17 anyos, pinatay ng 9th ID sa "pekeng engkwentro"
Pinagbabaril at napatay ng mga tropa ng 9th ID ang 17 anyos na sibilyang si Argie Salvador sa Sityo Sapang Bato, Barangay Canapawan, Labo, Camarines Norte noong Pebrero 11, ala-1:40 ng hapon. Pinalalabas ni Major General Adonis Bajao ng 9th ID na napatay si Salvador sa isang engkwentro ng tropa nito at ng Bagong Hukbong Bayan.
“Mariing pinabubulaanan ng BHB sa Camarines Norte ang napaulat na labanan sa bayan ng Labo noong Sabado,” pahayag ni Carlito Cada, tagapasalita ng BHB sa prubinsya. Aniya, si Salvador ay hindi kasapi ng BHB at isang sibilyang katutubong Manide na taga-Tanauan, Capalonga. Paliwanag pa ni Cada batay sa kanilang imbestigasyon, si Salvador ay naghahanap ng pulot (honey) nang pagbabarilin ng mga sundalo. Sa katunayan, aniya, siya ay isang empleyado ng programang TUPAD ng Department of Labor and Employment.
“Kasinungalingan ang sinasabi nilang engkwentro sa pagitan ng kanilang tropa at diumano’y lima-kataong New People’s Army noong 1:40 ng hapon sa Sityo Sapang Bato ng Barangay Canapawan,” paggigiit ni Cada. Pinalalabas pa ng 9th ID na mayroong nakumpiskang baril sa umano’y “engkwentro.”
Hindi na bago ang ganitong taktika ng Armed Forces of the Philippines (AFP). Sa tala ng Ang Bayan, hindi bababa sa 15 ang mga sibilyan at magsasakang pinaslang sa ilalim ng rehimeng Marcos na pinalabas ng AFP na mga armadong kombatant ng BHB na napaslang sa gawa-gawang mga engkwentro.
Liban dito, marumi at mapanlinlang na gawi na nilang lagyan ng mga armas, bala at iba pang gamit militar ang kanilang mga patay na katawan, kuhaan ng litrato at ipakalat sa social media para pagpyestahan ng mga troll ng militar.
“Nananawagan ang BHB-Camarines Norte kay Kapitan Espiras ng barangay Canapawan at kay Mayor Jojo Francisco ng bayan ng Labo na paimbestigahan ang naturang insidente,” pahayag pa ni Cada.
Samantala, suportado ng yunit ng BHB ang pamilya at mga kaanak ng biktima sa panawagang hustisya at pagpapanagot sa mga kriminal na 9th ID.