₱21/kainan ang pamantayan ng estado para masabing "food poor" ang isang Pilipino
Kung ang National Economic and Development Authority (NEDA) ang tatanungin, ₱64/araw o ₱21/kainan ang pamantayan para masabing hirap sa pagkain o “food poor” ang isang Pilipino. Ibig sabihin, kung lampas ₱9,581/buwan ang ginagastos ng isang pamilyang may lima katao para sa pagkain, hindi na ito ituturing ng estado na “naghihirap.” Ang halagang ito ay katumbas ng 72.2% sa abereyds na buwanang sahod ng isang manggagawa na nakapako sa ₱13,268/buwan.
Ipinagmalaki pa ng NEDA na sa 2025, “tataas” ang pamantayan ng “food poor” nang ₱3 o magiging ₱67/araw bilang pagkilala sa bumibilis na implasyon.
Ang kabulastugang ito ay inihayag mismo ng kalihim ng NEDA na si Arsenio Balisacan sa pagdinig ng Senado sa pambansang badyet para sa pag-apula sa kahirapan sa 2025. Sa sobrang baba ng pamantayan, inatasan siya ng mga senador na “repasuhin” ang mga ito, lalupa’t napakabilis sumirit ng mga presyo ng pagkain.
Ang nakamamatay na dyeta (diet) ng NEDA ay sangkapat lamang sa itinakda ng National Nutrition Council (NNC) na ₱242.53/araw o ₱80.84/kainan para masabing balansyado at masustansya ang dyeta sa hapag-kainan. Para sa isang pamilyang may lima ka tao, nangangahulugan ito ng badyet na ₱1,212.65/araw para sa pagkain lamang. Mas mataas pa rito ang arawang pangangailangan kung may sanggol, tinedyer o buntis sa pamilya dahil mayroon silang mga espesyal na rekisitong pagkain. Ayon sa NNC, tuluy-tuloy na tumaas ang halaga ng malusog na dyeta sa nakaraang mga taon—mula ₱226.60 noong 2017, ₱236.04 sa 2018, ₱238.9 sa 2019, tungong ₱242.53 sa kasalukuyan. Sukatan ang masustansyang dyeta ng “food security” ng mamamayan.
Ayon sa Expanded National Nutrition Survey ng Department of Science and Technology–Food and Nutrition Research Institute (DOST-FNRI) noong Enero, kumukonsumo ng abereyds na apat na tasang kanin ang isang Pilipino kada araw, katumbas ng halos isang kilo ng bigas. Ibig sabihin, nasa ₱50 ng konsumo ng bawat Pilipino ay napupunta sa bigas at mga produktong bigas. Ang natitira ay hahatiin sa gulay, isda at iba pang pampalasa sa ulam. Sa pakikipagtulungan sa World Health Organization, Department of Health at National Nutrition Council, binuo ng DOST-FNRI ang Pinggang Pinoy o mga pamantayang pagkaing masustansya para sa hapag-kainang Pilipino. Isang halimbawa ng Pinggang Pinoy ang isang tasang kanin, katamtamang hiwa ng manok, isang tasa ng gulay at isang uri ng prutas para sa isang kainan.