Ang Bayan Ulat sa Karapatang-tao (Disyembre 1, 2024-Disyembre 1, 2025) Kasabay ng malawakang korapsyon: Rehimeng US-Marcos, patuloy ang pasistang panunupil sa mamamayan

,

Pambungad

Walang awat ang rehimeng Marcos sa pagpapahirap at panunupil sa sambayanang Pilipino sa nagdaang taon. Habang abala sa pangungulimbat sa pera ng taumbayan, todo ang pagsupil nito sa mga pakikibakang bayan at paninindak sa mamamayan.

Sa pagsiklab ng mga protestang bayan kontra korapsyon simula Setyembre, pinakawalan ng rehimeng Marcos ang isang kampanyang panunupil para gipitin ang mga nagpuprotesta sa tangkang pahupain ang kanilang paglaban. Sistematiko nitong ginamit ang pasistang makinarya ng estado para magpatupad ng mapanupil na mga patakaran at hakbang.

Nagpapatuloy ang pagdanak ng dugo at pagdami ng mga kaso ng paglabag sa karapatang-tao sa ngalan ng kontra-insurhensya. Hibang na layunin ng rehimen na puksain ang makabayan at demokratikong hangarin at pakikibaka ng sambayanang Pilipino, at wakasan ang kanilang rebolusyonaryong paglaban. Nagsisilbi ito sa interes ng dayuhang monopolyong kapitalista, malalaking burgesyang kumprador, panginoong maylupa at mga burukratang kapitalista.

Para ilarawan ang sidhi at lawak ng kalupitang ito ng rehimen, at paalingawngawin ang sigaw ng sambayanan para sa hustisya, inilalabas ng Ang Bayan (AB) ang ulat na ito hinggil sa kaliwa’t kanang mga pag-abuso at pagyurak ng mga armadong galamay ni Marcos sa mga karapatang-tao sa nagdaang taon (Disyembre 2024 hanggang Disyembre 1 ngayong taon). Kinasasangkutan ito ng pasistang tauhan ng Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine National Police (PNP), mga paramilitar at iba pang armadong ahente ng reaksyunaryong estado.

Halaw ang ulat na ito sa mga impormasyong binalita, tinipon at sinuri ng AB.

Dahil sa higit pang pinatinding panunupil na nagbunga ng kahirapan sa pagpapadala ng mga ulat, maraming kaso sa kanayunan ang hindi naitala. Ginamit ng AB sa ulat na ito ang internasyunal na pamantayan sa pagtaya ng bilang ng mga biktima ng ebakwasyon at militarisasyon, at sa bilang ng mga batang apektado.

Hindi saklaw sa kasalukuyang ulat na ito ang maraming paglabag sa karapatang-tao ng mamamayang Moro na karaniwang hindi naisisiwalat sa publiko. Hindi rin saklaw ng ulat ang mga ekstrahudisyal na pamamaslang sa ilalim ng huwad na gera kontra-droga na ipinagpapatuloy ng rehimeng Marcos. Sa nagdaang taon, iniulat ng The Dahas Project na hindi bababa sa 264 ang biktima sa huwad na gerang ito.

Patakaran ng panunupil

Mayor na patakarang ipinatupad ng rehimeng Marcos ngayong taon ang National Action Plan for Unity, Peace, and Development (NAP-UPD) 2025-2028. Ito ang naging balangkas ng pinatinding pampulitikang panunupil laban sa mamamayang Pilipino. Noong nakaraang taon pa sinimulang ihanda ang naturang bagong-lumang patakaran.

Ang NAP-UPD ay upisyal na inaprubahan sa pamamagitan ng Memorandum Circular No. 83, series 2025 na inilabas ng Office of the President. Iniatas ng memorandum sa lahat ng ahensya ng gubyerno na ipatupad ang plano bilang bahagi ng “whole-of-nation” at “whole-of-society” approach sa “paglutas ng mga suliraning dulot ng rebolusyonaryong kilusan.” Ibinatay ang NAP-UPD sa National Security Policy 2023-2028 at Philippine Development Plan 2023-2028.

Tinagurian itong “estratehikong blueprint” o gabay upang puksain ang Partido Komunista ng Pilipinas, ang Bagong Hukbong Bayan at National Democratic Front sa 2028. Ang bagong patakaran ay pangunahing ipatutupad ng National Task Force-Elcac na pitong taon na mula nang binuo ng rehimeng Duterte.

Alinsunod sa patakarang ito, bweladong ipinatutupad ng AFP at PNP ang maruming todong-gera laban sa mamamayang Pilipino sa kalunsuran at kanayunan. Nagpapatuloy ang masidhing pasistang terorismo ng estado, paninikluhod sa imperyalismong US at pagsupil sa mga pwersang patriyotiko at demokratiko.

Sa pagpapatupad ng NAP-UPD, patuloy na kinakasangkapan ni Marcos ang Anti-Terrorism Law, na nasa ikalimang taon na, at Terrorism Financing Prevention and Suppression Act para gipitin at patahimikin ang mga kritiko at nagsasalita laban sa kanyang rehimen, at maging ang ordinaryong mamamayan. Tinatarget ng rehimen ang binansagan nitong “mga ligal na prente ng CPP-NPA-NDFP” upang diumano’y “ihinto ang rekrutment, putulin ang suportang pampinansya at labanan ang propaganda.” Malawakang niyuyurakan nito ang karapatan sa pag-oorganisa ng mga sektor.

Sa kabila ng paulit-ulit na bukambibig ng US, AFP at ni Marcos kaugnay ng “pagpihit” ng armadong pwersa ng bansa mula “internal na depensa” tungong “eksternal na depensa” dahil “mahina na” o “nagapi na” ang BHB, nananatili ang kalakhan ng pwersa ng AFP sa kanayunan at mga larangang gerilya. Paulit-ulit ang pagtatambol ng rehimen na wala nang aktibong larangang gerilya, pero libu-libong pwersang militar, pulis at paramilitar pa rin ang pinakikilos para sa kampanyang kontra-insurhensya.

Sa kanayunan, patuloy na ipinaiilalim sa militarisasyon at okupasyon ang mga komunidad na sinasaklaw ng mga focused military operation (FMO) sa anyo ng okupasyon o ala-batas militar na kontrol ng mga baryo na nasa ilalim ng Retooled Community Support Program (RCSP). Sa mga operasyon nito, mga magsasakang sibilyan o hindi armado ang pangunahing tinatarget ng karahasang militar at panunupil. Kasabay nito ang walang pakundangang aerial bombing, istraping at panganganyon sa mga bukid at bundok na nagsasapeligro sa buhay ng mga sibilyan at sumisira sa kalikasan.

Kung saan higit na tumitindi ang pasistang terorismong militar, doon din inaasahan ang pagpasok ng malalaking mina, plantasyon, ekoturismo at iba pang tipo ng kumpanyang mapandambong sa kalikasan at nagpapalayas sa mga komunidad. Nagsisilbing paghahanda rin ang mga operasyong militar para gawing “ligtas” ang ilang mga erya para sa mga war games ng US, kasama ang mga alyado nitong bayan tulad ng Japan, Australia at Canada, at papet na AFP.

Walang-tigil ang bweladong pagpapatupad ng NTF-Elcac sa programang “balik-loob,” “lokalisadong usapang pangkapayapaan” at panlalansi gamit ang pekeng amnestiya sa kanayunan. Karugtong ito ng kampanya ng intimidasyon, pwersahang “pagpapasurender” sa mga sibilyan at pangungurakot sa pondo ng bayan. Pinondohan ng rehimeng Marcos ang pagbubuo noong Abril ng samahan ng mga “dating rebelde” para gamitin laban sa mamamayang Pilipino. Umaalagwa ngayon ang mga traydor na ito at nag-iikot sa iba’t ibang panig ng bansa para manlansi. Pinapasok nila ang mga unibersidad at eskwelahan para maghasik ng takot at magpalaganap ng pasistang kaisipan.

Tulad sa huling tatlong taon sa poder, walang pakundangan ang paglabag ng rehimeng Marcos sa mga alituntunin sa digma, sa anyo ng sadyang pagpaslang sa mga sugatang mandirigma, pagpatay sa mga sibilyan sa mga pekeng engkwentro at pagpapahirap sa buu-buong komunidad kasabay ng mga operasyong pangkombat ng AFP.

Mga paglabag sa karapatang-tao

Sa talaan ng Ang Bayan, 239,357 ang naging biktima ng mga paglabag sa karapatang-tao ng rehimeng US-Marcos mula Disyembre 1, 2024 hanggang Disyembre 1 ngayong taon. Naitala ng AB ang 665 kaso ng mga paglabag sa buong bansa.

Sa abereyds, hindi bababa sa tatlo ang biktima ng pampulitikang pamamaslang kada buwan. Dagdag dito, mayroon ding dalawang biktima ng pagdukot at 25 biktima ng tortyur kada buwan. Sa nagdaang taon, 11 ang biktima ng bigong pagpaslang ng mga pwersa ng estado.

Katulad sa nagdaang mga ulat, pinakamaraming biktima ang naitala sa hanay ng magsasaka (211,447) at maralitang-lungsod (25,988). Kabilang sa mga biktima ang mga bata (94,597). Pinakarami ang naitalang kaso ng paglabag sa karapatang-tao sa Negros Island (192), sinundan ng Southern Tagalog (119) at Bicol (115). Sa mga prubinsya, nanguna sa listahan ang Negros Occidental (132), sinundan ng Masbate (94) at Negros Oriental (60).

Sa higit tatlong taon ng rehimeng Marcos sa poder, naitala ng AB ang 3,748 kabuuang bilang ng mga kaso kung saan hindi bababa sa 747,598 ang bilang ng mga biktima. Sa bilang ng mga biktima, aabot sa 581 kada araw ang mga biktima ng paglabag sa karapatang-tao sa nagdaang tatlong taon ng rehimeng Marcos.

Pagpaslang, bigong pagpaslang at tortyur

Hindi bababa sa 40 ang biktima ng pampulitikang pamamaslang sa buong bansa sa nagdaang taon. Mayorya sa mga kaso ay naitala sa kasagsagan ng mga FMO at RCSP ng mga sundalo at pulis sa mga komunidad ng mga magsasaka at katutubo. Naitala ang mga pagpaslang sa Maynila, Occidental at Oriental Mindoro, Masbate, Northern at Eastern Samar, Samar, Leyte, Capiz, Iloilo, Negros Occidental at Oriental, Misamis Oriental, Agusan del Sur, Surigao del Sur, Davao Oriental, at Sarangani.

Tulad sa nakaraan, pinalalabas ng AFP na napaslang sa “engkwentro” ang marami sa mga biktima. Para pagmukhaing napatay sa engkwentro, binibihisan, nilalagyan ng mga armas, bala at iba pang gamit militar ang kanilang mga bangkay, at inihahandusay sa putik at kung saan-saan. Iniuulat sa publiko ng AFP ang gayong pekeng balita kahit pa mahigpit na pinabubulaanan ang mga ito ng pamilya, kapitbahay at maging ng mga upisyal ng lokal na konseho sa baryo.

Sa mga biktima, 13 ang mga hors de combat (mga kombatant na wala nang kakayahang lumaban dahil sugatan o maysakit), at hindi kombatant o mga retirado ng rebolusyonaryong kilusan. Dinakip sila ng mga berdugong tauhan ng AFP at sadyang pinaslang, sa halip na ideklarang mga bihag ng digma o kasuhan sa kanilang korte. Bakas rin sa mga bangkay ang marka ng tortyur.

Mga kaso ng masaker. Naitala sa panahon na saklaw ng ulat ang apat na kaso ng masaker: isang buong pamilya ang biktima sa isa, tatlong magsasaka sa isa pa, at ang dalawa ay pagmasaker sa mga hors de combat.

Sa Agusan del Sur, walang awang minasaker ng mga sundalo ng 26th IB ang pamilyang Gomansil sa Dayuman River, Barangay San Vicente (Balagnan), Esperanza noong Disyembre 15, 2024. Pinaslang ng mga berdugo ang mag-asawang si Toto at Toni Gomansil at ang kanilang anak na si Celine. Pinaratangan silang nakikipag-ugnayan sa BHB at rebolusyonaryong kilusan sa prubinsya.
Bago ang krimen, nagpaalam pa ang pamilya Gomansil sa mga sundalong nakadeploy sa malapit na detatsment para mapahintulutan na magtrabaho sa kanilang sakahan. Sa kabila ng kanilang “pagpapaalam,” sinundan sila ng mga sundalo at iginapos ang mag-asawang Toto at Toni. Ipinailalim sila sa matinding interogasyon at ilang ulit na tinanong kung mayroong presensya ng BHB sa kanilang komunidad, na itinanggi ng mag-asawa. Hinahanap rin sa kanila ang asawa ni Celine na pinararatangan nilang isang mandirigma ng BHB.

Kasunod nito, sinaksak ng mga sundalo ang mag-asawa hanggang mamatay. Nakatakbo pa si Celine nang masaksihan ang pagpaslang sa kanyang mga magulang ngunit kaagad ring pinagbabaril ng mga sundalo. Nilapastangan at hinati pa ng mga ito ang bangkay ni Celine.

Sa Northern Samar, pinagbabaril hanggang mapatay ng mga sundalo ng 8th ID ang tatlong magsasaka sa Barangay Nagoocan, Catubig noong Hunyo 8. Pinalalabas ng militar na ang tatlo ay kabilang sa limang napaslang sa isang armadong engkwentro ng mga sundalo at BHB. Ang mga biktima ay kinilala na sina Noel Lebico Sr, Arnel Aquino at Nonoy Norcio.

Si Lebico ay residente ng Barangay Roxas sa Catubig, si Aquino ay mula sa Barangay Osmeña sa Palapag, habang si Norcio ay taga-Barangay Luneta, Gamay. Ang mga baryo at bayang kanilang tinitirahan ay nakapailalim sa de facto na batas militar mula pa noong 2020. Bago ang insidente, dati nang nakararanas ng panggigipit at kalupitang militar ang mga biktima.

Tumangging pumaloob ang tatlo sa programa ng sapilitang pagpapasuko ng 8th ID.

Pagpatay sa menor de edad. Sa nagdaang taon, hindi nakaligtas sa bagsik ng militar ang mga menor de edad. Naitala sa panahong ito ang tatlong kaso ng pagpatay ng bata. Naganap ang karumal-dumal na mga krimen na ito ng mga pwersa ng estado sa Masbate, Eastern Samar at Negros Occidental.

Sa Masbate, binaril at pinatay ng mga sundalo ng AFP na naka-istasyon sa Barangay Paguihaman, Uson, Masbate ang dalawang binatilyong papauwi lamang galing sa isang Christmas party noong madaling araw ng Disyembre 27, 2024. Kaagad namatay ang 18-anyos na si Redjan Montealegre, residente ng katabing Barangay Mongahay, at 14-anyos na si JP Osabel, residente ng Barangay Mabini. Pareho silang binaril sa ulo.

Sa Eastern Samar, pinaslang ng 63rd IB ang 16-anyos na si Jayson Grafil Padullo sa walang patumanggang pamamaril noong Hunyo 15 sa Sityo Bagong Barrio, Barangay Pinanag-an, Borongan City. Pinalalabas na si Padullo ay isang Pulang mandirigma. Mahigpit itong pinabulaanan ng mga kapitbahay ni Jayson sa Barangay Benowangan at sinabing isa siyang sibilyan. Anila, kaeenrol lamang niya sa Grade 7 at nakatakda siyang pumasok noong Hunyo.

Sa Negros Occidental, napatay sa walang patumanggang pamamaril ng 62nd IB ang 6-taong gulang na batang lalaki ng pamilya Gelacio sa Sityo Inangaw, Barangay Quintin Remo, Moises Padilla noong Oktubre 28. Naghuramentado at nagpaulan ng bala sa gitna ng komunidad ang mga sundalo matapos makasagupa ang isang yunit ng BHB.

Pagpatay sa katutubong mamamayan. Sa nagdaang taon, naitala ang dalawang kaso ng pagpatay sa mga katutubong mamamayan.

Sa Surigao del Sur, pinatay ng mga tauhan ng 9th Special Forces Company ng 3rd Special Forces Battalion (SFB) ang 25-anyos na Lumad-Manobo na si Eliotero Ugking noong Hunyo 6 sa Kilometro 9, Barangay Diatagon, Lianga.

Sa salaysay ng pamilya, nanggaling si Ugking sa Sityo Neptune mula sa pagtatrabaho at paghahakot ng falcatta. Naglalakad siya pauwi bandang alas-4 ng umaga noong Hunyo 6 sa Kilometro 9 kung saan nakakampo ang tropa ng 3rd SFB. Noong umagang iyon, nakarinig ang mga residente ng putok ng baril. Sa pag-uusisa nila, nakita ng mga residente ang hubad na bangkay ni Ugking na nakasandal sa isang bato malapit sa tarangkahan ng kampo militar. Mismong ang sundalo pa ang nag-ulat na patay na ang biktima.

Sa pagsusuri ng pamilya sa bangkay, nakita nila ang mga bakas ng tortyur. Mayroon itong mga sugat sa buong katawan, nalapnos ang likod na malamang mula sa pagbubuhos ng mainit na tubig, may tama ng bala sa paa at sa kaliwang bahagi ng hita, sugat sa ulo, at sugat sa leeg na palatandaan ng pananakal. Malinaw sa mga residente na kagagawan ang krimen ng mga sundalo. Gayunman, isang elemento ng CAFGU ang pinaamin ng mga ito na may kagagawan sa krimen. Isinuko ng mga sundalo ang CAFGU na kanilang idinawit sa pagpatay.

Sa Oriental Mindoro, pinaslang ng mga pasista ang Hanunuo Mangyan na si Hulyo Aytag noong Marso 14. Hinuli siya ng nag-ooperasyong mga sundalo at ilang araw na binimbin sa kampo bago pinatay. Pinalabas na nagkaroon ng isang labanan sa pagitan ng BHB at 4th IB sa Sityo Cabuyao, Barangay Panaytayan, Mansalay para pagtakpan ang pagpaslang sa kanya.

Pagpaslang sa mga hors de combat. Walang pakundangan ang AFP at rehimeng Marcos sa paglapastangan sa mga alituntunin ng digma. Naitala sa mga prubinsya ng Oriental Mindoro, Negros Oriental at Occidental, Iloilo at sa Leyte ang mga pagpaslang sa hors de combat.

Sa Iloilo, sadyang pinatay ng militar at pulis sina Roberto Moises Cabales (Kasamang William) at Mateo Suarez (Kasamang Badong) noong Oktubre 5 ng gabi sa Barangay Coto, Lambunao. Pinalalabas ng mga pwersa ng estado na nanlaban ang dalawa habang inihahain sa kanila ang isang mandaymento de aresto.
Ayon sa ulat, higit 10 sasakyan na puno ng mga sundalo at pulis ang nagsagawa ng operasyon laban sa dalawa. Imbwelto sa krimen sa digma ang pinagsamang pwersa ng 301st IBde sa ilalim ni Nhel Richard Patricio at Philippine National Police (PNP)-Iloilo sa ilalim ni Bayani Razalan. Ayon sa mga kapitbahay, tatlong putok lamang ng baril ang narinig nila mula sa bahay ni Suarez. Pagkatapos nito, nagpalabas ang armadong mga pwersa ng estado na isinakay sa ambulansya at isinugod sa ospital ang mga biktima. Hindi umabot na buhay ang dalawa sa ospital.

Isa pang tampok na kaso ang nangyari kina Nonoy Ponteras (Ka Jojo) at Marisa Pobresa (Ka Kim) noong Marso sa Negros Occidental. Noong Marso 7, alas-8 ng gabi, dinukot ng mga operatiba ng Crime Investigation and Detection Group ng Philippine National Police (PNP) at mga tauhan ng AFP sina Ponteras at Pobresa sa isang bahay sa Bacolod City. Pwersahan silang isinakay sa isang van at dinala sa hindi natukoy na lugar kung saan sila tuluyang pinaslang.

Ang bangkay ng dalawa ay dinala ng mga berdugo ni Marcos sa Sityo Paraiso, Barangay Caduhaan, Cadiz City. Sa sumunod na araw, nagpakalat ng kasinungalingan ang mga lokal na tagapagsalita ng militar na napatay ang dalawa sa isang engkwentro lagpas ala-1:00 ng umaga sa pagitan ng 79th IB at BHB.

Si Ponteras ay isa sa nangungunang upisyal ng NDF-Negros habang si Pobresa ay isa sa tagapangasiwa ng panrehiyong tanggapan ng NDF. Kabilang sa tungkulin ng dalawa ang makipagkonsultasyon sa mga manggagawa, magsasaka, manggagawang-bukid, mga maralita at iba pang aping sektor sa isla upang tulungan silang bigyang-boses ang kanilang mga daing at isulong ang kanilang mga pakikibaka.

Biktima rin sa katulad na modus ng sadyang pagpatay sina Ising Domingo (Ka Mutya) ng Oriental Mindoro; Juanito Selleca Jr (Ka Tibor/Ka Rey), Sadam Paclita (Ka Dimpale), Lino Delante (Ka Dodong), Fidel Lagado (Ka Rod/Ka Jason), Maricel Anora (Ka Yenyen/Ka Gani) at Rogelio Berino (Ka Sonny/Ka Danny) ng Leyte; at Rodbey Lumanog (Ka Wanny) ng Negros Occidental; at Tony Pahayahay (Ka Pidol) ng Negros Oriental.

Napatay sa kasagsagan ng protesta. Namatay si Eric Saber, isang manggagawa sa konstruksyon, noong Setyembre 23 matapos barilin ng pulis na walang patumanggang nagpaputok sa nagpuprotestang kabataan sa Mendiola at Recto noong Setyembre 21. Ayon sa mga ulat, si Saber ay galing sa kanyang trabaho sa Pasay City, bumaba sa Recto Station at habang papatawid para sumakay ng dyip ay tinamaan ng bala mula sa likod.

Naitala naman ng Ang Bayan ang 11 biktima ng bigong pagpaslang. Sangkot sa mga kasong ito ang mga nag-ooperasyong yunit ng militar, na sa takot maunahan, ay walang patumanggang namamaril sa sinumang nakakasalubong sa gubat o daan. Hindi naman bababa sa 306 ang dumanas ng tortyur sa kamay ng mga sundalo at mga pulis.

Pag-aresto, pagdukot, at pagbabanta, panggigipit, at intimidasyon

Nakapagtala ang AB ng 48 kaso ng arbitraryong pag-aresto at detensyon kung saan hindi bababa sa 373 ang biktima. Pinakamalaking kaso ang pag-aresto sa 277 indibidbwal kung saan kabilang ang 91 mga bata sa loob ng lamang ng ilang oras. Sinampahan ang mga biktima ng iba’t ibang kasong kriminal para matagalang ibimbin sa kulungan. Kabilang sa karaniwang mga kaso na isinampa sa kanila ang illegal possession of firearms and explosives, pagpaslang at bigong pagpaslang, terorismo at “terrorism financing,” at iligal na asembliya.

Ang iba sa kanila ay dumanas ng sadyang inantalang pagpuproseso ng mga papeles ng mga korte para hindi kaagad makalaya. Ang ilan pa, laluna sa mga nasa prubinsya, ay iligal na ikinukulong sa mga kampo militar nang walang utos ng korte at hindi pinahihintulutang mabisita ng pamilya.

Sa panahong nakakulong, inihaharap din ang mga inaresto sa mga “dating rebelde” para pabaligtarin sila at hikayatin na magpagamit sa estado. Ginagamit rin ang pamilya ng mga inaresto at detenido para pilitin silang “sumuko.”

Pag-aresto sa Mendiola 277. Kasunod ng brutal at marahas na dispersal at pag-aresto ng mga pulis sa mga kabataang nagpuprotesta sa Ayala Bridge at Mendiola sa Maynila noong Setyembre 21, dinakip ng mga pulis ang hindi bababa sa 277 indibidwal kabilang ang 91 mga menor-de-edad (9 taong gulang ang pinakabata). Marami sa kanila ang nagtagal sa kulungan ng 2-3 araw bago nakalaya sa bisa ng pyansa o atas ng prosekyutor. Sa kulungan, dumanas ang mga detenido ng pambubugbog at pananakot. Hindi sila kaagad pinayagang makausap ang mga abugado at sadyang pinatagal ang pagkukulong sa kanila.

Sinampahan sila ng mga pulis ng Maynila ng kasong paglabag sa Article 146 (illegal Assembly), Article 148 (direct assault), Article 151 (resistance and disobedience to a person in authority), Article 153 (tumults and other disturbances of public order) at Article 320 (arson) ng Revised Penal Code, at Batas Pambansa 880.

Liban sa mga inaresto, dumanas rin ng panggigipit ang mga lider-estudyanteng lumahok sa mga protestang kontra korapsyon. Naging target ng panggigipit ng PNP at rehimeng Marcos sina UP-Diliman University Student Council Chairperson Joaquin Buenaflor, PUP Central Student Council President Tiffany Brillante, Alyansa ng Kabataang Mamamahayag PUP Chairperson Jacob Baluyot at organisador ng Kalayaan Kontra Korapsyon at estudyante ng DLS-CSB na si Aldrin Kitsune. Ipina-subpoena sila ng PNP-CIDG para umano ipailalim sa imbestigasyon hinggil sa pagkakasangkot nila sa mga rali. Tumanggi silang humarap sa mga pulis.

Inaresto sa pagtindig sa karapatan sa lupa. Limang myembro ng Samahang Magsasaka at Mangingisda sa Barangay Taltal (SAMMBAT) ang inaresto ng mga pulis kasunod ng pagtutol nila sa demolisyon sa mga bahay sa 32-ektaryang lupa sa Sityo Togue, Barangay Taltal sa Masinloc, Zambales noong Hunyo 19.

Sumugod sa komunidad ang mga magpapatupad ng demolisyon sa pangunguna ni Sheriff Roy Mendones ng upisina ng Provincial Sheriff kasama ang humigit-kumulang 70 pulis at mga tauhan ng SWAT. Ikinulong ng mga pulis sina Neil Edward Geroca, tagapagsalita ng grupo, si Claire Elfalan, kalihim ng SAMMBAT, at mga kasapi nito na sina Elmer Nollas, Elmer Madarang, at Alex Mose. Nakalaya sila matapos ang ilang araw sa bisa ng pyansa.

Pag-aresto sa mga magsasaka. Sa tala ng AB, hindi bababa sa 31 ang mga magsasaka at organisador ng magsasaka ang inaresto ng rehimen sa nagdaang taon.

Sa Ilocos Norte, dinakip ng mga sundalo ng 77th IB sa dalawang magsasaka sa Sityo Salicsic, Barangay Dampig, Pagudpud, Ilocos Norte noong Agosto 11 ng gabi. Ayon sa ulat ng Isnag Yapayao Balangon Tribal Council, dinakip ng mga tauhang nakasibilyan at elemento ng 77th IB sina Belmar Garvida at Ferdinand Bangngad (Willy). Ayon sa mga grupo, walang ipinakitang mandamyento de aresto ang mga sundalo sa ginawang pagdakip at tumangging magpakilala sa tribu sa lugar. Ilang oras makalipas, ibinalik ng mga sundalo sa komunidad si Garvida at naiwan sa kustodiya ng militar si Bangngad. Bago pa ang pagdakip, ipinailalim na sa matinding interogasyon sina Garvida at Bangngad ng mga sundalo.

Sa Isabela, dinakip ng mga pulis at 5th ID si Stalin Valencia, isang organisador ng magsasaka, noong Nobyembre 15 habang bumabyahe sa San Mateo. Sinabi ng pulis na kumakaharap siya sa patung-patong na mga kasong kriminal, kabilang ang bigong pagpatay, pagpatay at panununog sa Cagayan Valley. Mahigit 20 nakasibilyang tauhan ng pulis at militar ang “biglaang dumampot” sa biktima. Hindi kaagad ipinabatid sa pamilya at mga grupo sa karapatang-tao ang kanyang kinaroroonan.

Pag-aresto sa mga nagbarikada kontra demolisyon. Apat na residente ng Mayhaligue Street sa Barangay 262 at 264 sa Zone 24, Tondo, Manila ang inaresto ng mga pulis dahil sa kanilang pagbabarikada laban sa demolisyon sa komunidad noong Mayo 26. Giit ng mga residente, walang ligal na batayan at labag sa kanilang mga karapatan ang demolisyon.

Sa Muntinlupa City, sakay sa 10 van ay nagmistulang mga tulisan ang mga tauhan ng tim ng demolisyon na pumasok ng alas-10 gabi noong Setyembre 7 sa komunidad ng Acero, Immaculate Concepcion at Santo Niño sa Barangay Cupang. Nang mapansin ang kanilang pagpasok, agad na nangalampag ang ilang kabataan upang ipaalam sa komunidad ang mangyayaring demolisyon. Dinukot at binugbog naman ng mga nagdedemolis si Francis Ramil Areglado matapos siyang mahuling kumukuha ng bidyo para i-livestream sa Facebook ang demolisyon. Kalaunan ay dinala siya sa barangay hall ng Cupang kung saan pinilit siyang pumirma sa isang kasunduan kapalit ng hindi pagsasampa ng kaso laban sa kanya. Napilitang pumirma si Areglado sa dokumento dulot ng matinding takot at troma dahil sa pambubugbog sa kanya.

Sa Navotas City, naging biktima rin ng iligal na pag-aresto ang kontra-demolisyong lider kababaihan na si Jane Alfabete noong Nobyembre 27. Ayon sa mga saksi, iligal na pinasok ng mga pulis ang bahay ni Alfabete at kinaladkad siya palabas. Walang ipinakitang mandyamento ang mga nang-aresto. Sinampahan siya ng kasong assault at trespassing dahil sa pagtindig laban sa demolisyon sa kanilang komunidad sa 373 Lapu-Lapu St. NBBS Proper, Navotas City.

Kalagayan ng mga bilanggong pulitikal. Patuloy na lumulubha ang kalagayan ng mga bilanggong pulitikal sa bansa dahil sa napakaliit na badyet sa pagkain at gamot, pagkakait sa karapatang mabisita, at pagpataw ng mapanupil na mga patakaran sa mga bilangguan. Sa datos ng Karapatan, mayroong 696 bilanggong pulitikal sa bansa. Sa bilang na ito, 136 ang kababaihan, 93 ang matatanda, at 89 ang maysakit. Kabilang sa mga nakakulong ang 12 konsultant at istap ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP).

Tampok ang pang-aabuso at panunupil na ginagawa ng mga upisyal ng pulis sa Negros Occidental District Jail-Male Dormitory (NODJ-MD) sa Bago City, Negros Occidental. Iniulat ng mga bilanggong pulitikal at iba pang preso ang labis-labis na mga restriksyon, kolektibong pamamarusa, iregular at mapanganib na iskedyul ng pagpapaaraw, hindi sapat na pagkain at mga gamot, at pangangapkap sa mga bibisita sa kulungan na nagpahihiya sa kanila. Nasa likod ng mapang-abusong mga patakarang ito si Warden Jsupt. Crisyrel Awe. Noong Nobyembre 7, isang bilanggo ang namatay dahil sa mapanupil at mapang-aping mga patakaran ni Awe.

Samantala, permanenteng pinagbawalan ng Bureau of Corrections (BuCor) ang pagbisita sa mga kulungan nito ang tagapagsalita ng Kapatid, grupong sumusuporta sa mga bilanggong pulitikal, na si Fides Lim. Sinimulang ipatupad ng BuCor ang pagbabawal noong Abril dahil sa gawa-gawang mga dahilan. Sumulat at nagreklamo ang Kapatid sa Department of Justice hinggil sa mapanupil na patakarang ito noong Hulyo.

Naitala naman ng AB sa nagdaang taon ang 34 biktima ng pagdukot. May mga kaso sa mga prubinsya ng Isabela, Rizal, Batangas, Oriental at Occidental Mindoro, Camarines Norte, Sorsogon, Masbate, Negros Oriental at Occidental, Leyte, Agusan del Sur at Davao City. Ilan sa mga biktima ay inilitaw ng mga pwersa ng estado, habang ang iba ay mga bangkay na nang ipinakita ng militar. Pinalabas silang napatay sa mga engkwentro. Sa mga buhay na inilitaw, ang iba ay sinampahan ng gawa-gawang kaso at nakakulong. Habang ang ilan ay nasa kustodiya ng militar at ipinrisentang “sumuko.”

Sa tala ng pambansang upisina ng Karapatan, mayroong 15 desaparesidos sa ilalim ng rehimeng Marcos. Dalawa sa mga desaparesidos ay dinukot noong 2022, walo noong 2023, apat noong 2024, at isa ngayong taon lamang.

Liban dito, mayroong iniulat ang Karapatan-Southern Mindanao na tatlong iba pang desaparesidos sa rehiyon. Kabilang dito sina NDFP Consultant Ariel Badiang na huling nakita noong Pebrero 6, 2023 sa Manolo Fortich, Bukidnon, at sina Ruel Villanueva Jr at Cyril Montero na parehong huling nakita noong Mayo 16, 2024 sa Bukidnon).

Nakapagtala rin ang AB ng hindi bababa sa 12,187 biktima ng pagbabanta, panggigipit at intimidasyon. Higit na mas malaki ang bilang na ito kung isasali ang libu-libong ipinarada at sapilitang “pinasurender” ng militar bilang mga kasapi o tagasuporta ng BHB sa kalunsuran at kanayunan. Sa mga kaso ng “pagpapasurender,” hindi iilan ang pagkakataon na ginamit ng militar ang pamamahagi ng ayuda para kuhanan ng litrato ang mga residente at sabihing “sumuko” sila.

Lagim ng militar sa mga komunidad

Sa imbing layunin na “durugin” ang hukbong bayan sa kanayunan, o kaya’y “pigilang makabalik,” sinasakop ng mga operasyong kombat ng AFP at PNP ang maraming komunidad sa kanayunan. Patuloy na nakapakat ang bata-batalyong pwersang militar at pulis sa maraming komunidad ng mga magbubukid at pambansang minorya kahit pa idineklara na nilang Stable Internal Peace and Security (SIPS) ang maraming bayan at prubinsya.

Naitala ng AB ang hindi bababa sa 7,645 biktima ng pwersahang pagpapalayas at dislokasyon. Umabot sa 182,064 ang bilang ng mga residenteng apektado ng ipinataw na malulupit na blokeyo sa pagkain at ekonomya.

Mayroong naitalang 30 kaso ng aerial bombing, istraping at panganganyon. Naganap ang mga teroristang pag-atakeng ito sa Quezon, Oriental Mindoro, Northern Samar, Capiz, at Bukidnon.

Isla ng Mindoro. Sa Oriental Mindoro, walang patumanggang nang-istraping mula sa helikopter at nanganyon ang mga pasistang tropa ng 203rd Bde mula hapon ng Setyembre 9 hanggang madaling araw ng Setyembre 10. Isinagawa ito ng militar pagkatapos ng labanang naganap sa pagitan ng BHB at AFP noong September 9 ng umaga sa Sityo Tugas, Barangay San Vicente.

Tinarget ng pang-iistraping at panganganyon hindi lamang ang kagubatan kundi ang taniman at komunidad ng mga katutubong Mangyan, pati ang mga lugar na pinaghihinalaang inatrasan ng mga napalabang yunit ng BHB. Dahil sa labis na takot, napilitang lumikas ang daan-daang katutubong Mangyan kabilang ang mga bata, kababaihan, at matatanda sa taga-Sityo Tugas at Sityo Swerte ng Barangay San Vicente at mga kalapit na komunidad.

Ganito rin ang ginawa ng 203rd IBde sa Mansalay, Oriental Mindoro noong Marso 1. Nagdulot ng ligalig ang pag-atake sa mga komunidad ng magsasaka at Mangyan-Hanunuo. Sa ulat ng mga residente, alas-10 ng umaga naganap ang unang bugso ng pagpapaulan ng bala mula sa ere gamit ang dalawang Blackhawk helikopter sa Sityo Lomboy, Barangay Panaytayan. Matapos nito, muling bumalik ang mga helikopter ng alas-2:30 ng hapon at naglaglag ng apat na bomba kasabay ang walang habas na pagpapaputok sa magkatabing sityo ng Lomboy, Abaka, at Matarayo. Isinagawa ng mga berdugo ang terorismo mula sa himpapawid matapos ang isang gawa-gawang labanan ng 4th IB laban diumano sa BHB-Mindoro. Walang yunit ng BHB-Mindoro sa naturang lugar sa araw na iyon. Ang pambobomba sa Mansalay ay kasunod ng aerial strafing at pambobomba rin sa bayan ng Pola noong Pebrero 19.

Northern Samar. Naghulog ng bomba ang 8th ID sa Barangay San Isidro, Las Navas noong Hulyo 31, alas-2:30 ng madaling araw. Sa nakaraang mga taon, naging pokus ng todong atake ng 8th ID ang Barangay San Isidro na makailang-ulit nang kinanyon at hinahalihaw hanggang permanente nang kinampuhan ng mga pasistang tropa. Mula 2020, hindi bababa sa isang beses kada taon nanganyon ang 8th ID sa gubat sa palibot ng baryo na pinagkukunan ng pagkain at hanapbuhay ng mga residente. Dito nangangalap ng gulay, nangangaso, nangingisda, at nangunguha ng produktong uway (yantok) hindi lamang ang mga taga-San Isidro kundi maging ang iba pang kalapit na barangay. Marami ring may sakahan sa gubat na ito at dito na mismo naninirahan.

Capiz. Ginambala ng malalakas na pagsabog ng bomba, kanyon, at pang-iistraping ng mga yunit ng AFP ang katahimikan at oras ng pahinga ng mga residente ng Tapaz, Capiz noong Agosto 22, alas-2:30 ng madaling araw. Nagdulot ito ng matinding ligalig at nagtulak sa ilang pamilya na sapilitang lumikas mula sa kanilang komunidad. Binigyang katwiran ng 301st IBde ang teroristang pag-atake sa mga komunidad sa pagpapahayag na mayroong “mayor na engkwentro” na naganap sa pagitan ng yunit nito at BHB sa hangganan ng mga barangay ng Artuz, Tabon, at Agpalali sa Tapaz.

Bukidnon. Kinanyon ng AFP noong Hulyo 1 at Hulyo 2 ang Sityo Tubigon, Barangay Busdi, Malaybalay City, Bukidnon matapos maka-engkwentro ang isang yunit ng BHB malapit sa lugar. Ang labis-labis na panganganyon ay nagdulot ng takot sa mga komunidad ng mga magsasaka at Lumad sa lugar. Apat na bala ng kanyon ang unang pinaputok noong alas-12:30 ng hapon ng Hulyo 1. Sinundan ito ng pagpapaputok ng dalawang kanyon noong alas-3:00 ng hapon. Kinabukasan ng alas-3:00 ng madaling araw, muling nagpasabog ng apat na bala ng kanyon ang AFP.

Pinsala ng US war games sa kabuhayan. Direktang naperwisyo ang kabuhayan ng mga mangingisda sa pagpapataw ng “no-sail zone” ng lokal na gubyerno at ng tropa ng US para bigyang daan ang mga war games at live-fire exercises. Ipinatupad ito noong Abril at Mayo sa mga bayan sa Ilocos, Zambales at Cagayan kung saan hindi bababa sa 28,000 mangingisda ang naapektuhan ayon sa mga ulat. Maituturing itong blokeyo sa pagkain at ekonomya na lumalabag sa karapatang-tao.

Hustisya!

Hustisya ang nagkakaisang sigaw ng sambayanang Pilipino para sa lahat ng mga biktima ng paglabag sa karapatang-tao ng rehimeng US-Marcos. Iba’t ibang anyo ng pagpapahayag at pakikibaka ang inilunsad ng mga grupo sa nagdaang taon upang bigyang boses ang mga biktima at kanilang mga pamilya.

Mga FFM at ISM. Isinagawa ng mga grupo sa karapatang-tao ang mga fact-finding mission (FFM) bilang porma ng paglaban at panawagan para sa hustisya. Kabilang dito ang mga isinagawang misyon sa Mindoro, Bulacan at ang international solidarity mission (ISM) noong Oktubre sa Rizal, at sa mga isla ng Mindoro, Samar, Leyte at Negros.

Mula Oktubre 11 hangang 14, nasa Pilipinas ang delegasyon ng ISM para alamin ang nararanasang krisis sa klima, pandarambong sa kalikasan, at militarisasyon sa komunidad ng mga magsasaka at katutubo sa Rizal, at sa mga isla ng Mindoro, Samar, Leyte at Negros. Kahit dumanas ng panliligalig at pananakot mula sa mga elemento ng AFP ang mga tim na naglunsad ng imbestigasyon, matapang at militante nilang itinuloy ito.

Noong Agosto 20, naglunsad ng FFM ang mga grupo sa San Jose Del Monte City, Bulacan para isadokumento ang mga kaso ng paglabag ng mga sundalo ng 80th IB sa karapatang-tao ng mga residente. Kabilang sa mga kasong ito ang pagkakampo sa sibilyang mga komunidad, sapilitang pagpapakalas sa lokal na mga samahan, pagbabahay-bahay ng armadong mga sundalo, terrorist-tagging, profiling at pagbabanta ng pag-aresto.

Tumungo ang 30-kataong delegasyon mula sa hanay ng mga taong-simbahan, tagapagtanggol ng karapatang-tao, tagapagtaguyod ng karapatan ng mga magbubukid, manggagawang pangkultura, at iba pang organisasyon, sa Barangay Tungkong Mangga na isa sa sentro ng mga kasong ito. Sinamahan sila ng mga kinatawan mula sa Commission on Human Rights (CHR) Region 3.

Sa Mindoro, matapang na hinarap at nilabanan ng iba’t ibang mga grupo kabilang ang Karapatan-Southern Tagalog ang harap-harapang panggigipit at karahasang militar ng 203rd IBde na nagtangkang pigilan silang isagawa ang isang FFM sa isla ng Mindoro noong Pebrero 23 hanggang Marso 1.

Partikular na tinungo ng tim ang bayan ng Pola, Bulalacao at Mansalay sa Oriental Mindoro kung saan naiulat ang serye ng mga paglabag sa karapatang-tao kasunod ng mga engkwentro ng 203rd IBde sa BHB-Mindoro noong Pebrero.

Palayain ang mga bilanggong pulitikal. Sa pamamagitan ng tuluy-tuloy na kampanya at pagpupursige ng mga pamilya at abugado, ilan nang mga detenidong pulitikal ang napalaya dahil sa kawalan ng ebidensya ng gawa-gawang mga kasong isinampa sa kanila. Mula sa bilang na 762 noong katapusan ng 2024, bumaba tungong 696 ang bilang ng mga bilanggong pulitikal sa bansa sa kasalukuyan.

Tumindig rin ang mga bilanggong pulitikal at iba pang preso sa Negros Occidental District Jail-Male Dormitory (NODJ-MD) sa Bago City, Negros Occidental nang maglunsad ng protesta noong Agosto. Tugon nila ito sa patung-patong na mga kaso ng paglabag sa kanilang karapatan sa loob ng bilangguan sa pangunguna ni Jail Warden JCINSP Atty. Crisyrel P. Awe, DSC. Si Awe ay napaalis sa pwesto noong Agosto ngunit ibinalik ilang buwan ang makalipas. Bilang tugon, muling naglunsad ng protestang pag-aayuno ang mga bilanggong pulitikal para patuloy na kundenahin si Awe.

Sa buong bansa, pana-panahong naglalabas ng pahayag ang mga bilanggong pulitikal sa mga maiinit na isyung pambayan. Binatikos rin nila ang pagpapataw ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) ng mahigpit at mapanupil na mga patakaran sa mga bilanggong pulitikal at mga bibista.

Hindi pasisiil na kabataan. Sa kabila ng brutalidad at karahasan ng armadong pwersa ng rehimeng Marcos laban sa mga protestang kontra korapsyon, patuloy ang naging pagtindig ng mga kabataang Pilipino. Matapos ang malawakang pag-aresto sa mga nagprotesta noong Setyembre 21, kaagad na kumilos ang mga kabataan, abugado at grupo sa karapatang-tao para palayain ang mga detenido at kamtin ang hustisya.

Para palakasin ang panawagang hustisya, itinatag noong Oktubre 12 ng mga biktima ng karahasan ng mga pulis sa protestang Setyembre 21 sa Mendiola, na kilala rin bilang Mendiola 277, ang Alyansa laban sa Korapsyon at Brutalidad ng Pulis o AKAB. Kasama nila dito ang kanilang mga kaanak, mga abugado at grupo sa karapatang-tao. Ayon sa alyansa, ipagpapatuloy nito ang laban para sa hustisya at pagpapanagot sa mga abusadong pulis at tiwaling upisyal sa gubyerno.

Nakibahagi rin sila sa martsa sa libing ni Eric Saber, ang manggagawang napatay ng mga pulis sa walang patumanggang pamamaril sa Mendiola noong Setyembre 21.

Rebolusyonaryong hustisya. Tuluy-tuloy ang pagsisikap ng Bagong Hukbong Bayan sa kanayunan para magpatupad ng rebolusyonaryong hustisya laban sa mga kaso ng pangangamkam ng lupa, pagpatay sa mga magsasaka at hors de combat, at iba pang kaso ng paglabag sa karapatang-tao.

Sa nagdaang taon, naging tampok ang pagparusa ng BHB-Negros Island sa dalawang aset ng AFP na sangkot sa pagtuturo at pagpatay kina Ericson Acosta, konsultant pangkapayapaan ng NDFP, at Ka Juanito Magbanua (Romeo Nanta), tagapagsalita ng BHB-Negros Island. Isinagawa ng BHB ang magkahiwalay na armadong aksyon kaugnay nito noong Oktubre sa Barangay Kamansi, Kabankalan City at noong Nobyembre sa Barangay Carabalan, Himamaylan City.

Sa buong bansa, patuloy ang militanteng paglaban ng mamamayan at mga tagapagtanggol sa karapatang-tao para tuluy-tuloy na labanan ang brutal na paghahari ng rehimeng Marcos. Mula sa mga hakbanging ligal o ekstra-ligal, hanggang sa mga armadong aksyon ng BHB, tuluy-tuloy na lumalaban ang mamamayan para sa pagtatanggol sa mga karapatan at pagkakamit ng hustisya. Inilalantad, binabatikos at sinisingil nila si Marcos sa mga patakaran sa panunupil at terorismo ng estado, kasabay ng pagpapanagot sa kanya sa malawakang korapsyon.

Kasabay ng malawakang korapsyon: Rehimeng US-Marcos, patuloy ang pasistang panunupil sa mamamayan