Perwisyo ng tagtuyot, labis na init dulot ng El Niño, dama na ng mga mangingisda at magsasaka ng Isabela
Iniinda na ng mga mangingisda at magsasaka ng Isabela ang malubhang epekto ng tagtuyot at matinding init na resulta ng penomenong El Niño sa bansa. Inuuod at hindi na lumalaki ang mga tanim na palay at mais habang naitala ang mga kaso ng fish kill sa prubinsya.
Simula pa Hunyo, dinaranas na ng Pilipinas ang El Niño. Sa anunsyo ng PAG-ASA (Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration), tataas pa tungong 82% ang tsansa ng penomenon pagkatapos ng Agosto. Inaasahang mararamdaman ang pinakamalalang epekto nito mula Oktubre hanggang Disyembre.
Noong Marso, isinailalim ang Isabela sa state of calamity dahil sa malawakang pinsala ng tagtuyot sa agrikultura.
Tuyot ang mga pananim
Sa tabi ng Cagayan River sa bayan ng Santa Maria, inuuod at hindi na lumaki ang mga tanim na mais dahil sa tagtuyot. Sa bayan ng Alicia, na nasa timog ng prubinsya, bitak-bitak na ang lupang taniman ng palay ng mga magsasaka. Ang Magat Dam na malapit sa bayan, na nagsusuplay ng tubig para sa palayan, ay nasa 159.97 metro na lamang ang taas noong Hulyo 15, mas mababa na sa kritikal na antas na 160-metro. Dahil sa tagtuyot, umaasa na lamang sa ulan ang mga magsasaka sa kawalan ng maayos at libreng irigasyon sa lugar.
Ayon kay Dominga Aberion ng Danggayan Dagiti Mannalon Ti Isabela (Dagami), balangay ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas, deka-dekada na ang problema sa patubig ng mga magsasaka at bilyun-bilyon ang pondo ng gubyerno pero hanggang sa kasalukuyan ay wala pa ring irigasyon.
“Hindi sapat ang sinasabing ayuda ng gubyerno. Mahal ang gastos sa pagtatanim kaya mapipilitang umutang. Pero dahil may tikag, hindi maaasahang masagana ang ani. Kapag walang ani, walang kita. Saan kukuha ng pambayad ng utang ang mga magsasaka? Lalo lang silang mababaon sa utang,” paliwanag ni Aberion.
Nananawagan ang Dagami ng pangmatagalang solusyon mula sa gubyerno. Ayon sa grupo, hindi sapat ang ayuda kung mananatili silang walang kagamitan para tugunan ang krisis at tuloy-tuloy na makapagtanim.
“Dapat bigyan ng gubyerno ang mga magsasaka ng mga makinarya, hose, at gasolina para mapatubigan nang maayos ang mga pananim. Tungkulin ng gubyerno na suportahan at tugunan ang pangangailangan ng mga magsasaka,” pahayag ni Aberion.
Namamatay na mga isda
Maging ang mga mangingisda at opereytor ng mga palaisdaan sa prubinsya ng Isabela ay hindi nakaligtas sa perwisyo ng tag-init. Sa bayan ng Ramon, dumanas ng malawakang fish kill ang mga palaisdaan sa Magat Dam noong huling linggo ng Hunyo. Hindi bababa sa 1,400 opereytor at mangingisda ang naapektuhan ng sakuna. Ang mga isdang namatay ay aanihin na sana. Ayon pa sa isang opereytor, humigit-kumulang 3,000 kilo ng isda ang namatay sa kanyang palaisdaan na tinatayang nagkakahalaga ng mahigit ₱1 milyon.
Ayon sa ilang eksperto, posibleng kulang ang oxygen sa tubig at maaaring nagkaroon ito ng polusyon dahil sa napakaraming putik na inanod patungo sa ilog. Nakadagdag rin sa problema ang kakulangan ng ulan at matinding init ng panahon.
Agarang pagtugon at pagtulong ang panawagan ng Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (Pamalakaya) para sa mga apektadong mangingisda at opereytor ng palaisdaan. Anito, dapat mahigpit na bantayan ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources at mga angkop na ahensya ang insidente at alamin ang lawak ng pagkalugi.
“Ang tulong ay dapat nasa porma ng agarang alibyo, ayuda sa ekonomya, at iba pang suportang pangkabuhayan laluna sa mga manggagawa sa palaisdaan na babalikat sa kahirapan ng pagkalugi,” ayon kay Fernando Hicap, pambansang tagapangulo ng Pamalakaya, sa isang pahayag noong Hulyo 6.
Dagdag niya, maaga pa lamang ay may babala na sa paparating na El Niño kaya inaasahang sapat ang paghahanda at maagap sa pagtugon ang pamahalaan. “Dapat igiit ng mga mangingisda at iba pang apektadong sektor ang agaran at konkretong aksyon mula sa mga kinauukulan,” aniya.