para doon patayin. Kolektibong kinilala bilang mga Martir ng Agosto ng Panay sina Vicente Hinojales (Ka Emil/Hadji), kalihim ng panrehiyong komite ng Partido sa isla at Ma. Conception Araneta-Bocala (Ka Concha), tagapagsalita ng Partido sa Panay at konsultant ng NDFP sa usapang pangkapayapaan, kasama sina Rewilmar Torrato (Ka Mara/Minerva), Aurelio Bosque (Ka Rio/Zarco), Juvelene Silverio (Ka Porang/Akay), Romulo Gangoso (Ka Reagan/Pedik), Jerry Tacaisan (Ka Miller), Armando Sabares (Ka Nene/Kulot) at Jielmor Gauranoc (Ka Tango/Doc). Nakaligtas si John Paul Capio (Ka Roling/Ronron), pero nadakip din siya habang bumibyahe at sadyang pinaslang.
Hanggang ngayon, hindi pa rin nababawi ng pamilya nina Benito Tiamzon (Ka Laan) at Wilma Tiamzon (Ka Bagong-tao) ang kanilang mga labi, matapos silang patayin, kasama ng iba pang kinikilalang mga Martir ng Catbalogan. Dinakip ang dalawa, kasama sina Ka Yen, Ka Jaja, Ka Matt, Ka Ash, Ka Delfin, Ka Lupe at Ka Butig noong Agosto 22, 2022 habang bumibyahe mula Northern Samar tungong Catbalogan City. Pinahirapan sila at pinatay. Isinakay ang kanilang mga bangkay sa isang bangka, pinalaot nang ilang kilometro mula sa baybay at doon pinasabog. Lasog-lasog at di na makilala ang mga bangkay na kinakailangan ang mahabang proseso ng DNA testing para tukuyin ang pagkakakilanlan ng mga labi. Pinalabas ng mga berdugo na nagkaroon ng “habulan” at nakipagputukan ang mga grupo, taliwas sa salaysay ng mga residente sa baybay na isang pagsabog lamang ang kanilang narinig. Isinagawa ang masaker at palabas na putukan ng Task Force Storm ng 8th ID at ng Joint Special Operations Task Force-Trident, isang yunit na sinanay at dinireksyunan ng US.
Gayundin, bakas sa alaala ng mga kaibigan at pamilya ng abugadang si Hannah Cesista (Ka Maya), isa sa limang mandirigmang nadakip at pinatay ng mga pwersa ng 47th IB at pulis sa Bilar, Bohol noong umaga ng Pebrero 23, 2024, ang kalupitan ng militar sa kanya. Pinaslang kasama niya sina Domingo Compoc (Ka Laser), Parlito Historia (Ka Aldrin), Marlon Omosura (Ka Darwin) at Alberto Sancho (Ka Juaning) na kolektibong kinilala bilang Bilar 5. Sa salaysay ng mga saksi, pinagapang sa putik si Cesista para pagmukhaing lumaban bago siya binaril. Samantala, nakunan ng isang residente ng litrato si Compoc na buhay at hawak ng isang sundalo, bago siya ibinalitang napatay sa gawa-gawang engkwentro.
Ganito rin ang nangyari kay Kaliska Dominica Peralta (Ka Rekka) na nadakip, inihiwalay sa kanyang mga kasama, at sadyang pinatay ng mga elemento ng 48th IB sa Quezon, Bukidnon noong Abril 10, 2024. Sa Bukidnon din dinakip sina Vincent Madlos (Ka Yuno) at asawa niyang si Glorivic Campos Belandres (Ka Layka) noong Setyembre 1, 2022 na nag-aabang ng kanilang sundo sa Atugan Bridge sa Impasug-ong, subalit nasabat ng mga sundalo ng AFP. Pinalabas silang napaslang sa isang engkwentro sa Capitan Bayong sa parehong bayan ilang oras matapos sila dinakip.
Si Rogelio Posadas (Ka Cocoy), kalihim ng panrehiyong komite ng Partido sa isla ng Negros, ay dinakip habang sakay ng motor na bumibyahe sa Aranda-La Castellana Road mula sa Isabela, Negros Occidental noong Abril 20, 2023, kasama ang tatlo pa. Pinalabas na napaslang siya sa isang engkwentro sa Barangay Santol, Binalbagan sa sumunod na araw. Nagpalabas pa ang mga sundalo ng tatlong pekeng engkwentro sa kalapit na mga komunidad para lokohin ang mga residente. Ganito rin ang ginawang palabas ng militar sa pagpaslang kina Nonoy Ponteras (Ka Jojo) at Marisa Pobresa (Ka Kim), mga personel ng NDF-Negros, na dinakip sa Bacolod City noong Marso 7, 2025. Pinalabas na napatay sila sa isang engkwentro sa Caduhaan, Cadiz City sa sumunod na araw.
Samantala, walang kaabog-abog na pinaslang ang tagapagsalita ng BHB-Negros Island na si Romeo Nanta (Ka Juanito Magbanua) noong Oktubre 10, 2022 matapos siyang dakpin sa Carabalan, Himamaylan City. Isa pang personalidad, ang makatang si Ericson Acosta (Ka Fredo), ang pinatay ng mga sundalo sa tinutuluyan niyang bahay ng magsasaka sa Camansi, Kabankalan City noong Nobyembre 30, 2022. Pinatay rin ng mga berdugo ang kasama niyang lider-magsasaka na si Joseph Jimenez. Lahat sila ay pinalabas ng AFP na napatay sa engkwentro.
Apat na maysakit na Pulang mandirigma ang walang kaabog-abog na pinaslang ng mga mga elemento ng 94th IB sa Barangay Santol, Binalbagan noong Hulyo 6, 2022. Wala sa katayuang lumaban sina Roel Ladera (Ka Jack), Nikka Dela Cruz (Ka Chai), Alden Rodriguez (Ka Rocky) at Roel Deguit (Ka Caloy) nang ratratin ng mga sundalo ang tinutuluyan nilang dampa. Sugatan naman sina Mario Baldusa (Ka Jekoy) at Janhel Sarsa (Ka Jorge) nang patayin sila ng 62nd IB sa Quintin Remo, Moises Padilla noong Nobyembre 28, 2022.
Bumibyahe naman ang limang mandirigma ng BHB nang harangin ang sinasakyan nilang traysikel at paputukan ito ng mga elemento ng 47th IB sa Barangay Tabugon, Kabankalan City noong Setyembre 21, 2023. Agad na namatay sa makapal na bolyum ng pamutok ang mga Pulang medik na sina Bobby Pedro (Ka Rekoy), Mario Mullon (Ka Goring) at Janice Flores (Ka Joyce), kasama ang mag-asawang sina Alejo delos Reyes (Ka Bravo) at Melissa dela Peña (Ka Diane) na noo’y anim na buwang buntis. Napatay din ang drayber ng traysikel na si Robin Gaitan. Lahat sila ay hindi armado at hindi umaksyong lalaban.
Ganito rin ang nangyari sa kaso nina Ariel Arbitrario (Ka Karl), Danielle Marie Pelagio (Ka Seed) at Erin Sagsagat (Ka Jorly) na pinatay ng mga sundalo ng 502nd IBde sa Peñablanca, Cagayan noong madaling araw ng Setyembre 11, 2024. Dinakip at pinatay sila matapos pahirapan. Dalawang araw pa ang lumipas bago inilitaw ng militar ang bangkay ni Arbitrario, isa sa mga konsultant ng NDFP sa usapang pangpakapayapaan at noo’y tumatayong kalihim ng panrehiyong komite ng Partido sa Cagayan Valley.
Sa Southern Tagalog, pinaslang ng mga elemento ng 59th IB at MIG-4 si Isagani Isita (Ka Ringo) noong Hulyo 30, 2023 sa Sariaya, Quezon at sinabing “nanlaban” habang hinahainan ng mandamyento de aresto. Dinakip at pinaslang sina Jethro Isaac Ferrer (Ka Pascual) at Peter Rivera (Ka Rochie) noong Nobyembre 13, 2023 habang naggagawaing masa sa Gloria, Oriental Mindoro. Sa Rizal, nadakip at pinatay ng mga sundalo ng 80th IB ang nagpapagaling na si Wally Collandes Agudes (Ka KM) nong Hulyo 18, 2024 sa tinutuluyan niyang bahay sa bayan ng Rodriguez.
Hindi lamang tinortyur kundi pinilit pang maggiya sa operasyong kombat si Rafael Zambrano (Ka Dodong), bago tuluyang patayin ng mga sundalo ng 37th IB noong Oktubre 8, 2023. Pinatay siya sa Kalamansig, Sultan Kudarat. Sa Sultan Kudarat din pinatay sina Indot Dulunan (Ka Dennis), Sep Kasa (Ka Ho), Allan Dalimbang (Ka Duran), Annabel Talon (Ka Elena), at isang kinilalang Ka Pogi, kasama ang sibilyang si Gerry Kasa, noong Nobyembre 22, 2023 sa Barangay Chua sa bayan ng Bagumbayan. Ayon sa mga saksi, sumuko ang lima matapos mapaligiran. Pinagbababaril sila nang malapitan.
Sa Leyte, pinatay sina Juanito Selleca Jr (Ka Tibor), Sadam Paclita (Ka Dimple) at Lino Delante (Ka Dodong) habang nagpapagaling sa Cogon, Carigara noong Hunyo 17, 2025.
Mga retiradong kadre at maysakit sina Rodrigo Mejica Lorezo (Ka Akag) at Delia Rosco Rotalano (Ka Mema) nang patayin sa San Jose de Buan sa North Samar noong Agosto 7, 2022.
Sa Kabankalan City, pinatay ng 94th IB si Arjen Mahinay (Ka Nonong), isang pasyenteng nagpapagaling mula sa stroke, at ang kasama niyang medik na si Junjun Callet (Ka Ruben) sa Barangay Oringao noong Pebrero 4, 2022. Nakaratay na si Anthony Curson (Ka Miguel) dulot ng sakit sa kidney nang patayin siya ng 62nd IB sa Budlasan, Canlaon City noong Abril 28, 2023.
Nasugatan sa labanan si Alvin Bayno (Ka Dagger), na imbes na lapatan ng paunang lunas, ay pinatay sa Banog-banog, Isabela, Negros Occidental noong Mayo 20, 2023. Sugatan rin sa labanan si Marvic Ebayle (Ka Bryan) na tinuluyang patayin ng mga tauhang militar sa Montilla, Moises Padilla noong Hunyo 20, 2023. Isang kilometro mula sa pinangyarihan ng engkwentro sa pagitan ng BHB-Negros at 62nd IB, nadakip ang sugatan na si Tony Pahayahay (Ka Pidol) sa Humay-humay, Guihulngan City. Agad siyang pinatay ng mga sundalo.
Sugatan din sa labanan si Alvin Lumagsao Sinsano (Ka Zian) nang paslangin siya ng mga elemento ng 15th IB sa Barangay Camindangan, Sipalay City noong Agosto 1, 2024. Bago nito, noong Hulyo 29, 2024, dinampot ng 15th IB ang noo’y di armadong si Reggie Fundador (Ka Tata) sa parehong barangay. Kinabukasan, nakita na lamang ang kanyang bangkay sa daanan sa Crossing Magtanday sa barangay. Kita sa kanyang bangkay ang mga bakas ng tortyur.
Buhay pa si Rodbey Lumanog (Ka Wanny) nang madakip sa Barangay Camindangan, Sipalay City noong Enero 10, 2025 pagkatapos magkaengkwentro ang kanyang yunit at mga sundalo sa barangay na iyon. Tinortyur siya bago pinatay. Noong Oktubre 31, 2024, nadakip ding buhay si Alvin Panoy (Ka Belmar) sa isang engkwentro sa pagitan ng yunit nito at ng 12th IB sa Libacao, Aklan. Hindi pa nakalalayo ang kanyang mga ka-yunit at narinig pa ang kanyang sigaw bago siya pinaulanan ng bala habang animo’y nagdiriwang ang mga sundalo at sumisigaw ng “Happy new year!”
Nadakip habang naggagawaing masa at pinatay sa Leon, Iloilo sina Jenny Fariolan (Ka Hope) at John Eric Talibo (Ka Blue) ng 61st IB at 301st IBde noong Hulyo 19, 2024. Gayundin, nadakip habang nag-iigib ng tubig si Henry Casido (Ka Nico) nang patayin siya ng 94th IB sa Barangay Oringao, Kabankalan City noong Pebrero 4, 2023.
Dinukot sa isang ospital sa Misamis Oriental ang retiradong mga kadre na sina Rudy Garay (Ka Dano) at Rosalie Caindoy (Ka Zig). Pinatay sila at inilitaw ang kanilang mga bangkay sa San Juan, Bayugan City noong Marso 26, 2023. Gayundin ang kaso ng retiradong kadre na si Emanuel Llanos Anob, na dinukot sa tabing haywey ng Butuan City, pinatay at pinalabas na napaslang sa isang engkwentro sa hangganan ng Barangay Umalag at Castillo sa San Miguel, Surigao del Sur. Inilitaw ng mga sundalo ang kanyang bangkay sa isang punerarya sa Bayugan City.
Noong Abril 4, 2023, pinaulalan ng bala ang kadre ng komite ng Partido sa isla ng Bohol na si Manuel Tinio (Ka Dodie) habang bumibyahe sa hangganan ng San Miguel at Ubay sa Bohol. Nagtamo siya ng pitong tama ng bala sa katawan na agad niyang ikinamatay.
Pagdukot at sapilitang pagkawala
Kasabay ng mga pagpatay ang mga pagdukot at sapilitang pagkawala ng mga rebolusyonaryo, pati ang mga sibilyang kasama nila habang bumibyahe, nagpapagamot o namamahinga.
Hanggang ngayon, di pa inililitaw ng mga sundalo sina Lynn Grace Marturillas, Renel Delos Santos at Denald Mialen, na kasama sa pagbyahe ni Rogelio Posadas nang siya ay dukutin sa kahaban ng daan patungong La Castellana sa Negros. Isang organisador ng magsasaka si Marturillas, habang drayber ng inarkila nilang motorsiklo sina Delos Santos at Mialen.
Hindi pa rin natagpuan si Ariel Badiang (Ka Paolo), isang kadre ng komite ng Partido sa Southern Mindanao, na dinukot ng mga sundalo sa Manolo Fortich, Bukidnon noong Pebrero 2, 2023.
Sa Mindoro Occidental, nabihag at di na inilitaw ang hors de combat na si Sonny Rogelio (Ka Ed) at ang kasama niyang si Sonny Sambutan (Ka Omeng). Napahiwalay ang dalawa nang makasagupa ng kanilang yunit ang mga sundalo ng 10th Special Action Battalion at 76th IB noong Oktubre 17, 2023 sa bayan ng Bongabong.
Seryosong paglabag sa mga proteksyon sa mga buntis, bagong ina at kanilang mga sanggol
Tatlong kaso ng pwersahang pagdukot ng kababaihang buntis na naka-medikal leave, dalawang bagong ina at ang kanilang mga sanggol ang naisadokumento at naibalita ng AB. Malalang paglabag ng AFP hindi lamang ang iligal na sikretong detensyon ng mga buntis, kundi pati ang pagkidnap ng kanilang mga sanggol at paggamit sa kanila bilang hosteyds para pasukuin ang ama o ina na Pulang mandirigma.
Pitong buwang buntis si Cherilyn Rebita (Ka Jan) nang dakpin siya, kasama si Jacklyn Egtob (Ka Jane), isang mandirigmang sugatan, sa tinutuluyan nilang bahay sa Surigao de Norte noong Agosto 22, 2022. Sikreto silang ikinulong sa isang “safehouse” ng militar sa Ata-atahon sa bayan ng Nasipit, Agusan del Norte. Dito paulit-ulit silang ipinailalim sa interogasyon ng mga upisyal ng 402nd IBde at mga nagpakilalang tauhan ng “OPPAP,” kasama ang isang “sumuko” na Pulang mandirigma na si “Dagat” Rabanes. Sa sikretong detensyon na ito nanganak si Rebita ng babaeng sanggol na pinangalanan niyang Baby Rhea. Ilang linggo pa lamang si Baby Rhea nang pwersahan siyang inihiwalay sa ina parang gawing hostage sa pakanang pagpapasurender sa kanyang ama na isa ring mandirigma. Binigyan din ng “misyon” si Egtob na pagpapasuko ng kanyang kapatid na mandirigma.
Sa pagbabalik nina Rebita at Egtob sa kanilang yunit para ipatupad ang kanilang “misyon,” dalawa pang buntis ang dinukot ng parehong yunit-militar. Kinidnap sina Aurily Havana (Ka Laiza) at si Jennifer Binungkasan (Ka Laile) noong Nobyembre 3, 2022 sa isang haywey sa Butuan City ng parehong mga elemento ng 402nd IBde na naghatid kina Rebita at Egtob sa lugar.
Nabawi ng pamilyang Rebita si Baby Rhea, dalawang buwan matapos nilang igiit na ang makatarungang lugar ng sanggol ay sa kanyang kamag-anak.
Dalawa ring buntis, sina Jing Villacarillo (Ka Aubrey) at Ka Sara ang dinukot ng mga elemento ng 11th 1B sa pinagpapahingahan nilang lugar sa Siaton, Negros Occidental noong Disyembre 18, 2023. Walang kaabog-abog na ipinailalim sila sa tortyur sa kabila ng maseselan nilang kalagayan. Pwersahan silang pinasurender kapalit ng makataong pagtrato.
Sa Samar, noong Marso 2023 kinidnap at sikretong ikinulong ang dalawang bagong ina at kanilang mga bagong silang na sanggol, kasama ang iba pa sa kampo ng 8th ID sa Barangay Maulong, Catbalogan. Hindi sila nabisita ng mga kaanak, at walang ligal na representasyon. Hindi bababa sa 10 ang biktima ng sikretong detensyon sa naturang kampo na dumaranas ng emosyonal, pisikal at mental na torytur ng berdugong mga sundalo. Patuloy silang ibinibimbin nang walang malinaw na dahilan o nakasampang kaso. Hawak ng 8th ID si Mariel Rebato at kasisilang pa lang niyang anak, at si Monica Ogacho at ang bagong silang niyang sanggol. Kasama nilang ipiniit sina Marygrace Tambis Bicina, Renato Chokoy Rufo at tatlo pang dinukot ng militar noong Marso 2023. Ang ilan sa mga biktima ay dinampot ng mga sundalo mula sa kanilang inuupahang bahay sa Calbayog City noong pang Disyembre 2022.
Pagdakip, pagsasampa ng gawa-gawang kaso at pwersahang pagpapasurender
Anim na konsultant ng National Democratic Front of the Philippines sa usapang pangkapayapaan ang dinakip, sinampahan ng gawa-gawang mga kaso at ikinulong ng rehimeng Marcos mula nang maupo ito sa poder. Sa huling tala noong Hunyo 2025, hindi bababa sa 15 konsultant at iba pang personel ng NDF ang nakakulong sa iba’t ibang kulungan sa bansa. Labag ang kanilang pagkakadakip at ang pagsasampa sa kanila ng mga kasong kriminal sa Joint Agreement on Safety and Immunity Guarantees (JASIG), isa sa batayang mga kasunduan sa usapang pangkapayapaan, na pinirmahan ng GRP at NDFP noong 1995.
Inaresto si Ruben Saluta at ang kanyang asawa na si Presentacion Cordon-Saluta, at ang kasama nila sa bahay na si Yvonne Losaria sa Labangal, General Santos City noong Enero 30, 2023. Sinampahan si Saluta ng gawa-gawang kasong pagpatay, habang kasong rebelyon ang isinampa laban kina Cordon-Saluta at Losario. Liban ito sa kasong illegal possession of firearms mula sa “ebidensya” na anim na matataas na kalibreng armas, bala at iba pang gamit-militar na itinanim ng nag-arestong tim sa kanilang tinitirhan. Parehong matanda na at maysakit ang mag-asawang Saluta. May seryosong sakit ring iniinda ang kasama nilang si Losaria.
Sa hiling ng mga awtoridad ng Pilipinas, inaresto sa Langkawi, Malaysia noong Abril 1 si Eric Jun Casilao, konsultant ng NDFP para sa Reciprocal Working Committee on the Comprehensive Agreement on Socio Economic Reforms (CASER). Dineport siya mula sa Malaysia noong Abril 18, 2023, idineklarang “terorista” at ipinaradang parang kriminal sa Ninoy Aquino International Airport.
Noong ikaapat na kwarto ng 2024, magkakasunod na dinakip ng rehimen ang apat pang konsultant sa iba-ibang lugar. Dinakip ng 10th ID si Porferio Tuna (Ka Simon Santiago) sa Tagum City noong Oktubre 2, 2024. Dinala siya sa kampo ng 10th ID at pilit na pinasusuko para baligtarin ang kanyang pampulitikang paninindigan. Noong Oktubre 21, 2024, dinakip si Simeon Naogsan (Ka Filiw) sa Bacarra, Ilocos Norte kung saan siya nagpapagaling sa iniindang mga sakit. Dalawang araw matapos nito, pinasok ng mga ahente ng militar at pulis ang tinutuluyang bahay sa Quezon City at dinakip si Wigberto Villarico, pati ang kasama niya sa bahay na si Marjorie Lizada.
Noong Disyembre 5, 2024, pinasok ng mga ahente ng militar at pulis ang tinutuluyang bahay ni Tomas Dominado sa Iloilo City. Dinakip siya at ang kanyang caregiver na si Jofel, at inilipat sa kulungan sa di makataong mga kundisyon. Paralisado at maraming iniindang sakit si Dominado, dagdag sa dinanas niyang stroke noong nakaraang taon. Sa detensyon, ipinagkait sa kanya ang nararapat na atensyong medikal, na lalong nagpalala sa kalunos-lunos niyang kalagayan. Nadala lamang siya sa ospital matapos maggiit ang kanyang mga anak at abugado.
Samantala, kalakaran ng AFP ang mandukot ng mga Pulang mandirigma, ilagay sila sa sikretong mga kulungan para piliting sumuko at talikdan ang kanilang ipinaglalaban. Isa rito si Gerald Gestole, myembro ng BHB-Sorsogon na nagpapagamot, na dinukot sa San Pedro, Laguna noong Nobyembre 11, 2024. Dumanas ng pananakot at intimidasyon ang kanyang pamilya nang hanapin nila si Gestole sa pulis at kampo militar. Kalauna’y pinayagang kumontak sa pamilya si Gestole, na nagsabing kasama siya sa iba pang “sumuko” na nasa kustodiya ng militar. Hindi pinayagan ang kanyang pamilya na bumisita o kahit ipaalam ang kanyang kinaroroonan.
Dinukot rin si Rachel Dahoyla Santillan, na kinilala bilang kadre ng Partido, habang bumibyahe sa Bukidnon. Pinalabas na naaresto siya sa Bumbaran (ngayon ay Amai Manabilang) sa Lanao del Sur noong Setyembre 4, 2022. Pinilit siyang sumurender bago pinalaya.
Pamimilit, di makataong detensyon at pagtrato
Sa Southern Tagalog, isang sugatang Pulang mandirigma ang nadakip ng 85th IB matapos ang labanan sa San Francisco, Quezon noong Nobyembre 30, 2022. Imbes na lapatan ng lunas, ipinarada siya na animo’y tropeyo sa social media.
Isa namang inakusahang Pulang mandirigma ang patuloy na ipiniit sa di makataong kundisyon sa Laguna Provincial Jail sa bayan ng Sta. Cruz sa naturang prubinsya. Inilipat si Acer Tucerbo, inaakusahang platun lider ng BHB sa Matuguinao, Western Samar noong Pebrero 12, 2023.
Paglapastangan sa mga labi
Siyam na insidente ng paglapastangan sa labi ng mga kadre at mandirigma ang naitala ng AB sa nakaraang tatlong taon. Tatlo sa pinakamalalang kaso ay ang paglapastangan sa mga labi ng mga kasamang nadakip at sadyang pinaslang, kabilang ang mga bangkay ng mga Martir ng Catbalogan, Bilar 5 at ng mag-asawang Madlos at Belandres.
Sa Sultan Kudarat, nilapastangan ng mga pulis at sundalo ang bangkay ni Emmanuel Fernandez (Ka Ampog) na iniwan ng mga medik sa isang kubo para makuha ng kanyang pamilya sa Sen. Ninoy Aquino noong Oktubre 30, 2022. Namatay sa sakit sa loob ng yunit ng BHB si Fernandez, at minabuti ng mga Pulang medik na ilipat ang kanyang bangkay sa pamilya para mailibing. Nang mabalitaan ng lokal na pulis, pinaalam ito sa 603rd IBde na pumunta sa lugar at ninakaw ang bangkay. Pinalabas nilang napatay siya sa engkwentro para makubra ang patong sa kanyang ulo. Si Fernandez ang kalihim ng panrehiyong komite ng Partido sa Far South Mindanao sa panahon na iyon at myembro ng Komite Sentral.
Sa Batangas, nilapastangan ng 59th IB ang mga bangkay ng mga napatay sa labanan noong Disyembre 17, 2023 na sina Maria Jetruth Jolongbayan (Ka Orya), Alyssa Lemoncito (Ka Ilaya), Precious Alyssa Anacta (Ka Komi), Joy Mercado (Ka Kyrie), at Leonardo Manahan (Ka Mendel). Hinayaan ng mga sundalo na mabilad sa araw ang kanilang mga labi at matagal na pinabayaan sa pinangyarihan ng labanan. Dahil dito, halos hindi na makilala ang pitong labi dahil wasak na ang kanilang mga mukha, inuuod at lumobo na ang kanilang mga katawan, at masangsang na ang amoy ng mga ito.
Mga tauhan din ng 59th IB ang sangkot sa paglastangan sa mga bangkay nina Gladys Cassandra “Ka George” Mendoza (25), Jethro Royce “Ka Alex” Magtira (21) at Jian Markus “Ka Reb” Tayco (23) na napaslang sa labanan noong Hunyo 23, 2024 sa Tuy, Batangas. Ibinilad at pinabayaang maagnas ang kanilang bangkay na hindi na makilala dahil lumobo na ang kanilang mga mukha at katawan.
Sa Capiz, tinadtad ng bala ng mga sundalo mula sa 12th IB ang patay nang katawan ni Jyrel Katipunan (Ka Jason), isang Pulang mandirigma na napatay sa labanan noong Disyembre 9, 2024. Ganito rin ang ginawa ng mga sundalo sa bangkay ni Onal Osia Balaoing (Ka Puk-et) sa Balbalan, Kalinga matapos siya mamatay noong Disyembre 17, 2023. Pinagbabaril nila ang mga labi hangga’t sumabog ang bituka at utak. Binali rin ng mga sundalo ang maraming bahagi ng kanyang kamay at paa.
Paggamit ng disproportionate o sobra-sobrang pwersa
Labag sa prinsipyo ng proportionality, gumagamit ang mga pwersa ng 250-libra at 500-librang mga bomba na inihuhulog mula sa mga fighter jet para wasakin ang temporaryong mga kampo ng BHB. Karaniwang idinadahilan ng mga sundalo sa paggamit nito ang pekeng kwento na panlaban nila ito sa mga command detonated explosives (CDEx) ng hukbong bayan. Resulta ng mga bombang ito ang pagkakalasug-lasog ng mga katawan ng mga mandirigma, pagkawasak sa kagubatan at sakahan, at pamamayani ng ligalig sa mga sibilyang komunidad.
Di bababa sa tatlong insidente ng pambobomba ang nagresulta sa matinding pinsala sa napaslang na mga mandirigma.
Isa rito ang paghuhulog ng di bababa sa siyam na bomba sa Las Navas, Northern Samar noong madaling araw ng Nobyembre 23, 2022. Kasabay ng malalaking bomba, inistraping ng mga heikopter at kinanyon ng mga 105 howitser ang temporaryong kinakampuhan ng BHB. Anim, na mandirigma ang napatay, kabilang si Helenita Pardalis (Ka Elay), noo’y kalihim ng panrehiyong komite ng Partido sa Eastern Visayas at myembro ng Komite Sentral. Sa mga larawang nakuha sa pinangyarihan, kita ang sobra-sobrang mga tama sa ulo, katawan at internal organs ng mga mandirigma. Nagdulot rin ng hukay na may habang tatlong metro at lalim na dalawang metro sa lupa ang mga bombang inihulog.
Di bababa sa limang myembro ang BHB sa Anticala, Butuan City, ang agad na namatay sa labis-labis na lakas ng limang 500-librang bombang inihulog ng mga eroplang Super Tucano ng AFP sa pansamantalang himpilan ng hukbong bayan.
Sa Bukidnon, 10 mandirigma ang namatay nang hulugan ng apat na bomba ng Tactical Air Wing ng 4th ID sa temporaryong kampo ng hukbo sa Barangay Can-ayan, Malaybalay City noong Disyembre 25, 2023. Labis-labis at walang patumangga ang paghuhulog ng ilang 250-libra na bomba, na naghasik ng teror sa mamamayan ng prubinsya.


