Balita

Pagpapalawig ng Oceanagold Didipio gold-copper mine, kinundena ng NDF-Cagayan Valley

,

Mariing kinundena ng National Democratic Front (NDF)- Cagayan Valley ang planong pagpapalawig ng pagmimina hanggang 2037 ng Canadian-Australian mining company na OceanaGold.

Noong Hulyo 4, sa upisyal na bisita ni Ferdinand Marcos Jr. sa Canada, buong pagmamalaki niyang inianunsyo, kasama ang mga upisyal ng kumpanyang OceanaGold, ang kanilang kasunduan sa US$ 1.9 bilyong pamumuhunan upang palawigin ang operasyong Didipio Gold-Copper Mine hanggang 2037.

Ayon sa grupo, ang ipinalalandakan ni Marcos na dayuhang pamumuhunan bilang “malaking panalo” para sa lokal na ekonomya ay kailanman hindi magdudulot ng tunay na pag-unlad para sa mamamayan. Sa halip, mas higit itong magkakamkam at magwawasak sa likas na rekurso, mineral, lupa at kabuhayan at magpapalayas sa mga residente mula sa kanilang tahanan at magtutulak sa kanila sa mas malalim na kahirapan at pang-aapi.

Pinaniniwalaang may 1.41 milyong onsa ng ginto at 169,400 tonelada ng tanso ang Didipio Gold-Copper Mine sa Kasibu, Nueva Vizcaya, na may lawak na 27,000 ektarya. Pinatatakbo ito ng Australian-Canadian na kumpanyang OceanaGold. Pagkatapos ng maraming taon ng kanilang operasyon, nanganganib ngayon ang sistema ng patubig sa mga komunidad dito. Kritikal ang sistemang ito sa pamumuhay at kabuhayan sa pagsasaka at sa ekosistema sa paligid nito.

Malubha ang pangmatagalang pinsala ng open-pit mining sa kapaligiran at kalusugan. Dahil sa pagkakalbo ng kabundukan at lupa, lumalala ang pagbaha at pagguho ng lupa sa panahon ng malalakas na ulan at bagyo. Nagresulta rin ito ng alikabok, mine tailings, at kontaminadong tubig na sanhi ng mga sakit sa paghinga, sakit sa balat, at iba pang karamdaman, lalo na sa mga bata at matatanda.

Nasa mahigit-kumulang 4,000 katutubong mamamayan na naninirahan sa mga komunidad ng Didipio at Alimit, sa bayan ng Kasibu, sa prubinsya ng Nueva Vizcaya ay tuluy-tuloy na naglunsad ng mga protesta laban sa operasyong pagmimina ng OceanaGold sa mga nakalipas na taon. Gayundin sa Dupax del Norte, ang mamamayan ay nagbabarikada laban sa Woggle Corporation. Gayunman, nagpapatuloy ang mga kumpanyang ito sa kanilang operasyon dahil sa pakikipagsabwatan ng rehimeng Marcos Jr.

“Ang nagpapatuloy na pakikipagsabwatan ni Marcos Jr. sa OceanaGold, Woggle at iba pang dayuhang kumpanyang mina sa pangangamkam sa ating rekursong mineral ay nagpapatampok sa pangangailangan na paigtingin ang ating paglaban sa malalaki at mapanirang dayuhang pagmimina,” paliwanag ni Salvador del Pueblo, tagapagsalita ng NDF-Cagayan Valley.

Nananawagan ang NDF-CV sa mamamayan ng Cagayan Valley na makiisa sa mga komunidad ng Kasibu sa pagtutol sa sumasahol na dayuhang pangangamkam sa ating likas yaman. Anito, kailangang magpatuloy sa pagtindig, palawakin at palakasin ang mga barikada dahil ito ang matibay na panangga laban sa panggagahis sa ating karapatan sa lupa at likas yaman.

“Tanging digmang bayan ang mapagpasyang makapagpapalayas sa mga malalaking dayuhang kumpanya sa mina. Tanging sa pambansa demokratikong rebolusyon sa pamamagitan ng digmang bayan lamang tayo makakalikha ng ekonomiya na nakabatay sa tunay na repormang agraryo at pambansang industrialisasyon na tutungo sa pagtatayo ng sosyalistang lipunan na tiyak na magbibigay ng maunlad na buhay sa mamamayan,” pagtatapos ni Ka Salvador.

AB: Pagpapalawig ng Oceanagold Didipio gold-copper mine, kinundena ng NDF-Cagayan Valley