Hors de combat, namatay habang nasa kustodiya ng 9th ID
Mariing kinundena ng Karapatan-Bicol ang pagpapakalat ng kasinungalingan ng 9th ID hinggil sa pagkadakip kay Raul Luding Tolingin, isang hors de combat. Nanawagan rin ang grupo ng pananagutan at hustisya sa pagkamatay ni Tolingin habang nasa kustodiya ng militar.
Sa ulat ng militar, nagkaroon ng engkwentro sa pagitan ng limang myembro ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) at ng 2nd IB noong Mayo 10 ng alas-5:30 ng umaga sa Barangay Miabas, Palanas, Masbate. Taliwas dito, ipinahayag ng mga residente na walang naganap na engkwentro. Pinaputukan ng mga sundalo ang bahay na tinutuluyan ni Tulingan at tinamaan siya sa kanang hita.
Ayon sa Karapatan-Bicol, si Tolingin ay matagal nang umiinda sa sakit na diabetes, high blood at rayuma, at nagpapagamot habang tumutuloy sa isang bahay sa naturang barangay. Mula nang siya ay dinampot ng mga sundalo, tatlong araw siyang hindi matunton ng pamilya.
Hindi ipinaalam ng militar sa pamilya ang kanyang kinaroroonan sa kabila ng kanilang aktibang paghahanap sa kanya. Noong Mayo 13 na lamang nabatid ng pamilya ang kinaroroonan ni Tolingan nang sabihan sila ng militar na naghihingalo na siya sa Masbate Provincial Hospital.
Unang na-admit si Tolingin sa isang pribadong ospital at ini-refer para sa surgery sa Legazpi City, Albay. Sa halip na isakatuparan ito, inilipat siya sa isang pampublikong ospital sa Masbate. Nang nasuri ng mga doktor ang kanyang sitwasyon, pinayuhan din sila na dapat siyang ilipat sa Legazpi City. Mula doon ay sinabihan ng militar ang pamilya na dapat sila na ang sumagot sa gastos sa pagpapalipad kay Tolingan at pagpapagamot sa kanya sa Legazpi City.
Noong Mayo 14, alas-12:50 ng tanghali, iniulat ang 9th ID sa isang bidyo sa Facebook na namatay na si Tolingin dahil sa “komplikasyon at iba pa niyang karamdaman.” Namatay siya bandang alas-11 ng gabi.
“Malinaw na isang hors de combat si Tolingin, na walang kakayahang lumaban dahil sa kanyang karamdaman. Sa ilalim ng International Humanitarian Law (IHL), ang mga hors de combat ay protektado mula sa anumang pag-atake at dapat ituring nang makatao,” pahayag ni Cristina Palabay, pangkalahatang kalihim ng Karapatan. Dagdag niya, ang pagbaril sa kay Tolingon, pagkakait ng impormasyon sa kanyang pamilya sa kanyang lokasyon, at ang pagpapabaya na nagdulot ng paglala ng kanyang kundisyon habang nasa kustodiya ng militar ay malalalang paglabag sa internasyunal na makataong batas at sa karapatang-tao.
“Malinaw na lumala ang kundisyon ni Tolingin dahil sa pagtanggi ng militar na ayusin ang kanyang paglipat para sa kinakailangang agarang pagpapagamot. Hindi maaaring maghugas-kamay ang militar sa pagkamatay ni Tolingin, laluna matapos nilang itago ang impormasyon tungkol sa tunay niyang kalagayan mula sa kanyang mga mahal sa buhay,” paliwanag ni Palabay.
Dagdag niya, hindi maaaring idahilan ng AFP ang mga operasyong anti-insurhensiya para pagtakpan ang mga paglabag sa mga batas ng digma. “Sa ilalim ng IHL, ang mga taong hors de combat ay may karapatan sa atensyong medikal at wastong pangangalaga mula sa mga bumihag sa kanila,” aniya.
Binigyang-diin ng Karapatan na ang pagkamatay ni Tolingin ay dagdag sa lumalawak na listahan ng mga paglabag sa IHL, hindi lamang sa Masbate, kundi sa buong rehiyon ng Bicol. Sa nakaraan, paulit-ulit na naisadokumento sa rehiyon ang mga kaso ng pekeng engkwentro, ekstra-hudisyal na pamamaslang, iligal na pag-aresto, tortyur, at pagkakampo ng militar sa mag sibilyan na pasilidad sa mga komunidad.