Balita

Pagbasura sa permit sa eksplorasyon ng NLMRC, ipinanawagan ng mga residente ng Nueva Viscaya

,

Nagprotesta ang nasa mahigit 80 katutubong residente ng Kasibu, Nueva Vizcaya sa pangunguna ng Inter-tribal Response towards Ecological Development (KIRED), kasama ang maka-kalikasang grupo at grupo ng mga pambansang minorya, sa mga upisina ng Mines and Geosciences Bureau (MGB) at Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa Quezon City, noong Hulyo 14. Panawagan nila ang pagbasura sa permit sa eksplorasyon ng North Luzon Mineral Resources Corporation (NLMRC).

Kasabay ng protesta, pumasok ang mga lider ng grupo sa upisina ng MGB upang magsumite ng apela kaugnay sa pagmimina ng kumpanya.Noon pang Mayo nagtayo ang mga residente ng Kasibu ng mga barikada para pigilan ang pagpasok ng makinarya panghukay ng NLMRC sa kanilang lugar.

Anila, banta sa mahahalagang sakahan, pinagkukunan ng tubig, at mga lupang ninuno ang 4,456-ektaryang eksplorasyon sa pagmimina para sa ginto at tanso. Inaprubahan ang proyekto nang walang tunay free, prior, and informed consent (FPIC) mula sa mga katutubong komunidad.

Nagpahayag ng pakikiisa ang Katribu at Kabataan para sa Tribung Pilipino (Katribu Youth) sa laban ng mga residente ng Kasibu. Batid nilang ang laban ng mga residente ng Kasibu ay hindi hiwalay sa nararanasan ng ibang mga komunidad sa Nueva Viscaya. Deka-dekada nang lumalaban ang mga katutubo sa buong Nueva Vizcaya laban sa malawakang pagmimina na pagmamay-ari ng mga dayuhan, na nagdulot lamang ng pagkasira ng kapaligiran, pagkawala ng kabuhayan, militarisasyon, at mga paglabag sa karapatang pantao.

Ayon sa Katribu, inilantad ng mga pangyayari sa Kasibu ang tunay na kalagayan ng bansa para sa mga katutubo. Sa halip na protektahan, agresibong ibinukas ng rehimeng Marcos ang mga lupaing ninuno para sa malakihang pagmimina at mga proyektong renewable energy ng mga dayuhan.

Nanawagan ang Katribu sa DENR at MGB na agad kanselahin ang permit sa eksplorasyon ng NLMRC. Nanawagan din ang grupo sa kongreso na imbestigahan ang patuloy na pagpapalawak ng mapanirang pagmimina sa mga lupaing ninuno at itaguyod ang mga karapatang ginagarantiyahan sa ilalim ng mga internasyunal na pamantayan sa karapatang-tao.

AB: Pagbasura sa permit sa eksplorasyon ng NLMRC, ipinanawagan ng mga residente ng Nueva Viscaya