2 berdugong sundalo ng 76th IB, napatay sa engkwentro sa BHB-Mindoro
Napinsalaan ng Bagong Hukbong Bayan (BHB)-Mindoro (Lucio de Guzman Command) ang nag-ooperasyong tropa ng 76th IB nang makaengkwentro nila ito sa Sityo Balite, Barangay Lumangbayan, Abra de Ilog, Occidental Mindoro noong alas-11 ng umaga ng Nobyembre 26. Hindi bababa sa dalawang sundalo ng 76th IB ang napatay habang hinihinalang maraming iba pa ang nasugatan.
Sa ulat ng BHB-Mindoro, tumagal lamang ang labanan ng 10 minuto. Ayon kay Ka Madaay Gasic, tagapagsalita ng yunit ng BHB, mabilis na nakauna ng putok at nakalaban ang mga Pulang mandirigma nang makasalubong ang 76th IB. Ligtas din ang yunit at organisadong nakaatras matapos ang labanan, aniya.
Dahil sa pinsalang nakuha, naghuramentado ang mga sundalo ng 76th IB at walang patumanggang nagpaputok ng baril hanggang lampas alas-12 ng tanghali. Nagpakalat rin ang batalyon ng kasinungalingan na ang namatay sa labanan ay tauhan ng BHB-Mindoro.
Katulad sa karaniwang modus ng mga yunit ng Armed Forces of the Philippines (AFP) saanmang bahagi ng bansa, kinurdon ng 76th IB ang komunidad at ipinailalim sa hamlet. Kinontrol nito ang aktibidad ng mga residente, nagsagawa ng panghuhuli sa mga sibilyan at pinagbawalang umalis ang mga taga-barangay Lumangbayan, Udalo at mga karatig barangay. Sapilitan ding pinalikas ang mga residente sa naturang mga barangay.
Ayon kay Ka Madaay, muli na namang nalantad ng naganap na labanan ang kasinungalingan ng 2nd ID at 203rd IBde na mahinang-mahina na ang BHB-Mindoro. Sa katunayan, nananatiling tinik sa lalamunan ng berdugong AFP at pinuprotektahan nitong naghaharing uri at malalaking negosyo ang BHB sa buong isla ng Mindoro.
“Matibay na testimonya ito na kailanman, hindi mauubos ang determinasyong lumaban ng tunay na hukbo ng masa,” pahahayag ni Ka Madaay.