2 pistola, nasamsam ng BHB-Northern Negros sa aset ng militar, pulis
Nasamsam ng Bagong Hukbong Bayan (BHB)-Northern Negros (Roselyn Jean Pelle Command) ang dalawang pistola mula sa isang aset paniktik ng militar at isang pulis sa mga armadong aksyon noong Disyembre 7. Inilunsad ng BHB ang magkasunod na armadong aksyon sa Calatrava, Negros Occidental.
Unang isinagawa ng BHB-Northern Negros and isang aksyong punitibo laban kay Mando Ugdiman sa Sityo Tagda, Barangay Dolis noong alas-7 ng umaga. Nasamsam sa kanya ang isang .45 pistola, mga bala at iba pang kagamitang pandigma.
Si Ugdiman ay aktibong espiya ng militar sa komunidad at nagsisilbing giya sa mga operasyong militar. Sangkot din siya sa panggigipit sa mga sibilyan na pinagsususpetsahan ng militar na may kaugnayan sa rebolusyonaryong kilusan.
Sa pag-atras ng yunit ng BHB-Northern Negros na nagsagawa ng operasyon, nakasalubong nila ang nakasibilyang damit na tatlong elemento ng 1st Negros Occidental Provincial Mobile Force Company (NOCPFMC) sa Purok 5, Barangay Lagaan. Sa pag-aakalang mga sibilyan, kinausap ng yunit ng BHB ang tatlo at sinubukang pakalmahin.
Nagpaputok ang mga pulis sa yunit ng BHB at naganap ang engkwentro sa lugar na nagresulta sa pagkapatay kay Police Senior Master Sergeant Rommel Aguilar. Nasamam sa kanya ang isang 9mm pistola at mga bala. Nagsitakbuhan sa takot ang kanyang mga kasama.