3 kinatawan, target ng Bayan Muna na ibalik sa kongreso
Idineklara ng Bayan Muna Partylist sa pambansang kumbensyon nito ngayong araw, Setyembre 26, sa Quezon City na target nitong ipanalo ang tatlong kinatawan sa kongreso sa eleksyong party-list sa darating na 2025. Determinado ang partido na makabalik sa kongreso kasunod ng kabiguang makapagpa-upo ng kinatawan noong eleksyong 2022.
Hinirang ng partido bilang nangungunang mga nominado nito ang mga subok na at beteranong mambabatas sa hanay nito. Unang nominado ng Bayan Muna si Atty. Neri Colmenares na tatlong beses nang naging kinatawan ng partido sa loob ng kongreso. Isa siyang aktibista noong panahon ng batas militar ng diktadurang Marcos at nagsilbing mahigpit na katuwang ng iba’t ibang mga sektor sa kanilang kampanya at laban sa nagdaang mga dekada.
Magsisilbi namang ikalawang nominado nito si Atty. Carlos Ysagani Zarate, tatlong beses ring naging kinatawan ng partido, at ikatlong nominado si Ferdinand Gaite, dating lider ng mga unyon ng kawani ng gubyerno at isang beses naging kinatawan ng Bayan Muna sa kongreso.
Inihanay naman bilang kasunod na mga nominado si Eufemia Cullamat, lider-lumad at dating kinatawan ng partido sa kongreso, at si Atty. Kristina Conti, ang abugado ng mga biktima ng gera kontra droga ng rehimeng Duterte sa International Criminal Court. Kandidato rin sina Elizabeth Camoral, dating bilanggong pulitikal sa Southern Tagalog, Irma Espinas-Espinosa mula sa Panay, Florentino Viuya Jr na lider-manggagawa sa Central Luzon, Lean Porquia mula sa hanay ng mga empleyado sa BPO, at si Mitzi Tan, kabataang tanggol-kalikasan.
Ang Bayan Muna ay kabilang sa nangungunang party-list noong 2001 nang unang sumabak sa eleksyon at muli noong 2019. Sa walong beses na sumabak sa eleksyong party-list, apat na beses silang nakapagluklok ng tatlong kinatawan at dalawang beses na mayroong dalawang kinatawan.
Dahil sa malawakang suportang nakuha ng Bayan Muna sa nagdaang mga eleksyon, malaking gulat para rito ang kabiguan nitong makakuha ng kahit isang pwesto noong eleksyong 2022. Naniniwala ang partido na naging biktima ito ng malawakang pandaraya o tapyas-boto sa panahong iyon. Malaki rin ang epekto ng panggigipit at pag-atake ng mga pwersa ng estado, at iba pang porma ng elektoral na panggigipit.
Sa harap nito, higit na determinado ngayon ang Bayan Muna na mabalik sa kongreso bitbit ang konsistent na rekord nito na nakapagpag-akda ng maraming maka-mamamayan na batas, tunay na pagtutol sa mga administrasyong kontra-mamamayan, at tapat na pampublikong rekord.
Sa talumpati ni Atty. Colmenares, nanawagan siyang mahusay na ikampanya ang partido para ipayakap sa masang maralita at panggitnang pwersa ang Bayan Muna. Aniya, patuloy na itatampok ng partido ang paglaban sa mataas na presyo ng yutiliti at langis gayundin ang pagsusulong ng ₱1,200 na minimum na arawang sahod para sa mga manggagawa sa buong bansa at ₱33,000 buwanang sweldo para sa mga empleyado ng pampublikong sektor.
Hinimok niya ang lahat ng kasapi ng Bayan Muna na doblehin ang pagsisikap at maging mapanlikha para ipanalo ang partido. Aniya, dapat mangampanya ang lahat na parang wala nang bukas laluna at nasa bingit ng diskwalipikasyon ang partido kung hindi makauupo sa 2025.
Upisyal ring ipinahayag ng Bayan Muna ang kanilang suporta sa 11 kandidato pagkasenador ng Koalisyong Makabayan. Kabilang sa mga kandidato ng koalisyon ang tatlong naging mga dating kinatawan at nominado rin ng partido.
Naging bahagi rin ng pambansang kumbensyon ng Banya Muna ang pagkilala at pagbibigay parangal sa halos 200 mga martir at bayani nito sa 25 taon ng partido na karamihan ay pinaslang ng AFP.