Mga naglingkod sa araw ng halalan, nanawagang ibigay na ang kabayaran
Nanawagan ang Alliance of Concerned Teachers-National Capital Region (ACT NCR) Union na kaagad ibigay ang honoraria at alawans para sa mga guro at kawani ng Department of Education (DepEd) na naglingkod sa nagdaang eleksyong midterm. Ipinanawagan rin ng unyon ang pagbibigay ng kabayarang obertaym at muling iginiit sa rehimen na tanggalan ng buwis ang mga kabayarang ito.
Ang mga myembro ng EB ay tumatanggap ng ₱9,000 hanggang ₱13,000, depende sa kanilang tungkulin. Kakaltasan ito ng buwis ng gubyerno. Matatandaan na ibinasura ni Ferdinand Marcos Jr ang panukalang batas noong Hulyo 2022 na tanggalin ang buwis sa honoraria ng mga maglilingkod sa panahon ng eleksyon.
“Isang linggo na ang lumipas mula noong halalan, ngunit libu-libong guro na nagsilbing myembro ng Electoral Board (EB) ang hindi pa rin natatanggap ang kanilang matagal nang hinihintay na bayad,” ayon kay Ruby Bernardo, pangulo ng ACT NCR Union. Aniya, “hindi katanggap-tanggap na ang mga guro ay nagtitiis ng init, pagod, at panganib para sa halalan, ngunit pagdating sa bayad at benepisyo, laging huli.”
Binibigyang diin ng ACT NCR Union ang mga seryosong hamon na kinaharap ng mga guro na nagbantay sa halalan, kabilang ang mga sirang automated counting machine, panganib sa kalusugan at kaligtasan, at ang walang tigil na pagtatrabaho nang higit 24 oras. Liban dito, maraming guro ang gumastos ng sariling pera para sa pagkain at pamasahe na umaasang agad silang mababayaran ayon kay Bernardo.
“Marami sa ating mga guro ang umutang pa para lang makapagserbisyo nang maayos sa araw ng halalan. Hindi dapat ganito ang kalagayan ng mga tagapagtaguyod ng ating demokrasya,” aniya.
Bukod sa panawagan para sa mabilisang pagbabayad ng honoraria, muling ipinaalala ng ACT NCR Union ang pangangailangan ng komprehensibong reporma sa paraan ng pagbabayad sa mga naglilingkod sa halalan.
Ayon kay Bernardo, “hindi lang agarang bayad ang aming hinihiling kundi pati na rin ang ganap na pagtatanggal ng buwis sa lahat ng bayad sa serbisyo sa halalan, tamang kabayarang obertaym para sa mga guro na nagtrabaho nang higit sa 24 na oras, at mas mabilis na sistema ng pagbabayad.”
Dagdag pa ng lider-guro, hindi ito simpleng kahilingan kundi mga kinakailangang hakbang upang kilalanin ang tunay na halaga ng kontribusyon ng mga guro sa demokratikong proseso ng eleksyon. “Dapat kilalanin ng Commission on Elections na ang mga guro ay hindi lang mga frontliner sa halalan—sila ay mga tagapagtustos ng kanilang mga pamilya,” ayon pa kay Bernardo.
“Kung walang guro, walang halalan. Ang sakripisyo ng mga guro ay hindi dapat pinapabayaan. Panahon na para suklian ito nang buo, maayos, at nararapat,” pagtatapos ni Bernardo.