Balita

2 matanda, sadyang pinatay ng rehimeng Marcos sa Iloilo

Sadyang pinatay ng pinagsanib na pwersa ng pulis at militar ang dalawang matanda sa Barangay Coto, Lambunao, Iloilo noong Oktubre 5 ng gabi. Pinalalabas ng mga pwersa ng estado na nanlaban (nagpaputok ng baril) ang mga matatanda habang hinahainan sila ng mandaymento de aresto. Sinasabing higit 10 sasakyan na puno ng mga pulis at militar ang nagsagawa ng operasyon laban sa dalawa.

Ang mga biktima ay kinilala bilang sina Mateo Suarez, 71, at Roberto Cabales, 68. Sa paunang ulat, sinasabing tadtad ng tama ng bala ang tiyan ni Cabales. Kinundena ng Panay Alliance Karapatan ang walang-awang pagpatay sa dalawa at nanawagan ng hustisya at pananagutan sa rehimeng Marcos.

Ayon sa grupo, purong kasinungalingan ang sinasabi ng mga pulis at militar na nanlaban ang mga biktima laluna at isinaad ng mga saksi na walang kahit anong indikasyon ng “labanan” sa lugar. “Ang sadyang pagtarget sa mga matatanda at walang kalaban-labang mga indibidwal ay isang malubhang paglabag sa internasyunal na makatang batas at karapatang-tao,” anito.

Ang karumal-dumal na krimen ay binibigyang katwiran ng militar at pulis sa pagsasabing si Cabales ay mayroong patong sa ulo na ₱3.1 milyon para sa kasong rebelyon. Pinararatangan din siyang kalihim at lider ng Komiteng Rehiyon ng Partido Komunista ng Pilipinas sa Panay.

Ayon sa Panay Alliance Karapatan, sina Suarez at Cabales ay kapwa mga dating bilanggong pulitikal at dumanas na ng pasismo sa kamay ng militar. Si Cabales ay naaresto at ikinulong noong Hunyo 11, 1999 ng Military Intelligence Group (MIG) at nakalaya limang araw makalipas dahil sa maling pag-aresto. Noong Nobyembre 22 sa parehong taon, dinukot naman siya at kasamang si Ruben Saluta ng MIG at sikretong idinetine. Inilitaw lamang siya tatlong araw makalipas.

Si Suarez ay nakulong sa Capiz Rehabilitation Center noong 2012 at nakalaya matapos ang dalawang taong detensyon matapos ibasura ng isang korte ang mga kasong pagpatay at illegal possession of firearms laban sa kanya. Mula nang makalaya at nanirahan na siya sa Barangay Coto ngunit patuloy na ginipit ng militar at pinilit pang pumaloob sa programang “balik-loob” ng gubyerno.

“Ang mga yunit ng AFP na sankot ay dapat direktang mapanagot para sa malubhang paglabag na ito, at dapat magkaroon ng mga hakbang para tiyakin ang agarang pananagutan,” ayon sa Panay Alliance Karapatan. Nanawagan rin ang grupo na protektahan ang mga pamilya ng mga biktima, laluna sa banta ng pag-atake ng mga pwersa ng estado, na posibleng makasagka sa isang maayos na imbestigasyon sa tunay na nangyari.

“Nakikiisa ang Panay Alliance Karapatan sa mga pamilya nina Suarez at Cabales at nangangakong isusulong ang hustisya para sa mga biktima ng pinakabagong karumal-dumal na krimen na ito,” anang grupo.

AB: 2 matanda, sadyang pinatay ng rehimeng Marcos sa Iloilo