Balita

2 hors de combat na mga Pulang mandirigma, pinatay ng 15th IB

Dalawang hors de combat na mga Pulang mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan (BHB)-Southwest Negros (Armando Sumayang Jr Command) ang pinaslang ng mga sundalo ng 15th IB sa Barangay Camindangan, Sipalay City, Negros Occidental sa nagdaang mga araw. Ang dalawa ay parehong pinalalabas na napatay sa mga armadong engkwentro.

Noong Hulyo 29, dinakip ng 15th IB ang 23-anyos na Pulang mandirigma na si Reggie Fundador (Ka Tata) sa Sityo Badyang, Barangay Camindangan. Hindi armado si Ka Tata. Ayon sa mga nakasaksi, narinig pa nila ang pagsigaw ni Ka Tata nang damputin siya ng mga sundalo.

Kinabukasan, nakita na lamang ang bangkay ni Ka Tata sa daanan sa Crossing Magtanday, Barangay Camindangan. Kitang-kita sa kanyang bangkay ang mga bakas ng tortyur.

Noon namang Agosto 1, pinaslang ng 15th IB ang hors de combat na si Alvin Lumagsao Sinsano (Ka Zian) sa Sityo Cambuguiot sa parehong barangay.

Alinsunod sa internasyunal na makataong batas, dapat igalang ang karapatan ng mga kasapi ng armadong pwersa na wala nang kakahayang lumaban o mga hors de combat. Maaari silang arestuhin ng katunggaling armadong pwersa at iharap sa kinauukulang korte para sa mga kaso laban sa kanila.

Kinundena ni Ka Andrea Guerrero, tagapagsalita ng BHB-Southwest Negros, ang paglabag na ito ng 15th IB sa internasyunal na makataong batas at pagpaslang sa dalawa nilang mga kasama.

“Labis ang galit at lungkot ng lahat rebolusyonaryong mga pwersa, mga Pulang mandirigma at Partido sa pagpatay ng uhaw sa dugong 15th IB [sa kanila],” pahayag ni Ka Andrea.

Si Ka Tata, tubong Sityo Makapula, Barangay Cabia-an, Candoni, Negros Occidental, ay mula sa uring magsasaka. Nagpultaym siya sa BHB noong 2020 at nagsilbi dito bilang tim lider, ikalawang iskwad lider at upisyal sa lohistika at pinansya.

“Kilala si Ka Tata bilang isang mapagmahal na kasama. Masigasig siya sa pagluluto at paghahanap ng lulutuin para sa masa at kasama. Matapang at puno siya ng entusiyasmo sa pagpapatupad sa kanyang mga gawain at matapang sa pagharap sa kaaway,” pagpaparangal ni Ka Andrea.

Pinagpugayan rin ni Ka Andrea ang pag-aalay ni Ka Zian ng buhay para sa masa at rebolusyon. “Pagmumulan ito ng inspirasyon at lakas ng loob ng lahat ng pwersang rebolusyonaryo,” aniya.

Samantala, ibinalita ng grupo sa karapatang-tao sa Negros ang pagpatay ng 15th IB sa isang matandang magsasaka noon ding Hulyo 29. Dinampot, dinala sa gubat, at saka sadyang pinaslang ng mga sundalo ang 69-anyos na magsasakang si Ramon Enseniales sa Cauayan, katabing bayan ng Sipalay City.

AB: 2 hors de combat na mga Pulang mandirigma, pinatay ng 15th IB