News

Planong pagmimina sa Apayao, tinututulan ng mga residente

, ,

Nagpahayag ng mariing pagtututol at pagkabahala kamakailan ang Save Apayao People’s Organization (SAPO) sa naiulat na interes sa pagmimina ng kumpanyang Copper Fields sa bayan ng Conner, Apayao.

Ayon sa mga residente, nagsimula nang magpatawag ng mga pulong at konsultasyon ang naturang kumpanya sa mga upisyal ng barangay. Dito nila napag-alamang naghain ng aplikasyon para sa eksplorasyon ang Greenwater Mining Corporation/Copper Fields sa 4,256 ektaryang lupain sa bayan ng Conner.

Ayon sa grupo, ang naturang aktibidad ng kumpanya ay kasunod ng anunsyo ng gubyerno tungkol sa US$1.9 bilyong pangakong pamumuhunan mula sa Canada.

Hindi ito ang unang pagkakataon na nagsumite ng aplikasyon ang Copper Fields at Green Water upang magsagawa ng eksplorasyon sa Conner. Naka-lista sa MGB Public Portal ang mga aplikasyon mula Marso 1996 at Mayo 2000. Parehong tinanggihan ang mga aplikasyon nito noong Pebrero 2011. Bago nito, tinutulan din ng mga residente ang pagpasok ng Anglo American PLC 2005.

Noong 2020 at 2021, nagsagawa ang Mines and Geosciences Bureau – Cordillera Administrative Region (MGB-CAR) ng Regional Geologic and Detailed Mineral Reservation Mapping sa Barangay Talifugo, Conner, Apayao. Sinaklaw ng pag-aaral ang humigit-kumulang 6,500 ektarya sa Conner at natukoy dito na may malaking potensyal ng ginto at tanso sa 13 magkakaibang pormasyon ng bato na matatagpuan sa bayan.

Ani ng grupo, ang mga operasyon ng pagmimina sa kanilang lugar ay magpalayas sa mga katutubong komunidad, makasisira sa mga watershed, at tradisyunal nilang pamumuhay. Ang kaunlaran ay hindi dapat sukatin batay lamang sa dami ng ginto at tanso na nakukuha mula sa mga kabundukan.

“Ang tunay na kaunlaran ay nasusukat sa pangangalaga sa mga komunidad, pag-iingat sa mga ekosistema, at sa dangal ng mga susunod na henerasyon,” anito.

Nanawagan ang SAPO ng imbestigasyon hinggil sa lahat ng aktibong aplikasyon sa pagmimina sa bayan, tunay na konsultasyon sa mga katutubong komunidad, at mahigpit na proteksyon para sa mga lokal na ekosistema. Hinikayat nito ang mga magsasaka, kabataan, kababaihan, at mga lokal na upisyal sa buong Cordillera na mag-organisa at tutulan ang malakihang proyektong pagmimina ng mga korporasyon sa kanilang mga lupang ninuno.

AB: Planong pagmimina sa Apayao, tinututulan ng mga residente