Pagtortyur at sadyang pagpatay ng 2nd IB sa Pulang mandirigma sa Masbate, kinundena ng BHB
Kinundena ng Bagong Hukbong Bayan (BHB)-Masbate (Jose Rapsing Command) ang pagtortyur at sadyang pagpatay ng mga sundalo ng 2nd IB sa isa sa mga Pulang mandirigma nito na nadakip noong Disyemrbe 13. Ayon sa yunit, seryosong paglabag sa internasyunal na makataong batas at mga batas ng digma ang ginawa ng 2nd IB sa isang hors de combat o wala sa katayuang lumaban na Pulang mandirigma.
Sa ulat ng yunit, buhay na nadakip ng 2nd IB ang Pulang mandirigma na si Ka Mil noong Disyembre 13. Mayroon siyang tama ng bala sa paa matapos ang reyd ng tropa ng 2nd IB sa tinutuluyang bahay ng yunit ng BHB sa Barangay Pitogo, Cataingan, Masbate sa araw na iyon.
Ayon kay Ka Luz del Mar, tagapagsalita ng BHB-Masbate, malinaw sa bangkay ni Ka Mil ang mga palatandaan ng brutal na tortyur sa leeg, binti, braso at likod.
Dagdag ni Ka Luz, ang ginawang brutalidad ng 2nd IB kay Ka Mil ay ganti sa pagkamatay ng dalawa nitong sundalo, kabilang ang upisyal na si 2nd Lt. Taladua, sa reyd sa yunit ng BHB. Isa pang sundalo ng 2nd IB ang naiulat na nasugatan.
Si Ka Mil ay ikatlong Pulang mandirigma na ngayong taon na biktima ng pagtorytur at sadyang pagpatay ng 2nd IB, ayon sa BHB-Masbate. Ang dalawang pa ay sina Ka Popoy/Roco sa Barangay San Jose noong Setyembre 30, at Ka Boboy sa Barangay Candelaria noong Hulyo 19, kapwa sa bayan ng Uson. Bakas sa kanilang mga bangkay ang maraming saksak, tama ng bala at pagbali sa buto.
Ipinaabot ng BHB-Masbate ang taos-pusong pakikiramay at pakikidalamhati nito sa pamilya, kamag-anak at kakilala ni Ka Mil. “Tinitiyak ng pamprubinsyang kumand na hindi ito titigil hanggang sa mapanagot at masingil ang mga berdugong tropa ng militar at mabigyan ng karampatang hustisya ang mga kasama at masang kanilang brutal na tinortyur at pinaslang nang walang kalaban-laban,” ayon kay Ka Luz.