Proklamasyon sa Duterte Youth Party-list, isinuspinde ng Comelec
Upisyal na isinuspinde ng Commission on Elections (Comelec) na nagsisilbi bilang National Board of Canvassers ang proklamasyon sa Duterte Youth Party-list noong Mayo 19 dahil sa kinahaharap na mga kaso ng diskwalipikasyon ng partido. Kwestyunableng nanalo sa eleksyong party-list ang partido at nakatakdang makapagpaupo ng tatlong kinatawan.
Noong 2019 pa isinampa ng mga lider-kabataan ang petisyon para tanggalan ng rehistro ang Duterte Youth. Isinampa ang kasong diskwalipikasyon sa mga batayan ng (1) kawalan ng wastong rehistro bilang partido sa sistemang party-list sa Comelec, (2) kawalan ng pagtupad sa ilan pang ligal na rekisito para kilalanin bilang partido sa naturang sistema, (3) at mga kilos na nagpapakita na hindi nila kinakatawan ang kabataan tulad ng pagsubok na ipasok noong 2019 si dating National Youth Commission (NYC) Chairperson Ronald Cardema, sagadsaring tau-tauhan ni Duterte, na noo’y 34 taong gulang na. Itinakda sa mga alituntunin ng Comelec na ang maaring kumatawan sa kabataan ay yaong may edad 30-pababa lamang.
Noong Marso 25, nagsampa ng “Motion to Resolve” ang mga kabataan sa pangunguna ng Kabataan Tayo Ang Pag-asa (KTAP) para kaagad na hatulan ng ahensya ang kasong diskwalipikasyon na anim na taong nakabimbin. Ilang araw bago ang proklamasyon, nagsampa muli ng petisyon ang mga kabataan para pigilan ang proklamasyon sa Duterte Youth hanggang hindi natutugunan ng Comelec ang petisyon sa diskwalipikasyon.
Liban dito, isang hiwalay na petisyon para sa diskwalipikasyon ang isinampa noong Mayo 8 nina University of the Philippines Student Regent Francesca Duran, Polytechnic Univerity of the Philippines Student Regent Troy Cabangon, at Youth Advocates for Climate Action Philippines National Coordinator Rachelle Junsay. Kasama nila ang kanilang mga abugado mula sa National Union of People’s Lawyers (NUPL).
Ginamit na batayan ng mga lider-kabataan ang napakaraming dokumentadong kaso ng Red-tagging ng Duterte Youth Party-list at mga lider nito laban sa mga progresibong partido, organisasyon at indibidwal sa panahon ng kampanya. Anila, paglabag ito sa Comelec Resolution 11116 at Supplemental Resolution No. 11127 na nagbabawal sa anumang pagbabansag tulad ng Red-tagging na nagpapahamak sa mga grupo at indibidwal sa panahon ng kampanya.
Samantala, naglabas ng pahayag ang KTAP kung saan hindi bababa sa 100 mga organisasyon, konseho at mga pahayagan ng mga kabataan at estudyante ang sumusuporta at nananawagan ng diskwalipikasyon sa Duterte Youth. Anila, hindi kailanman kinatawan ng partido ang interes ng kanilang sektor at sa halip ay nagdala pa sa kanila ng kapahamakan.
“Deserve,” ito ang pahayag ni Atty. Renee Co, ang mauupong kinatawan ng Kabataan Party-list, sa kinaharap na suspensyon ng proklamasyon ng Duterte Youth. Ang Kabataan ay kabilang sa mga tinatarget ng Red-tagging ng Duterte Youth sa akusasyong may kaugnayan ito sa armadong rebolusyanaryong kilusan.
Dagdag pa ni Atty. Co, ikinalugod niya ang unang hakbang na ito at sinabing magbabantay ang Kabataan Party-list kasama ang iba pang mga grupo ng kabataan hanggang sa tuluyang matanggalan ng rehistro ang Duterte Youth, na aniya ay hindi naman partido ng mga kabataan.
Ang Duterte Youth ay itinatag ni Ronald Cardema noong 2016 bilang suporta kay Rodrigo Duterte, isang mamamatay-tao, kurakot at pasista. Nagpapanggap ito na kumakatawan sa interes ng kabataan. Tumakbo ito sa eleksyong party-list noong 2019 at 2022 kung saan nakakuha sila ng isang pwesto. Walang halos ginawa at ipinanukala ang mga kinatawan nito sa kongreso.
Liban sa Duterte Youth, nakasuspinde rin ang proklamasyon ng pagkapanalo ng partidong Bagong Henerasyon dahil sa reklamo na kinahaharap nito.